"N-Nay Lora, kumusta po kayo?" tanong ng senyorito. 

Natigilan ako nang banggitin n'ya ang pangalan ni Nanay... Naaalala n'ya si Nanay?

"Nako, ang laki laki mo na! Hindi ko akalain na magagawa akong dalawin ng paborito kong alaga noon sa hacienda," nakangiting sabi ni Nanay saka pinilit na tumingkayad para mahaplos ang buhok ng senyorito. 

Kitang kita ko kung paano lumambot ang ekspresyon ni Senyorito Zamir. Ngumiti rin siya kay Nanay... at iba ang ngiting 'yon sa palagi n'yang ipinapakita... tila ba totoo siyang nakangiti kay Nanay ngayon. 

Napatingin si Senyorito kay Tatay. "Tay Lorenzo, kumusta po kayo?" tanong pa ni senyorito kay Tatay. 

Kilala n'ya rin si Tatay? Alam ko na naging magsasaka si Tatay sa lupain nila noon ngunit hindi ko alam na pati si Tatay ay kilala ng senyorito.

Napangiti si Tatay saka tinapik ang balikat ng senyorito. "Ayos naman, senyorito... Masaya ako na dinalaw mo kami rito at naaalala mo pa kami."

"Bakit ko naman po kayo makakalimutan? Malaki po ang utang na loob ko sa inyong dalawa... Buti na lang po at nakilala ko si Elaine at nalaman ko ang tungkol sa inyo at sa kalagayan n'yo ngayon." Kinuha ni Senyorito ang sobre saka inilahad ito sa kamay ni Nanay. "Sana po h'wag n'yong masamain at tanggapin n'yo ang tulong na ito."

Sinilip nina Nanay ang laman ng sobre at kitang kita ang gulat sa mga mata nila nang makita ang laman no'n. Agad namang napailing sina Nanay at muling ibinalik kay Senyorito Zamir ang sobre. 

"S-Senyorito, hindi namin matatanggap ang ganito kalaking pera. Sapat na sa amin ang binisita mo kami ngayon," napapailing na sabi ni Nanay saka pilit na ibinibalik sa senyorito ang pera. 

"Nay Lora, tanggapin n'yo na po ito. Nabalitaan ko galing kay Elaine na dinala kayo sa ospital. Gamitin n'yo po ang pera na 'to pampagamot at pambayad sa mga utang n'yo. H'wag po kayong mag-alala dahil hinding hindi ko po kayo sisingilin para diyan. Sana po tanggapin n'yo ang tulong na 'to... Kabayaran man lang sa lahat ng nagawa n'yo para sa 'kin noon."

Napabuntonghininga sina Nanay at nagkatinginan. Tila hindi nagdadalawang isip kung tatanggapin ang pera o hindi. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko saka humawak sa kamay ni Nanay. 

"Tanggapin n'yo na po, 'Nay... Nagmamagandang-loob lang naman po ang senyorito, saka wala na rin po tayong ibang pagpipilian," pangungumbinsi ko kay Nanay. 

Wala ng nagawa pa si Nanay kundi ang tanggapin ang pera mula kay Senyorito kahit pa halatang hindi sila komportableng tumanggap ng ganoong kalaking pera... Pagkatapos no'n ay pinakain na rin nila ng tanghalian ang senyorito saka nakipagkwentuhan pa rito. Tahimik na nakikinig at pinanonood ko na lang sila at kung minsan ay napapangiti ako dahil napapansin ko na totoo ang pakikitungo ng senyorito sa mga magulang ko. Tila ba walang pagpapanggap sa mga kilos nito. 

"Sige po, Nay Lora, Tay Lorenzo... Kailangan na po naming bumalik ni Elaine sa hacienda... Kung may kailangan po kayo, h'wag kayong mag-atubili na tawagan ako sa number na 'to. Hindi po ako mag-aalinlangang tumulong sa inyo sa abot ng makakaya ko." Inabutan ni Senyorito Zamir ng calling card si Nanay. 

"Nako, sobra sobra na itong naitulong mo sa amin senyorito... Maraming salamat," sabi naman ni Tatay. 

Matapos nilang mag-usap, nauna ng lumabas si senyorito. Marami pa silang napag-usapan at bilin sa bawat isa. 

"Mukhang mali naman pala ang tsismis na narinig natin mula sa senyorito... Napakabait na bata pa rin n'ya hanggang ngayon," sabi ni Tatay na tila ba nakonsensya dahil nagawa n'ya ring maniwala noon sa tsismis tungkol sa senyorito. 

Napangiti na lang ako at nagpaalam na sa kanila saka lumabas. Naabutan ko si Senyorito Zamir na nakasakay na sa kotse n'ya. Agad na akong nagtungo ro'n at sumakay kotse. Natigilan ako nang mapansin na wala na ang ngiti sa labi n'ya noong kaharap n'ya sina Nanay. Hindi na lang ako nagsalita nang paandarin na n'ya ang sasakyan paalis sa lugar namin. 

Flawed Series 1: Lost in His FireWhere stories live. Discover now