Nagpaalam si Tim at sumabay sa mga kaibigan naming lalaki para lumabas. Sinabihan ko rin siya na bibili muna ng pagkain sa canteen.

Pagkalabas ko ng aming silid ay saktong namataan ko ang AVR namin na nasa kabilang building. Nakabukas ito at kakapasok lamang ng lalaking nakamaskara rito na may bitbit-bitbit na pagkain.

Binalikan ko ang sinabi ni Tim kanina, 'yung ibinigay niyang papuri. Hindi man niya direktang tinutukoy na ako iyon, masaya pa rin ako dahil sigurado akong para sa akin talaga iyon.

Muling lumitaw sa aking isipan ang imahe niyang nakatingin lamang sa akin. Kahit kailan, hindi niya ako tiningnan sa ganoong paraan at gagawin ko ang lahat upang muli lamang masaksihan ang pagkinang ng kaniyang mata para sa akin.

Alam kong ang pagkislap ng kaniyang mga mata ay dahil lamang sa paghanga niya sa naging pagtatanghal ko kanina. Iba pa rin kasi talaga ang taglay na kislap nito sa tuwing nasisilayan ang babaeng tunay na mahal niya.

Kahit na ganoon pa man, gusto kong gawin ang lahat upang muling makita ang pagkinang ng mga ito. Dahil sa isang gabing madilim, ito ang magsisilbing liwanag na palagi kong tatanawin kahit sa malayuan lamang.

Hinayaan ko ang aking mga paa na maglakad patungo sa AVR. Kumatok muna ako at hinintay na may magbukas ng pinto bago pumasok.

"'Uy, Tim, 'yung tropa mo," pagpapaalam ni Knuckles sa presensiya ko.

Tim din ang tawag sa kaniya rito? Kung sa bagay, Timaeus ang kaniyang pangalan.

"Hmm. May nakalimutan ka ba?" tanong ni Timaeus sa akin. Umiling ako.

Humigit ako ng isang malalim na hininga bago magsalita.

"Naghahanap pa rin ba kayo ng female vocalist ninyo?" bulalas ko. Kinakabahang tinapunan ko sila ng tingin isa-isa.

Napatingin si Mizori kay Knuckles, na ipinasa rin ang tingin kay Timaeus, hanggang sa silang tatlo ay napatingin na nga kay Ryo.

"What do you mean by your question earlier? Ikaw ba ang sasali?" tanong ni Ryo na tinanguan ko.

Sa unang pagkakataon, unti-unting umunat ang kaniyang mga labi upang mabuo ang isang maliit na ngiti.

"Nang unang beses kitang marinig nang live, naintindihan ko kung bakit desidido si Timaeus na isali ka rito sa amin. Welcome to the band, Erato."

Tinanggap ko ang kamay na inilahad niya sa aking harapan.

"T-Thank you," pagbalik ko.

"So ano na 'yung plano natin sa competition? Two weeks na lang 'yun. Saka 'di ba nagbago sila ng mechanics?" pagsingit ni Mizori.

"Huh?" takang tanong ni Knuckles. "Kailan nila binago 'yung guidelines?"

"Last week. Akala ko naman ay nakita niyo na kaya hindi ko na sinend pa sa inyo?"

"Anong binago?" usisa ni Timaeus.

"Dalawang orihinal na kanta na ang kailangang i-perform ng mga kalahok, imbes na isa. Bukod pa roon, kailangan din nilang mag-perform ng isa pang original na kanta para kapag nanalo, iyon daw ang kakantahin bilang pagtatapos."

"Tatlong original songs? Kaya ba 'yun within two weeks?" pag-aalala ni Knuckles at napatingin kay Ryo. "Mayroon na tayong isa pero paano 'yung dalawa pa? Nasa kondisyon ka na ba, Ryo?"

"I-I'll try---"

"Kaya ko pang gumawa ng dalawa," sabat ko. "Basta lamang ay mayroon akong magiging inspirasyon, isang tema o kuwento na maaari kong ilahad sa pamamagitan ng kanta."

"I know one," saad ni Ryo. "There was a detective who have solved a lot of mysteries in the past but remain puzzled on the concept of love even though the image of the girl she loves always haunt him."

"Detective? Hindi ba 'yun 'yung Ku---" Agad na tinakpan ni Timaeus ang bibig ni Knuckles.

"Tangek ka talaga. Alam mo na ngang may problema sila sa bahay nila, dadalhin mo pa rito!" saway ni Timaeus dito. "Pero, Erato, salamat sa pagsali mo sa amin. I'm sorry kung na-creep out ka sa akin noon pero hindi naman kita nilapitan dahil nga sa gusto kitang isali sa amin. I want to befriend you that time kasi halos same tayo ng interest."

Nginitian ko na lamang si Timaeus. Tapos naman na 'yun saka ngayong medyo mas matagal ko na siyang nakausap, mukha nga namang matino siya.

"'Coz now... I'm being haunted," mahinang pagkanta ko sa huling linya ng panibagong kanta na aking isinulat.

Isang linggo na mula nang sumali ako sa Behind the Mask. Mabuti na lamang at hindi na ako pinupuntahan at binabati ni Timaeus sa paaralan. Parang nakalimutan na rin ng mga kaklase ko ang tungkol sa kaniya. Nalaman ko rin na nagmula pala 'yung tatlo sa iba't ibang school.

Wala rin naman akong naging problema sa iba pang mga miyembro. Mainit naman nila akong tinanggap at madali lang silang pakisamahan. Masaya naman kasama sina Knuckles at Mizori. Samantalang si Ryo, nai-intimidate pa rin ako sa kaniya nang kaunti kahit na madalas kong nakikita ang kaniyang ngiti.

Nang nakaraan, nagpunta kami sa bahay nina Ryo upang doon mag-ensayo. Ilang segundo pa nga akong nakatayo lamang at halos malaglag na ang panga nang tumayo ako sa harapan ng kanilang bahay.

Walang katao-tao sa kanilang mansiyon, kulang ang bahay lang bilang paglalarawan. Dahil walang masiyadong tao, malayang nakapag-ingay ang banda.

Doon ko rin nakilala ang bawat isa sa kanila na dahilan upang matapos namin ang aming panghuling kanta, ang Behind the Mask. Para naman sa una at pangalawang orihinal naming kanta, kasalukuyan ko na itong ginagawa.

Hindi man daw sigurado kung mananalo kami, mas maigi na raw na paghandaan ito kaysa ipahiya namin ang bawat isa.

"Erato, alam mo na ba na may sasalihang Battle of the Bands ang Behind the Mask?" tanong ni Tim sa akin.

Nagkunwari akong bahagyang nagulat kahit na matagal ko naman nang alam ang tungkol dito.

"Hindi pa. Bakit?" saad ko.

"Bumili kasi ako ng ticket, dalawa. Yayayain sana kita."

"Huh? Baliw ka ba?!" bulalas ko. "Dapat si Ash ang una mong yayain. Baka magalit 'yun kapag nalaman na ako kasama mo."

"Baliw, hindi. Nagpaalam na ako. Okay lang naman daw, saka hindi naman 'yun interested sa mga ganoon."

"Ang dami-daming bandang nandoon, imposible na ni isa, wala siyang magugustuhan."

"Ayaw mo ba?"

"G-Gusto." Napalagok ako ng aking sariling laway. "Pero mas maganda nga kung 'yung taong mahal mo 'yung nandoon since panigurado, 'yung mga kakantahin doon ay puro love song."

"Awkward naman kung bigla tayong magkakasalubungan ng tingin tapos 'yung kantang natugtog sa background ay pang-lovers," dagdag ko pa, ramdam ang unting pagkirot sa aking dibdib.

Gustohin ko man na mangyari nga ang ganoong senaryo, hindi maaari sapagkat hindi dapat ako ang kasama niya.

"Kung sa bagay. Sige, subukan kong pilitin si Ash."

Tumango na lamang ako sa sinabi niya.

Behind the Mask [ ✓ ]Where stories live. Discover now