Ngumiti ako at umiling. "Kasama naman kayo sa budget ko kaya ayos lang talaga."

"Magbibihis muna ako para makauwi na agad itong si Ysa." Paalam ni Clyde bago kami iniwan ng kaibigan ko.

"Sige, babe. Bilisan mo at bihis na rin naman ako."

Ngumiti lang ako. Sinabihan ko kasi sila Chiona at Clyde na sa bahay na maghapunan ngayong gabi. Pambawi lang sa mga tulong nila sa'kin lalo na sa pag-aalaga at pagbabantay kay Tatay at Joey.

Umupo ako sa sofa, sumunod naman siya. "Ano chika natin pagkatapos ng unang sahod, huh?" Pangungulit niya.

Napabuntong hininga ako. "Nakapagbayad na ako ng bill sa kuryente at tubig. Pati 'yong utang sa tindahan nabayaran ko na rin. Halos kalahati rin 'yon ng sahod ko. Itong mga pinamili ko mahigit 7,000 rin." Bumili rin kasi ako ng isang sakong bigas.

"Oh may natira pa ba para sa sarili mo?" Nag-aalalang tanong niya.

Tumango ako. "May 6,000plus pa ata ako rito...." 25, 000 ang sahod ko tapos binigyan pa ako ng bonus ni Donya Esmeralda dahil ako pa lang daw ang nagtagal. Tuwang tuwa nga ako kasi pandagdag din iyon sa mga bayaran ko. Nilabas ko ang lukot  lukot na pera sa bulsa ng pantalon ko at pinakita sa kaniya. Inayos ko 'yon. "7,250 pa pala!" Masayang bulalas ko matapos bilangin ang perang hawak.

Malungkot niya akong tinitigan. "Paano ka makakaipon kung ganiyan na lang parati ang matitira sa sahod mo?" Iling niya.

Nawala ang ngiti ko. "Sa susunod na sahod ko mas malaki na ang matitira sa'kin kasi hindi na malaki ang babayaran kong bills at utang sa tinadahan." Nagtagal rin kasi ng higit dalawang buwan ang utang namin sa tubig at kuryente kaya malaki talaga ang nabawas sa sahod ko. Kapag mas nagtagal pa siguradong mapuputulan na kami...kaya buti nalang nagka-trabaho na ako. "Uhm Tapos iiwan ko sa'yo ang limang libo para sa ipon na sinasabi ko." Sabi ko. Hindi naman kasi pwedeng ako ang magtago no'n dahil siguradong kukunin ni Nanay. Para kay tatay at sa pag-aaral ko ang pag-iipon kaya hindi pwedeng  malaman ni Nanay.

"Kakayanin mo bang i-budget sa isang buwan ang matitira sa'yo?" Tanong niya.

Mabilis akong tumango. "Oo naman! Wala nga ako kahit piso noong mga nakaraang buwan bago magka-trabaho pero kinaya ko naman!"

Napabuntong hininga siya at umiling sa'kin. Awang awa niya akong tiningnan. "Kung mayaman lang talaga ako baka inampon ko na kayo ng Tatay at kapatid mo pwera syempre sa nanay mo..." Malungkot niyang sabi.

Nangilid ang mga luha niya nang mag-iwas siya ng tingin sa'kin. Ngumuso ako at niyakap siya patagilid. "Ako naman...kung mayaman lang ako? Baka tinulungan ko na kayong mapalaki ang bar ninyo! 'Yong pang-mayaman talaga para mas malaki ang kita ninyo ni Clyde!" Natawa siya. "Huwag ka na masyadong malungkot dahil sa'kin, bes. Nakikita mo namang kinakaya ko 'di ba?"

Tumango siya at muling bumuntong hininga. Hinawakan niya ang braso ko na nakapulupot sa kaniya. "Mabuti na lang hindi lang kagandahan ko ang namana mo...."

Nagkatinginan kami at nagtawanan. Maswerte pa rin talaga ako dahil nandiyan siya. Walang wala ako pero hindi niya ako kailanman tinalikuran. Sila lang ni Clyde ang kaibigan ko at kahit hindi lang ako ang kaibigan niya, hindi niya pa rin ako pinapabayaan.

"Magseselos na ba ako niyan?" Nangingiti kaming nilapitan ni Clyde. Tapos na siyang magbihis.

"Siraulo!" Natatawang sabi ni Chiona. Natawa na rin ako. "Lumarga na nga tayo at kanina pa ako natatakam sa pa-lechong manok nitong si Ysa!"

Natatawang tumayo na lamang ako at nakipag-high five kay Clyde. Wala man akong ibang kaibigan bukod sa kanilang dalawa, at least totoo sila sa'kin.

When She's goneWhere stories live. Discover now