"O-opo."

"Ang pangalan ko ay Kayla, dalawampong taon at isang Aquarian. Pwede mo akong tawaging Ate Kayla dahil sa palagay ko ay matanda ako sa iyo."

"Opo, ate Kayla. Yejin po ang pangalan ko at labing siyam na taon po ako."

Ngumiti siya sa akin na ikinagulat ko.

"Hindi na ako magtataka kung bakit tinitigan ka ng Mahal na Prinsipe kanina. Masyadong malayo ang itsura mo sa suot mo. Ang ibig kong sabihin, sa lahat ng sinasama ko rito ay ngayon ko lamang siyang nakitang tumingin sa babae ng ganoon."

"Po?" Hindi kaya nakilala niya ako? Patay na. Bukas ay sasama pa naman ako ulit.

"Alam mo bang kaedad ko lamang ang Mahal na Prinsipe. Ang sumunod sa kanya ay labing limang taong gulang na Mahal na Prinsepe at sampung taong gulang na bunsong Mahal na Prinsesa. Makikilala mo rin sila."

Huminto siya sa isang tabi at ginaya ko ang kanyang ginawa.

"Hintayin nating makaalis ang Mahal na Prinsipe sa kanyang silid bago natin kunin ang kanyang pinagkainan."

Tumango ako. Tahimik pa rin at pilit iniintindi ang kanyang sinabi kanina.

Kung nakilala ako ng Mahal na Prinsipe ano bang magiging dulot sa akin nito? Kahihiyan para sa sarili ko. Na nakilala at nakita nila ako kina Zainah na maganda ang kasuotan pero sa katunayan ay isa palang tagapagsilbi.

Magiging masama ang dulot nito sa akin kung ang tingin niya sa tulad namin ay masyadong mababa at walang karapatang makisalamuha sa tulad nila. Hindi ko matukoy kung ganoon ang ugali ng Mahal na Prinsipe. Masyado siyang tahimik at hindi mahulaan kung anong iniisip. Hindi rin nagbabago ang ekspresyon.

Bumukas ang pintuan ng kanyang silid at agad akong yumuko. Nakatingin lamang sa paa at magkadikit na kamay.

Nang dumaan siya sa harap ko ay hindi ko mapigilang hindi kabahan ng sobra. Malakas talaga ang dating nito at ganito na lang ang epekto niya sa akin.

Sumunod ako kay ate Kayla sa pagligpit ng pinagkainan ng Mahal na Prinsipe at nang maibalik namin ito sa kusina ay napansing kong wala pa roon si ate Ylenna kaya't sumama ako ulit kay Ate Kayla upang kumuha ng pinagkainan ng dalawa pang kapatid ng Mahal na Prinsipe dahil sa may ibang iniutos sa kaninang naghatid.

Malapit lang din sa silid ng Mahal na Prinsipe ang silid ng ikalawang prinsipe.

Nang pumasok kami rito ay wala na ang Mahal na Prinsipe at agad na kinuha na lamang ang pinagkainan nito. Tumuloy naman kami sa kasunod na silid. Ang silid ng bunso at nag-iisang prinsesa.

Nagulat kami nang bumungad sa amin ang dalawa na naglalaro sa kama. Ang natapos na pagkain ay nasa mesa. At makalat rin ang buong silid.

Natigil ang dalawa sa paglaro nang makita kami at tumigil ang tingin nila sa akin. Yumuko naman ako sa kanila bilang paggalang.

Tumulong ako sa pag-ayos ng pinagkainan at  ako ang nagbuhat ng pinagkainan ng Mahal na Prinsesa. Nagpaalam si Ate Kayla at agad naman akong sumunod rito. Sa buong pag-aayos ay ramdam kong nakatitig lamang sa akin ang dalawa. Hinayaan ko na lamang.

Nang makabalik kami sa kusina ay naghintay na lamang ako ng iuutos sa akin at maya maya ay may lumapit na lamang sa akin na kapwa tagapagsilbi at pinapapunta ako sa silid ng Mahal na Prinsesa.

Nagtataka man ay sumunod na lamang ako. Mag-isa akong umakyat sa hagdan at tumungo sa kwarto ng Mahal na Prinsesa. Ginaya ko ang ginawa ni ate Kayla at kumatok ako ng tatlong beses sa punto. Agad naman itong bumukas at bumungad sa akin ang Mahal na Prinsesa.

"Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, Mahal na Prinsesa?"

Nagulat ako nang nakatitig lamang ito sa akin at hindi man lang kumibo upang sagutin ang tanong ko.

"Thiana!" Mula sa gilid niya ay sumilip ang kanyang nakakantandang kuya. Thiana pala ang pangalan ng Mahal na Prinsesa.

"Pasensya na, kuya Tyrell."

Napakagwapo at napakaganda nilang dalawa at gusto kong pisilin ang kanilang pisngi ngunit hindi dapat iyon gawin.

"Pasok ka po, ate." Ani ni Prinsipe Tyrell na sinunod ko. Nasa tabi niya si Prinsesa Thiana at nakatitig pa rin sa akin.

Nang makapasok ako ay napansin ko ulit ang kaninang kalat kaya naisip ko na kaya ako nila ipinatawag ay upang maglinis sa silid. Ginawa ko ang naisip ko at nagsimulang magdampot ng mga nakakalat kaso pinigilan ako ni Prinsesa Thiana.

"May tagapagsilbi para diyan." Aniya na agad kong sinagot.

"Isa rin akong tagapagsilbi, Mahal na Prinsesa kaya ayos na ako na lamang ang gumawa ng paglilinis."

"Pero po...totoo po bang tagapagsilbi lamang ikaw, ate?" Tumango ako kay Prinsesa Thiana at ngumiti.

"Imposible." Namamanghang ani ni Prinsipe Tyrell at hindi naman nakapagreak agad si Prinsesa Thiana.

"Ang suot ko ay kasuotan ng tagapagsilbi at ang pamilya ko ay matagal nang nagsisilbi sa inyong kaharian. Ngayon lamang ako naatasang magsilbi rito dahil sa isang dahilan."

Nagpatuloy ako sa paglilinis na nakamasid ang dalawa. Nang matapos ako ay sinamahan ako ni Prinsesa Thiana sa kanyang magandang banyo upang maghugas. Nang makabalik kami sa kanyang kama ay nakatayo lang ako sa harap nilang dalawa at naghihintay.

"Ate, pwedi po bang ikaw na lang ang maging tagapagsilbi ko?"

"Hindi po kasi ako ang magpapasya tungkol sa ganyang bagay, Mahal na Prinsesa. Patawad."

Napansin ko ang pagpula ng mata nito at gustong umiyak. Agad akong nataranta at nilapitan ito. Iniyakap ko siya sa akin at hinimas ko ang kanyang buhok.

"Patawad, Mahal na Prinsesa. Sumusunod lamang ako sa inihabilin sa akin."

"Thiana, imungkahi na lamang natin kay ina ang nais mo at siguradong pagbibigyan ka."

Napalingon kaming tatlo nang bumukas ang pinto at ganun na lang ang gulat ko nang makita ang Mahal na Prinsipe. Huli na nang mabawi ko ang tingin nang lumapit na ito sa amin. Palagay ko ay nakilala na niyang talaga ako.

*****
-btgkoorin-

Icy PrincessWhere stories live. Discover now