Chapter Five

215 5 0
                                    

INIHINTO ni Bridget ang kanyang sasakyan sa isang overlooking site sa Antipolo. Iyon ang meeting place na sinabi ni Demie sa kanya sa telepono, para maiba naman daw ang atmosphere. Wala pa ang grupo nang dumating siya. May malalapit na restaurants siyang natatanaw, ngunit minabuti niyang manatili sa sasakyan. Nang mainip ay umibis siya at nakahalukipkip na naupo sa harap ng sasakyan.
"Hi!"
Napakislot siya nang marinig ang tinig na iyon. Hindi niya alam kung bakit may nabuhay na kaba sa kanyang dibdib nang makita ang lalaking nakipagkilala sa kanya sa disco house. Ang lalaking mukhang drug addict!
"Remember me?" tanong nito. Sa tingin niya ay naka-take na naman ito ng drugs kung hindi man bangag.
Umiling si Bridget. Paano'y hindi naman talaga niya matandaan ang pangalan nito dahil lasing siya nang magpakilala ito. Besides, hindi niya tinatandaan ang mga pangalan ng mga taong hindi siya interesado.
"Benedict!" muling pakilala nito. "Ang bilis mo namang makalimot. Dapat ay magkasama pa nga tayong aalis kagabi pero basta ka na lang nawala."
Napabuntunghininga siya. Lihim na nagpasalamat dahil dumating si Chito kagabi. Kung hindi ay baka wala siyang kamalay-malay na kasama na pala niya ang lalaking itong sa hitsura pa lang ay hindi na mapagkakatiwalaan. "Why are you here?" pagkuwa'y tanong niya.
"Carla invited me last night." Umupo ito sa tabi niya. Bahagya siyang napaisod palayo rito. "Actually, hindi lang ako. Marami kami." Tumingin ito sa kanya at ngumiti. "Maganda dito, 'no? A perfect place for the two of us. I want to know you better, Bridget. Honestly speaking, noong una pa lang kitang makita ay type na kita. So, tell me more about yourself."
"Sorry, pero hindi kita type," prangkang sagot niya. "And I don't give any information about myself sa isang taong hindi ko type."
"Really?" Ngumisi ito. "Mas maganda. Mas nakaka-challenge. You know what? Carla told me a lot about you. Malaki raw ang problema mo. Ang mahal mong lalaki ay iba ang gusto. Is that true?"
Nagtiim ang kanyang mga bagang at nakaramdam ng inis kay Carla. Kunsabagay, baka lasing lang ang kanyang kaibigan kaya kung ano-ano ang sinabi tungkol sa kanya. Pagkaraan ng ilang sandali ay napalunok siya nang makita ang powderlike thing na iniaabot sa kanya ni Benedict. Nakalagay iyon sa isang maliit na plastic. Shabu!
"Try it," hikayat nito. "Malilimutan mo ang lahat ng problema mo. You'll feel like you're in heaven. I assure you that, Bridget."
Sandali siyang nanigas sa kinauupuan. Umiinom siya, naninigarilyo, pero ni minsan ay hindi pa siya nakakatikim ng ipinagbabawal na gamot kahit noon pa man ay curious na siya sa magiging epekto niyon.
Namalayan na lamang niya ang sarili na tinatanggap ang ibinibigay nito. Subalit bago pa niya mabuksan ang plastic ay may isang lalaki nang humalbot niyon. "C-Chito?" nagulat niyang sabi nang makita ang nakatiim-bagang na lalaki. "What are you doing here?"
Hindi ito sumagot. Basta na lamang siyang hinila patungo sa sasakyan nito.
Sumunod si Benedict at tinangkang pigilan si Ramonchito. Ngunit isang malakas na suntok ang pinadapo nito sa pisngi ng lalaki na ikinabalandra nito sa damuhan. Bumangon ito at akmang muling pipigil, ngunit naisakay na siya ni Ramonchito sa sasakyan at mabilis na nito iyong pinaharurot paalis.
"BAKIT ka ba kasi nakikialam?" malakas na tanong ni Bridget habang lulan ng sasakyan ni Ramonchito. "Pa'no ang kotse ko, ha?"
"Pababalikan ko sa driver n'yo," sagot nito. "Ang mahalaga ay mailayo muna kita sa lugar na ito." Pagkuwa'y ipinakita nito sa kanya ang maliit na plastic na kinalalagyan ng drugs na dala ni Benedict. "Alam mo ba kung ano 'to, ha? Hindi ka ba talaga titigil hangga't hindi nasisira nang tuluyan ang buhay mo?"
"Mind your own business!" napahalukipkip niyang saad. "Who are you para makialam sa buhay ko?"
Lalo nitong binilisan ang pagmamaneho sa kahabaan ng Sumulong Highway. Sa sobrang bilis ay halos tumalbog-talbog na siya sa kinauupuan.
"Ano ba? Kung magpapakamatay ka, huwag mo akong idamay!"
"Hindi ba't ganito ka kung magpatakbo ng sasakyan?" paalala nito. "Hindi ba't akala mo'y pag-aari mo ang daan?"
"Ibaba mo 'ko! Ibaba mo sabi ako!"
Hindi ito sumunod. Nanatiling mabilis ang pagpapatakbo nito habang deretso ang tingin sa kalsada. Nang tumingin siya sa paligid ay nakita niyang tinatahak na nila ang daan pauwi sa kanilang bahay. Subalit bago pa man makarating sa main gate ng subdivision ay mabilis nang ibinaling ni Ramonchito pabalik ang sasakyan.
"Bakit?" tanong niya. "Saan mo ako dadalhin, ha?" tanong ni Bridget.
"Sa isang lugar na malayo sa masasamang kaibigan mo! Sa isang lugar na puwedeng magbago ang baluktot mong pag-uugali!"
"What?" Nagsalubong ang kanyang mga kilay. "Hindi mo puwedeng gawin sa akin 'to! Hindi mo ako puwedeng dalhin sa malayo. I'll sue you of kidnapping!"
Ngunit animo'y walang narinig na diniinan pa nitong lalo ang accelerator.
HINDI umubra kay Ramonchito ang kung ano-anong pananakot ni Bridget. Na kesyo idedemanda niya ang lalaki, ipapabugbog sa mga kaibigan niya, at isusumbong sa mga magulang niya. Nagsawa rin siya sa kakareklamo. Namalayan na lamang niya ang sariling tahimik sa kinauupuan at pasulyap-sulyap dito.
Alas-diyes ang nakita niyang oras pagsulyap niya sa kanyang wristwatch. Hindi niya alam kung nasaan sila. Basta't ang sigurado siya ay nasa labas na sila ng Maynila. Tatlong oras na rin silang bumibiyahe.
"I-I'm hungry," pagkaraan ng ilang sandali ay hindi nakatiis na reklamo ni Bridget.
"Walang restaurant dito," pormal na sagot ni Ramonchito. "Malapit na tayo sa pupuntahan natin."
"Saan ba talaga tayo pupunta?" nag-aalalang tanong niya kahit alam niyang hindi naman siya mapapahamak sa kamay nito. Alam niyang matapang ito. "B-baka nag-aalala na sa akin sina Mommy at Daddy."
Matabang na ngiti ang pinakawalan ni Ramonchito. "Nag-aalala? Kailan ka pa natutong mag-isip ng ganyan? Hindi ba't wala ka namang pakialam que nag-aalala o hindi sa 'yo ang mga magulang mo?"
Hindi siya nakakibo dahil totoo ang sinabi nito. Pagkaraan ng lampas kalahating oras ay lumiliko na sa isang lubak-luba na kalsada ang sasakyan ni Ramonchito. Hindi nagtagal ay naging malinaw na sa mga paningin ni Bridget ang malaking gate na bakal na sa itaas ay may nakasulat na "Hacienda Escarrion."
Nang makalapit ay bumusina si Ramonchito. Humahangos na dumating ang isang pupungas-pungas na katiwala. Mukhang naistorbo ang pagtulog nito. Tumingin ito sa kanila, ngunit hindi kaagad binuksan ang gate.
Bumaba si Ramonchito. "Berting, ako 'to," pagpapakilala nito. "Si Ramonchito, ang kaibigan ni Froilan. Hindi mo na ba ako natatandaan?"
"Ah, oho! Natatandaan ko na ho kayo. Sandali lang ho!" Dali-daling binuksan ni Berting ang gate habang si Ramonchito naman ay bumalik sa sasakyan. Nang bumukas ang mataas na gate ay saka lamang nito ipinasok ang Ford sa malawak na bakuran.
Nang maiparada ang sasakyan sa maluwang na garahe ay kaagad bumaba si Chito at tutuloy na sana sa loob nang mapansing nakaupo pa rin siya sa loob ng sasakyan. "O, ano pa'ng ginagawa mo d'yan?" kunot-noong tanong nito nang makalapit sa kanya.
"Ayokong pumasok d'yan," nakahalukipkip niyang sagot. "Ni hindi ko nga alam kung anong lugar 'tong pinagdalhan mo sa akin at hindi ko kilala ang mga nakatira d'yan."
Nagtitimping binuksan nito ang pinto ng front seat at nang hindi pa rin siya bumaba ay binuhat na siya nito.
"Ano ba!" Nagpipiglas siya. "Let me go! Let me go!" Buhat-buhat pa rin siya nito hanggang sa loob ng bahay. Ibinaba lamang siya nito sa living room nang makita nito ang kaibigang si Froilan.
"Chito!" napangiting sambit ng lalaki nang makilala ang kanyang kasama.
"Froilan!"
Nagkamay ang mga ito.
Natandaan niyang minsa'y naikuwento sa kanya ni Chito kung sino si Froilan. Dati nitong kapitbahay ang lalaki sa Filinvest. Doon dating nakatira ang pamilya Escarrion. Subalit nang mamatay sa car accident ang mga magulang nito ay ipinagbili na ng panganay nitong kapatid ang bahay na iyon.
Tumira si Froilan at ang kapatid nito sa hacienda ng abuela nito sa Nueva Ecija. Nakapagbakasyon na rin si Chito sa haciendang ito kaya kilala nito si Doña Ursula Escarrion, ang abuela ni Froilan. Subalit hindi nagtagal ay ipinadala ng doña ang apo sa Amerika upang pag-aralin ng masters degree. Ito ang nakatakdang mamahala ng malawak na haciendang iyon.
Nakasimangot na nakahalukipkip lamang si Bridget habang pinagmamasdan ang dalawang lalaki sa walang katapusang balitaan ng mga ito.
"May kasama ka pala?" pagkaraa'y saad ni Froilan nang mapansin si Bridget.
"Yeah, I forgot," napatampal sa noong sagot ni Ramonchito. "She's Bridget del Rio." Tiningnan siya nang makahulugan; waring ipinapahiwatig na mag-behave siya. "Bridget, this is my friend, Froilan Escarrion."
Inilahad ng lalaki ang isang kamay. "How are you?"
Walang kangiti-ngiti ang mga labing tinugon ni Bridget ang pakikipagkamay nito. "Fine."
"Bakit naman alanganing oras kayo nagpunta rito?" pagkuwa'y usisa ni Froilan. Sa tantiya ni Bridget ay kasinggulang lamang ito ni Chito. Guwapo rin ito, matangkad, ngunit moreno ang kulay.
"Saka ko na ipapaliwanag, pare." Muli siya nitong sinulyapan. "Puwede bang dumito muna kami?"
"Oh sure, pare," nasisiyahang sabi ni Froilan kay Ramonchito. "Mabuti nga 'yon para may makasama ako. Lola Ursula is in Cebu right now. May mahalaga siyang inasikaso. Si Kuya Jeus naman ay hindi mahagilap dahil sa dami ng commitments. I'll take you to your room." Pagkasabi niyon ay tinungo na ni Froilan ang matarik at pasikot-sikot na hagdan.
Hindi pa sana tatalima si Bridget nang hilahin siya ni Ramonchito sa kamay.
"Sumosobra ka na, ha?" pabulong niyang sabi. "Akala mo'y kung sino ka!"
"Nasa pamamahay tayo ng iba, Bridget," pabulong din nitong paalala. "Ayusin mo ang pagkilos mo."
"Sino ba kasi ang nagsabi sa 'yo na dalhin mo ako dito?" naiinis niyang tanong. "I don't like it here. Nabibingi ako sa katahimikan. Ibalik mo na ako sa Manila."
"No," mariin nitong tutol. Hinila na siya papanhik.
Isang napakagandang silid na nasa dulo ng mahabang hallway ang ibinigay sa kanila ni Froilan.
"So guys, feel at home, okay?" nakangiting sabi ni Froilan. "If you need something, don't hesitate to call." Itinuro nito ang isang pulang push button na katabi ng switch ng ilaw. "Just push it," anito. "At maririnig na kayo ng mga katulong sa mansiyon. You can also use the intercom."
"Thanks, pare," nakangiting saad ni Ramonchito.
"Teka, have you taken your dinner?"
"No," prangkang sagot ni Bridget. "At kanina pa ako nagugutom."
"All right," napangiting saad ni Froilan. "Magpapahanda ako ng pagkain." Pagkasabi niyon ay lumabas na ito ng silid at kinabig pasara ang pinto.
Tahimik na binuksan ni Bridget ang sliding door ng veranda at pinagmasdan ang paligid. Kadiliman ang nakita niya. Nabibingi siya sa katahimikan ng lugar. Hindi pa man niya lubos na nasisilayan ang kabuuan ng lugar ay alam niyang boring sa lugar na iyon.
"Hindi ako makakatagal dito, Ramonchito," pagkaraa'y saad niya. "Iuwi mo ako sa Manila bukas na bukas din."
Tila walang naririnig na nag-dial ito ng mga numero sa cell phone habang nakaupo sa couch na nasa tapat ng bintana. Hindi pa rin ito maka-contact pagkatapos ng ilang attempts.
"See?" nakapamaywang niyang sabi. "Walang signal. How would I be able to talk to my friends?"
"Mas mabuti. Para hindi na kayo magkaroon ng communication," ani Ramonchito.
"Hindi ako makakapayag!" protesta ni Bridget.
"Bahala ka."
Magsasalita pa sana si Bridget nang biglang tumunog ang intercom.
"The table is ready," narinig nilang anunsiyo ni Froilan.
Pinindot ni Ramonchito ang answer button. "Sige, pare, bababa na kami." Sinulyapan pa nito si Bridget bago lumabas ng pinto.
Tahimik na sumunod na lang siya.

The Bachelors 04: Ramonchito; The Engineer By Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now