Inipit ko ang aking tiyan na kumakalam. Binasa ko ng laway ang aking labi na nanunuyot dahil sa uhaw. Awang-awa ko sa sarili ko. Tuluyan na akong napayuko at napahagulhol.
Paano na ako nito? Ano na ang gagawin ko? Hindi ko nga alam kung saan ang lugar na ito maliban sa tawag ditong "Ortigas".

Bigla ko tuloy na-miss sila Mama, Amang, Ruby at si Dangdang. Pati na rin syempre si Baby Quiro at ang aso naming si Bayug. Miss na miss ko na sila. Miss na miss ko na ang pamilya ko lalo ngayon na pakiramdam ko, nag-iisa na lang ako sa mundo.

Bahagya akong napaangat nang may humintong mga paa sa aking harapan. Dahan-dahan ko itong tiningala at nanlaki ang mga mata ko nang mapagsino ang matangkad at guwapong lalaki ito na ang layo sa akin ay isang hakbang lang.

Si Jumbo!

Hinilot niya ng mga daliri ang kanyang ulo. Mayamaya pa'y humalukipkip siya habang nakakunot sa akin ang kanyang noo.

Agad kong pinunasan ang aking mga luha. Umayos ako nang upo upang at pilit na pinapatahan ang aking sarili. Pero hindi ko maiwasan na hindi umiyak. Dahil segundo lang ay heto't lumuluha na naman ako.

Napalabi akong napatingala sa kanya. "W-wala akong matutuluyan. Maghahapon na, hindi pa rin ako kumakain. Nanghihina na ako. Pagod na rin ako, gusto kong magpahinga at matulog kahit kaunti lang sana..."

Nakita kong napapikit siya matapos mag-igting ang kanyang mga panga. Bumuga siya ng hangin at bago siya humakbang palayo sa akin, nagsalita siya. "Just for tonight."

Samantalang ako ay nakatulala lang sa kanya.

Napahinto siya sa paglalakad at nilingon niya ako. "Faster!"

Kusa akong napatayo at napatakbo papunta sa kanya. Nawindang pa nga ako nang hilahin niya ako sa kamay. Wala akong nagawa kundi ang magpatianod sa mga hakbang niya. Hindi ko talaga maintindihan ang lalaking ito. Pabagu-bago ng ugali, parang bagyo.


...

MAAGA AKONG NAGISING kinabukasan. Fully charged ang pakiramdam ko. Sa wakas kasi ay nailapat ko sa malambot na higaan ang katawan ko, at nalamnan ko ang tiyan ko ng masasarap na pagkain bago ako natulog kagabi. Salamat kay Jumbo at pinayagan niya akong makituloy sa bahay niya para makapagpahinga.

Saglit akong nakiramdam at ng mawari kong tahimik ang paligid, dahan-dahan akong lumabas sa kwartong ginamit ko sa magdamag. Nasaan na nga kaya si Jumbo? Mula nong dumating kami rito ay hindi ko na siya nakita pa.

Nang makarating ako sa sala ng unit niya ay saka ko lang na-appreciate ang paligid. Ang sosyal pala. Malinis at may temang "minimalist" ang lugar. Naglalaro sa tatlong kulay ang disenyo ng kabahayan. Itim, puti at gray. Lalaking lalaki ang dating. Simple pero tulad nga ng laging sinasabi ni Paolo sa tuwing may ibibigay siya sa akin, it costs a fortune. Napabuntong-hininga ako sa saglit na pagkaalala kay Paolo. Siya ang realidad ko. Hindi ito. Hindi si Jumbo o Terrence. Hanggat baon ako sa utang kay Paolo, hindi ako malaya.

Tinungo ko ang kusina at nagsimulang magluto ng agahan. Nangialam na ako sa cupboard niya dahil kumakalam na talaga ang tiyan ko, at mukhang walang magdedeliver ng pagkain ngayon na tulad kagabi. Saktong tapos ko ng maihanda ang mesa ng kamuntik na akong mapalundag nang biglang sumipsip sa daliri ko sa paa.

"Anak ka ng tinapa!" Nagulat ako ng makita ang isang maliit na balbong aso.

Tinahulan ako nito, pero dahil natutuwa ako sa itsura nito ay heto at kalung-kalong ko na ang aso. Nakakatuwa!

Namiss ko tuloy si Bayug. Pareho kasing silang pandak ng asong ito. Ang kaibahan lang, babae ang asong ito dahil sa ribbon na nakatali sa ulo nito. Mabango rin ito at mukhang mamahalin ang shampoo dahil sa malambot nitong balahibo.

Babysitting the BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon