T H E O
1st-3rd snooze passed...
[Alarm clock's ringing]
"Ugh!"
Gawa ng 'di na matiis ang ingay, tinatamad ma'y ibiniling ko ang sarili pakanan para abutin ang bagay na nakapatong sa nightstand. Nang mas makalapit pa'y sumidhi ang kagustuhan kong mapatahimik 'to. Inaantok akong kumapa at inisa-isa ang pindutan. Nang mapatay ito ay siya na ring bangon ko mula sa prenteng pagkakadapa at umupo muna para dalawin ng wisyo.
Kukusut-kusot mata kong sinilip ang oras. 09:26, masyado pang maaga para sa araw na'to.
"Ahhh-haaaaaaa," pagtakas sa'kin ng hikab. Bagamat sapat na ang naitulog ko, kinukumot pa rin ako ng antok.
Nasa gitna man ng pagkaalimpungat ay 'di ko naiwasang mainis sa bagay na kasulukuyan kong tinititigan. 'Di ko alam pero apat o limang beses na yata 'tong nangyayari—'yung mag-isang nag-aalarm kahit 'di naman ginagalaw!
Konti na lang at iisipin ko nang may sarili na itong buhay.
Noong unang beses nga'y inakala kong baka may depekto. Surplus lang daw kasi 'to ayon kay papa na siyang may uwi, bigay raw ng katrabaho niya. Sinubukan ko namang kalikutin at normal naman itong gumana kaya palagay ko e baka aksidente kong nagalaw.
Gayunman, ayos pa rin sa'kin mapabuo man o may sira ang alarm system, basta ba gumagana ang mga pulang numero pati na complete weather forecast feature nito na siyang nagustuhan ko... Pero ngayon? Hm. Mukhang huling araw na nito sa tabi ko dahil kota na'to sa pang-aabala.
Nakapagtataka nga e kasi tahimik naman ito noong mga sumunod na araw. Pero matapos ang isang linggo'y otomatiko na'tong nag-iingay. Ingay na 'di ko tipo dahil sa lakas at medyo matinis pa na mistulang burglar alarm, na sa pagkakatanda ko e 'di naman 'yon ang default na tunog.
Kibit-balikat na lang ako sa pangalawang insidente dahil nasaktuhang gising na ako noon kaya walang nasirang tulog. Pero ewan ko ba kung may pagdidilang-anghel na naganap dahil ilang araw lang ang lumipas nang mangyari ulit. At sa puntong 'yon, umalingawngaw na nang 'di pa pumuputok ang liwanag; quarter to 5 sa araw kung kailan ang oras ng pasok ko ay 9 pa. Nasundan pa ito noong gabi ng parehong araw at heto, ang nakayayamot na ngayon.
Isang palaisipan 'to. Mukhang moderno naman ang pagkakagawa. Nakakahon pa nga't bubble wrap kaya masasabing 'di pa nabibinyagan nino man. Makinis, solid na black ang kulay, at digital pa nga ang naturang bagay.
'Di kaya e…
Biglang umeksena sa utak ko ang imahen ni Annabelle habang napapaisip. Sinundan pa ng ideyang baka may kasa-kasama na kaming poltergeist dito sa bahay at kwarto ko ang napiling tambayan.
Bunsod ng mga sumagi sa utak e mabilis na gumapang ang lamig sa aking balat. Daglian kong itinaob ang mukha ng orasan. 'Di pa ako nakuntento't sinuyod ko ng tingin ang kabuuan ng silid nang masigurong ako lang ang naririto.
Kumalas na sa sistema ko ang antok. Pagdating sa usaping kababalaghan e 'di ako basta-basta tinatablan ng sindak. Wala kasi sa ugali ko ang basta na lang maniwala sa mga kwento. Pero sa nangyayari sa'kin ngayon, mukhang masusubok ang prinsipyo ko.
"Wait," iniling-iling ko ang ulo't isang pares ng sampal sa mukha nang matagtag ang nararamdaman ko, "tinatakot mo na sarili mo." Bakit ba kasi ako umabot sa isiping haunted ito?
'Di pa ako praning para magpapapatol sa imahinasyon ko. Ibinalik ko sa pagkakatayo ang kaninang itinaob at sa halip e inilihis na lang ang isip sa ibang bagay.
Napatungo ako sa kinauupuan, sapu-sapo ng dalawang tuhod ang magkabilang bisig. Sa ibaba tuon ang mga mata ko habang binabaybay ang nakikitang guhit sa flooring, gaya ng nakagawian. Sa sandaling 'to, hinayaan ko lang ang sarili na sakupin ng kababawan. Ng mga bagay-bagay. Ng mga alaala.
BINABASA MO ANG
1st Installment Of Un- Series
Teen Fiction【 𝐢 】𝙰 𝙿𝚒𝚗𝚘𝚢 𝙲𝚘𝚖𝚒𝚗𝚐-𝚘𝚏-𝚊𝚐𝚎 𝙱𝙻 𝚗𝚘𝚟𝚎𝚕 𝚠/𝚊 𝟣𝟧+ 𝚛𝚊𝚝𝚒𝚗𝚐 It's less than a year left before he bid farewell to what he claimed as the "achromatic phase" of his student life but what he didn't know is that this year's gon...