Chapter 14: Buhay sa Lungsod

Magsimula sa umpisa
                                    

"Magandang araw po, Mang Kanor." masiglang bati ko. Ngumiti rin ito sa akin pabalik.

"Magandang umaga rin, hijo." bati niya, "Ah, siya nga pala, ipapakilala ko ang iyong makakasama at tiyak kong diyan rin sila natulog kagabi," usal niya sa akin bago tawagin ang taong sinasabi niya. "Kunoy! Berting!" pagtawag niya, tumingin ako sa direksyon na kaniyang tinitignan. Napalunok ako, lumakad na sila patungo sa aming kinaroroonan.

"Aba! Magandang umaga, Kanor!" bati niya rito na sa tingin ko ay Berting ang pangalan bago tumingin sa akin, "Oh? Sino siya? Bagong salta?" tanong niya.

"Oo. Siya si Laxxus, nagmula pa 'yan sa isang maliit na barrio sa Antique," paliwanag ni Mang Kanor.

"Ako si Kunoy, galing rin sa isang liblib na lugar sa Marinduque," pakilala ng lalaki sa akin. Matangkad siya at talagang malaki ang pangangatawan buhat na rin siguro sa pagbubuhat. "Ang guwapo mo namang bata." nakangiting usal niya.

Kinutusan siya ni Berting. "Gago, mas guwapo tayo riyan!" sambit nito na siyang ikinatawa ko.

"Guwapo naman po tayong lahat, mas lamang nga lang po ako." pagbibiro ko na kanilang ikinatawa.

Tinapik-tapik nila ang aking balikat at tila naasiwa ako roon ngunit ipinagsawalang bahala ko na lamang nang muling magsalita si Berting.

"Ang hangin naman niyan, Laxxus. Tiyak kong maraming magkakandarapa sa iyo rito sa Maynila pero kailangan mo munang magpalaki ng katawan," nakangising usal nito.

Natawa kaming tatlo sa sinabi ni Berting.

"Hehe, siguro." iyon na lang ang tangi kong na-isagot sa kaniyang sinabi.

Pagkaraan ng ilang minuto ay nagpaalam na si Mang Kanor sa amin. Kasama ko na ngayon ang dalawa na tila wala lang sa kanila ang pagbubuhat ng dala-dalawang sako ng gulay.

"Itong mga gulay na ito, bata ay ilalagay natin doon sa may truck na nakaparada roon," sabi ni Kuya Berting at sinundan ko ang itinuturo ng kaniyang nguso.

Tumango na lamang ako bilang sagot at binuhat na rin ang isang sako ng gulay. Sinundan ko ang kanilang dinadaanan dahil medyo lubak rin kasi rito sa paradahan. Napailing na lang ako at sa ganitong pamumuhay, ay sana maging maayos at wala ng huhusga pa sa akin.

SA SUMUNOD NA ARAW, naghanap ako ng paupahan na silid dito sa may Tondo. Habang naglalakad, nakikita ko ang mga batang naghahabulan sa lansangan at pansin ko rin ang bawat titig ng mga taong nagbebenta sa bangketa.

Naisipan kong magtanong sa isang Ale sa isang maliit na tindahan. "Ale, maaari po ba akong magtanong?"

Ngumiti ito sa akin, "ano iyon, hijo? Bago ka lang ba rito sa Maynila?"

"Naghahanap po kasi ako ng pwede kong upahan, Manang. At opo, bago lang po ako rito," nakangiting sagot ko sa kaniya.

Tumango-tango naman ito. "Tamang-tama, hijo at naghahanap ako ng maaaring tumira sa isang kwarto sa aking bahay," pag-imporma niya.

"Talaga po?! Magkano po ang buwanang bayad?" Napakamot ako sa aking ulo sa tanong na iyon.

"Ah, isang libo lang, hijo. Ang tubig at kuryente mo ay libre na dahil bumawi ka naman sa ka-gwapuhan mo." naiiling na sagot niya na aking ikinatawa. "Baka maraming bumili rito sa aking tindahan kapag nagkataon," dagdag pa niya.

"Maaari na po ba akong tumuloy mamayang hapon, Manang?" tanong ko at naglabas ng isang libo sa aking bulsa, "ito po muna ang pa-unang bayad ko ngayon," abot ko sa kaniya ng pera.

"O sige, hijo. Pagkabalik mo mamayang hapon ay malinis na ang iyong silid-tulugan."

Nagpasalamat na lang ako kay Manang Nez at umalis na roon para bumalik sa trabaho. Mabuti na lang at nakahanap agad ako ng malilipatan kung hindi ay baka kung ano na naman ang aking madatnan na usapan nila Kuya Berting at Kunoy.

Sa pagbalik ko sa trabaho, hindi ko inaasahan na mapapagalitan ako ni Mang Kanor. Hindi kasi ako nakapagpa-alam sa kaniya.

"Laxxus! Saan ka ba galing? Hindi ba't sinabi ko sa iyo na tuwing aalis ka ay magpaalam ka?" singhal niya sa akin.

Napakamot na lang ako sa aking ulo dahil sa hiya, "pasensya na po, Mang Kanor. Naghanap lamang po ako ng pwede kong mau-upahan na siyang magsisilbi kong tirahan rito sa Maynila."

Namewang lang ito, "O siya! Buhatin mo na ang mga sako ng gulay dahil kailangan na 'yan mailuwas agad," utos niya sa akin.

Hindi na lang ako nagsalita at tumalima na lamang sa kaniyang ipinag-uutos. Ganito pala ang buhay sa Maynila. Kapag napagalitan ka, mapapahiya ka talaga lalo pa at bagong salta lamang.

Kung ito man ang magiging kapalaran ko, ang magbuhat ng sako-sakong mga gulay at prutas, magiging panatag na ako dahil nakalayo rin lang ako sa dating buhay ko noon. Kung hindi ako yayaman, hindi ko na rin papangarapin pa iyon dahil sa buhay, hindi lang pera ang kailangan. Hindi man ako nakatapos ng pag-aaral, basta kaya kong dumiskarte, kayang-kaya kong i-angat ang sarili ko na walang tinatapakan.



To be continued...

Defiant Youth Series # 12: Unwanted Justice (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon