Kabanata- 1.

Beginne am Anfang
                                    

Ang ‘di mahaluan ang kinakain namin.

Na sa simula’t sapol ay nagpapahaba na ng buhay namin at nagpapanitili sa kapangyarihang tinataglay namin.

Ito ay ang pagkain at paghigop ng preskong laman at dugo ng hayop...

       ‘Di nga nagtagal ay dumating na ako sa Ukbiran. Malalim na ang gabi pero kung titignan ay mas aktibo at buhay ang mga busaw. Kanya-kanyang hanap buhay maliban pa sa obligasyong nakalaan sa bawat isa bilang isang kawal at mamamayan ng Ukbiran.

Tahimik na akong naglakad at binabati ko nang bahagyang pagyuko ang bawat nakakasalubong ko na ganun’ rin naman sila sa akin.

Nasalubong ko si Manolo na matagal nang naninilbihan sa malaking bahay.

 

“Abraham, napauwi ka?” bati niya sa akin at huminto sa paglalakad.

 

“Dito muna ako ng ilang araw... naiinip ako sa Maguellas.” sagot ko at tinanaw ang malaking bahay. “Mukha yatang may bisita si ama Manolo?” tukoy ko kay Amang Manuel na siya nang pinuno ng angkan pero ayaw pa rin niyang tawaging pinuno.

“Ah oo, ito nga... kukuha lang ako ng preskong tubig ng niyog bilang inumin nina Dalundong, napadalaw bigla.” pagbabalita nito saka bahagya nang yumuko. “Tumuloy ka na at nang maabutan mo pa sila.” aniya at nagpatuloy na sa paglalakad.

Muli akong napatanaw sa malaking bahay na may kukunting sinag na nagmumula sa loob nito. Tahimik akong naglakad habang naiisip ko kung bakit napadalaw ang pinuno ng mga taong-ibon o manananggal sa mga mortal. Alam kong malayo pa ang pinanggalingan nito kaya nararamdaman kong may matinding pakay sila kay ama.

Tahimik akong pumasok sa likod bahay at nabungaran ang ilang babaeng naglilingkod rin sa amin. Bawat isa’y yumuko pagka-kita sa akin kaya tumango rin ako at tinanong ang pinakamalapit sa akin.

 

“Nasaan si ina?”

“Nasa silid ho para sa mga bisita, kasama ho ang inyong ama at ang Pinunong Amorsolo.” sagot nito at dahan-dahan nang umalis.

Tahimik uli akong pumanhik sa ikalawang palapag ng bahay at tumuloy na sa silid kung saan nagaganap ang anumang pagpupulong. Nasa labas pa ako at ‘di pa nakakakatok ay naririnig ko na ang kanilang pinag-uusapan.

 

“Di maaaring magkamali ang aking taga-tingin Pinunong Amorsolo at sa inyo Manuel.” naririnig ko ang isang paos na tinig at ‘di makakailang nasa katandaan na ito. “Dito sa kanluran nagawi ang anak ko... at alam kong ‘di siya napunta ritong mag-isa kundi’ may kumuha sa kanya.”

 

“Minsan ang taga-tingin ay maaari ring magkamali Pinunong Dalundong pero kung kinakailangang suyurin niyo ang mga bayang malapit dito’y nasa inyo na ‘yun.” narinig kong sagot ni ama. “Ang hinihiling ko lamang ay ‘wag niyong galawin ang mamamayan dahil wala silang sisisihin kundi tayong mga nilalang... at ayukong’ mabunyag ang angkan namin sa mga mortal.”

BUSAW 4: ABRAHAM, Anak ng BusawWo Geschichten leben. Entdecke jetzt