PULANG LIKIDO (PART 3: BANGUNGOT)

210 4 1
                                    

Pagpapatuloy...

(Ang huling parte ng Pulang Likido)

Dedicated story to HilakbotTv666

***

Mahinang tapik sa aking kaliwang pisngi ang nagpagising sa akin. Napatingin ako sa batang babae na nasa harap ko ngayon, at biglang nagbalik sa aking alaala ang mga nangyari. Napatingin ako sa aking mga kamay at sa mga namumula kong mga pulsuhan. Sana panaganip lang ang lahat. Sana isang bangungot lang iyon na hindi kailanman babalik muli o dadalaw sa aking pagtulog. Ngunit alam kong hindi isang bangungot ang aking mga nasaksihan... hindi ko alam kung kailan nangyari iyon, dahil hindi ko na alam ang oras o araw na nagdaan. Subalit natitiyak kong totoo ang mga iyon. Na nasa reyalidad ako at nasa panganib ang aking buhay. Bumalot muli ang hilakbot sa aking pagkatao, nang sumagi sa aking isipan na baka mamaya lang ay may papasok muling mga tao at kakalasin ang mga pisi sa aking mga kamay, Lalagyan ng marka ang aking noo gamit ang pulang likido na dumadaloy sa baboy-ramo, gigilitan ang aking leeg at bubuhusan ng semento ang aking katawan.

"Hindi ba ikaw ang batang tinulungan ko sa gubat? Kumusta ang paa mo?" Garalgal ang aking boses habang pinagmamasdan ko ang kanyang presensya. Mahaba ang buhok ng bata na abot hanggang tuhod, nakaputi parin ito gaya noong una ko siyang makita. May hawak itong mangkok na may kanin at isang pirasong nilagang itlog.

"Kailangan mong kumain para may lakas kang tumakbo mamaya," mahinang sabi nito na halos pabulong. "Tatlong araw ka na rito. Ayaw mong tanggapin ang mga dinadala kong pagkain para sa iyo."

Saka ko biglang naalala ang pagtataboy ko sa kanya noong mga nagdaang araw. Marahil ay nawawala ang aking memorya sa mga nangyayari sa aking paligid, dahil sa matinding gutom at halo-halong emosyon na aking naranasan. Napailing ako ng bahagya at tila pinaalala ko sa aking sarili na ako si Rex. Isang Radio Reporter. Pupunta dapat ako sa bayan ng San Isidro, at ang pangalan ng nobya ko ay si Alyana. Naaksidente ako kaya napadpad dito sa lugar na tila hindi na sakop ng mapa ng Pilipinas.

"Anong sabi mo? Para may lakas akong tumakbo mamaya?" Kunot noo kong tanong. Inulit ang mga sinabi nito kung tama ba ang aking pagkakarinig. Dahil sa mga oras na ito, hindi ko alam kung halusinasyon lamang ang mga nangyayari sa aking paligid.

Tumango ang bata at lumapit pa ito sa akin. Idinikit ang labi sa aking tenga at bumulong, "itatakas kita rito."

Mabilis na rumihistro ang mga sinabi ng bata sa aking utak, dumaloy ang mga katagang iyon sa aking dugo na nanalaytay sa aking mga ugat. Tuloy-tuloy ang daloy ng mga iyon hanggang sa aking puso na ngayon ay tumitibok ng malakas. Nakabibingi ang kabog ng aking dibdib. Tila nabuhayan ako ng loob, na sa wakas ay makakatakas na ako sa tiyak na kapahamakan... at kamatayan!

"Tinulungan mo ako sa gubat. Mabuti kang tao kaya tutulungan din kita," mahinahong sabi ng bata. May kinuha itong kutsilyo sa kanyang bulsa at unti-unting kinalas ang mga tali sa aking magkabilang kamay.

Matapos kong ubusin ang dinala niyang pagkain, hindi ko maiwasang itanong ang mga bagay na tumatakbo sa isipan ko ngayon.

"Bakit nila ginagawa ito?"

"Ang aking angkan ay naniniwala at sumasamba sa dambuhalang bato na nasa kagubatan. Iyon ang aming bathala. Iyon ang nagbibigay ng masagang ani sa mga magsasaka," pag-uumpisa nito. Naka-upo siya sa harap ko, nakayuko habang nililigpit ang aking pinagkainan.

Bigla kong naalala ang malaking bato na nadaanan ko sa gubat, na kasing laki ng bahay kubo.

"Minamarkahan namin ang aming bathala gamit ang pulang likido ng hayop o tao bilang simbolo ng aming pag-aalay. Ang mga tao naman sa kabihasnan na naliligaw dito sa aming lugar ay ginagawa naming rebulto. Pinapatingala namin sila sa araw tanda ng aming walang humpay na pagsamba at pagrespeto sa kalikasan. At ang kapalit nga nito ay ang mga biyayang aming natatanggap nang walang humpay. Hindi kami nagugutom dito. Wala kaming problema. Walang gulo. Walang sakit na kumakalat. At higit sa lahat, walang kamatayan."

Bedtime Horror Stories BHS (COMPLETED)Where stories live. Discover now