Sunday Morning

2 1 0
                                    

Your POV:

*Your alarm clock*

Naalimpungatan ako nang marinig kong nagwawala na ang alarm ng cellphone ko. Kinakapa ko ito sa paligid ng aking higaan para patayin dahil wala pa akong balak gumising para simulan ang panibagong araw.

"Bilisan niyong kumilos! Male-late na tayo!" Narinig kong sigaw ng aking nanay sa labas ng aking kwarto. Babalewalain ko nalang sana pero biglang pumasok sa isip ko kung anong araw ngayon.

"Linggo! May misa!" Sigaw ko sabay tayo sa aking higaan. Agad-agad akong nag-asikaso dahil ayaw kong masermonan ng aking nanay sa kotse habang papunta sa simbahan. Isang sermon lang ang kaya kong tanggapin ngayong araw, at naka-reserve na yun para sa sermon mamaya ni Father sa simbahan.

Hindi ko na inayos ang aking higaan. Agad akong kumuha ng damit at dumiretso sa banyo para maligo at magsipilyo. Sa mga oras na 'to, nawawala sa bokabularyo ko ang pagko-concert sa kubeta. Sa mga panahon na ito nangyayari ang imposibleng bagay, ang matapos akong mag-asikaso ng wala pa sa sampung minuto.

Lumabas ako agad pagkatapos ko. Simpleng chiffon dress na puti lamang ang suot ko. Nag-sandals lang din ako at nagdala ng mini shoulder bag na ang laman lamang ay ang aking cellphone at panyo. Nakalugay lang din ang buhok ko dahil wala na akong oras para ayusin ito.

Paglabas ko ng kwarto, nakikita kong nagmamadali pa ang aking mga magulang pati na rin si Kuya at bunso. Oo, pangalawa ako sa aming tatlong magkakapatid.

"Bilisan niyo, aba. Ang babagal niyo kasi magsi-gising." Sambit ng aking nanay. Sa mga ganitong panahon ko nagugustuhan ang pagiging middle child ko, sa sermon. Madalas akong invisible kung ikukumpara ako sa dalawa kong kapatid. Mas napapansin ng magulang ko ang aking Kuya at si bunso sa lahat ng bagay. Kahit na ganoon, tinitignan ko nalang sa magandang aspeto. Kapag oras ng sermon ng magulang, madalas nasa kwarto ako, nakakulong. Hindi rin naman nila napapansin na wala ako. Sa huli, ang Kuya ko lang at si bunso ang laging napapagalitan at napaparusahan. Hahanapin lang nila ako kapag tapos na ang sermon. Tatanungin kung saan ako nagpunta, bakit lagi akong wala, pero ang totoo, nandito lang din naman ako.

"Tara na kung tapos na kayo diyan. Bilis, anong oras na." Bigla akong natauhan nang marinig muli ang boses ng aking nanay. Naglakad ako at sumunod sa dalawa kong kapatid.

"Nabunot niyo na ba lahat ng nakasaksak? Sinara niyo na rin lahat ng bintana at ibang pintuan? Wala na kayong nakalimutan?" Tanong ng aking tatay na nauunang maglakad sa aming lima.

"Opo." Sagot naming tatlo at dumiretso nang sumakay sa kotse.

Nasa pinaka-dulo ako ng van. Dito ako lagi sa likod pumu-pwesto. Wala lang, gustong-gusto ko dito dahil sobrang luwag. Pwede akong mahiga, gumulong-gulong, o kung ano man. Hindi rin naman nila ako sinasaway kung anong gawin ko dito sa likod, basta't hindi ako makalat o makasira ng gamit. Isa pa, pagtulog lang naman ang madalas kong gawin dito sa dulo, ginigising lang nila ako kapag bababa na, kung minsan nga ay nakakalimutan nila akong gisingin. O hinahayaan nalang din nila akong matulog dito? Malay. Basta, hindi ako nadidistorbo.

Nakahiga lamang ako dito sa dulo at nakapatong ang braso sa aking mata. Hindi ako matutulog o iidlip, sadyang ganito lang ang pwesto ko dito sa likod. Pero nagtataka ako dahil ang bagal ng takbo ng sasakyan namin. Ni halos hindi ito gumagalaw.

Pagsilip ko sa labas, halos hindi pa kami nakakalayo sa aming bahay, kaya tumingin ako sa harap. Nagulat ako nang makita ang pagkarami-raming pila ng sasakyan sa harap namin.

"Traffic na naman?" Tanong ko. Pero as usual, walang sumagot sa'kin. Tinignan ko ang dalawa kong kapatid, nakapasak sa kani-kanilang tainga ang airpods at nakapikit. Tahimik namang nagmamaneho ang aking tatay at hindi ko maaninag kung natutulog ang aking nanay dahil nakasalamin ito ng may itim na lense. Nagkibit balikat nalang ako at umupo muli.

"Bakit ka pa ba kasi nagtatanong eh halata namang traffic?" Pabulong na asar ko sa sarili ko. Hindi na rin bago ang traffic dito sa lugar namin tuwing linggo, pero panigurado akong may sermon mamayang tanghalian sa hapag kainan ang aking nanay. Lalo na't kung hindi kami makakakuha ng pwesto sa unahan ng simbahan. Sabi kasi ng aking nanay, mas malapit sa harap, mas mabilis ang dating ng grasya at mas mabilis ang pagpapaabot ng dasal. Pero para sa'kin, wala sa pwesto iyon.

Nakalipas na ang 30 minuto ay wala pa rin kami sa simbahan. Madalas na 10 o 15 minuto lang ang biyahe mula bahay papuntang simbahan, 20 minuto kung sobrang traffic. Pagtingin ko sa orasan, 7:35 a.m. na. 7:30 a.m. ang simula lagi ng misa, at naiisip kong kami talaga ang sisisihin ng aming nanay mamaya ngayong huli na kami sa misa. Isa pa, kinakabahan ako dahil buong biyaheng tahimik ang aking nanay. Pakiramdam ko ay matindi ang parusang haharapin mamaya. Baka ito na ata ang unang pagkakataon na mapaparusahan ako dahil baka sa sobrang galit niya ay maalala niya ako.

7:50 a.m. na kami nakarating sa simbahan. Tahimik na bumaba ang aking mga magulang, pati na rin ang dalawa kong kapatid. Pagbaba ko, natuwa ako nang hindi pa masyadong puno ang simbahan. Agad akong dumiretso sa pangalawang row sa kaliwang bahagi nang makita itong bakante. Ang unang row kasi ng upuan ay para sa mga Lector o Reader. Sumunod naman sa akin ang aking mga magulang at kapatid nang makita nilang nakahanap ako agad ng magandang pwesto.

'Maaari kayang hindi ako maparusahan mamaya pagka-uwi sa bahay?' Biro ko sa sarili ko, pero agad din akong umayos ng upo nang mapansin na unti-unting napupuno ang mga upuan.

"Grabe, mukhang na-traffic ang lahat. Pati ata si Father, dahil hindi pa nagsisimula ang misa." Sabi ko. Napalingon naman agad sa likod ang aking tatay na katabi ko, at agad ding umayos ng upo nang makita niya si Father na naghahanda na sa dulo.

Nagsimula na ang misa, nakikinig ang lahat. Aminado ako na madalas, sa mga ganitong panahon, ay lumilipad ang aking isip. Kung anu-ano ang pumapasok na ideya sa isip ko, o kaya'y inaantok ako. Naagaw ni Father ang atensyon ko nang tawagin niya ang pamilya namin. Inisip ko nalang na baka may alay muli na tulong ang aking pamilya sa munting simbahan dito sa aming barangay. Kilala ang aking mga magulang na nagbibigay ng donasyon dito sa simbahan- pera man o pagkain. Sabi kasi nila, mas magandang magbigay kaysa bigyan. Isa pa, simbahan ang kanilang tinutulungan, kaya naniniwala sila na mas malaki ang balik sa pamilya namin ng kanilang mumunting tulong sa simbahan.

Kumunot ang noo ko nang pinalapit kami ni Father sa harapan. Dun ko napansin ang isang mahabang kahon sa harap. Nagtataka man ay sumunod din ako sa aking pamilya para lumapit sa kahon na ito. Muntik pa nga akong matapilok dahil hindi ko napansin ang upuan ng lector na nabangga ng paa ko, nakatuon kasi ang atensyon ko sa mahabang puting kahon na nasa harap.

'May pa-games ba?' Tanong ko sa sarili ko habang lumalapit.

Paglapit namin, bigla akong nagulat nang biglang bumuhos ang luha ng aking mga magulang at kapatid. Halos hindi na makahinga ng maayos ang aking ina sa pag-iyak kaya agad kong nilingon at tinignan ang laman ng kahon. At doon ko nakita, na ang laman nito, ay ako.

Katawan ko ang nasa loob ng kabaong.

10:10:10Where stories live. Discover now