Kabanata 1

6 1 0
                                    

ISANG buntong hininga ang aking pinakawalan matapos kong ilapag ang pang walong basket ng ubas na aking pinitas para sa araw na iyon. Tinanggal ko ang salakot na aking suot sa aking ulo at ipinaypay ito habang ang asul na long sleeve kong suot ay ipinunas ko sa aking noo na mayroong pawis na namumuo.

"Panay ang trabaho natin ah. May pamilyang binubuhay?" Biro saakin ni Timoteo na kararating lang. Gaya ko ay pawisan din ito at sa palagay ko ay namitas din ng mga prutas.

"Oo, tatlo ang anak. Pare-parehas pang nasa kolehiyo."

Sakay ko sa biro niya na tinawanan namin parehas. Parati ako nitong inaasar kapag nakikita niya akong panay ang aking pagtatrabaho sa taniman. Para naman daw mapaghihirap ako kapag hindi ako nagtrabaho ng ilang oras man lang.

Si Timoteo ay ang matalik kong kaibigan dito sa La Union. Mula pagkabata ay magkaibigan na kami dahil bukod sa taga-La Union talaga ang kanyang mga magulang ay matagal na ring trabahador ang mga ito sa taniman ng mga de Luna. Kung ako ay dito na lumaki, si Timoteo ay baka rito na sa taniman mismo ipinanganak.

Napadpad lang naman ako rito sa La Union nang hilingin ko kay daddy noong bata pa ako na gusto ko ng payapang lugar. At totoo, dinala niya ako sa lugar kung saan kapayapaan ng kalooban ang namuno saakin. Dito nga iyon, sa La Union.

"Kahit nga hindi ka na magtrabaho at panuorin lamang kami ay may kakainin kapa rin pagtapos."

Naiiling akong natawa sa kanya habang pinagmamasdan ang malawak na taniman ng ubas sa aking harap. Kung makapagsalita ang isang ito ay tila hindi doble kumayod. Samantalang isang kapatid na lamang ang nag-aaral na nasa kolehiyo na rin. Nakapagtapos din siya ng pag-aaral sa kursong BS Agricultural Engineering na ngayon ay nagtuturo na sa isa mga unibersidad dito sa La Union. Tapos kapag wala itong pasok ay nandito sa taniman at umeextra.

Pinalalayas ko na nga minsan, biro ko ay mayaman na siya. Seryoso naman parating sumasagot na hindi pa raw. Tinatawanan ko lang ang loko. Nakikita ko naman na maayos na ang kanilang buhay kumpara sa buhay na naabutan ko sa kanila.

Dinadama ko ang simoy ng hangin na nagsisimula ng lumamig dahil ang paglubog ng araw ay maaaring mangyari na sa loob lamang ng isang oras.

"Hindi naman saakin ito." Sagot ko sa kanya.

Totoo naman iyon. Ang taniman na ito ay hindi saakin. Pati na rin ang sumunod na mga taniman na nakapaligid saamin ay hindi saakin. Kung hindi sa aking ama na si Santiago de Luna. Siya naman ang mayaman dito, hindi ako. Nagkataon lang na anak niya ako pero I wouldn't claim this as mine. Si daddy ang nagbigay buhay sa De Luna Farmlands. Syempre pati na rin ang masisipag na mga trabahador dito ni daddy.

"Pero ikaw na ang namamahala nito. Ikaw na nga ang nag-aalaga ng mga pananim natin. Baka hinihintay lang ni señor Santiago ang lisensya mo upang tuluyan ng ilipat sa pangalan mo ang produksyon dito."

Hindi ko pinansin ang opinyon na iyon ni Timoteo dahil wala naman akong interes na saakin mapunta ang farmland na ito. Ni hindi sumagi sa isip ko na ikokonsidera ako ni daddy na ibigay saakin ang taniman. Sila lamang, ang mga kasama namin dito ang nagsasabi saakin na ganoon daw ang plano ni daddy. Pero wala naman akong narinig at muli, wala akong interes. Ayoko ng gulo.

Nakapagtapos ako ng BS Agriculture dito rin sa La Union, ngunit hindi ako rito unang kumuha ng kurso na iyon. Sa Maynila sana ako magtatapos ng aking kolehiyo upang diretso ako sa pagkuha ng lisensya, pero dahil sa mga hindi inaasahan na pangyayari ay bumalik ako rito sa La Union at dito na nagtapos.

Overdue na nga raw ako sa edad na 27 sa pagkuha ng lisensya ko, asar saakin ng mga tao rito. Dahil si Timoteo ay agad kumuha ng lisensya pagkagraduate. Hindi ko naman alintana ang edad ko. Masaya naman ako na yung naaral ko ng apat na taon tungkol sa mga pananim ay nagamit ko pagkagraduate ko. Wala namang nasayang.

The Other de LunaWhere stories live. Discover now