Mahigit apat na oras ang pagsunod namin sa kanya kahit pa wala namang traffic dahil Saturday. Nagtataka na ako kung saan ba siya pupunta. Parang papunta siya sa kung saang probinsiya. Hanggang sa hindi ko na nga namalayan na nakatulog na pala ako sa backseat ng sasakyan.


Nang maalimpungatan ako ay madilim na sa labas at tanaw na sa kalangitan ang bilog na buwan, kung hindi ako nagkakamali ay ito ang ikaapat na kabilugan ng buwan ngayong taon.


Naalala ko ang pagpapaalam ni Cross throught text na may aasikasuhin siya sa fourth full moon of the year. Ano kaya iyon? Dito ba sa probinsiyang ito iyong aasikasuhin niyang iyon?


"Mukhang naririto na tayo, hija," ani Mang Chito.


Napalingap ako sa paligid. Papasok kami sa isang malawak na lupain. Nakalagay pa sa gilid ang karatula na nagsasabing: "DO NOT ENTER. PRIVATE PROPERTY." 'Yang mga ganyang babala ang masarap suwayin.


"Kay Sir Cross kaya ang lupaing ito, hija? Sayang naman kasi ang laki pero wala man lang laman."


Ginaya ko ang ginagawang pagmamasid ni Mang Chito sa paligid. Tama nga siya, ang lawak ng lupain na kinaroonan namin, parang isang abandonadong hacienda na wala man lang kahit anong buhay na puno o halaman.


Wala rin kaming matanaw na tao o kahit isang pirasong bahay. Maski poste ng ilaw sa tabi, wala rin. Kung hindi nga lang dahil sa liwanag ng buwan at ng headlights ng sasakyan ay hindi namin mabibistahan ang itsura ng lugar.


"Patay na patay e. Itsura nito ay iyong parang mga sa horror. Malamang na tayo pa lang ang nagtangkang mag-trespass dito," sabi niya habang tuloy-tuloy sa pagmamaneho sa tila walang katapusang lubak-lubak na daan. Mabuti na nga lang at iisa lang ang kalsada kaya hindi kami maliligaw kahit pa hindi na namin matanaw ngayon ang kotse ni Cross.


Sino ba ang mag-iisip na mag-trespass sa ganitong lugar? Hello? Babaeng naka-white gown na lang ang kulang sa daan e pwede ka nang atakihin sa puso.


"Nasaan na kaya si Sir Cross, hija?"


Napaayos ako sa pagkakaupo nang may matanaw na isang malaking mansiyon sa gitna ng lupain. Agad kong tinapik sa balikat si Mang Chito. Itinuro ko sa kanya ang natatanaw kong mansiyon. Hindi niya siguro iyon napansin dahil madilim at ang tanging bukas na ilaw lang ay ang isang pirasong lamppost sa labas.


"Kow! Kagandang bahay! Parang panahon pa ng Kastila iyan!" Nagdahan-dahan ang pagpapatakbo niya sa sasakyan nang bahagya na kaming makalapit.


Nang matapatan ng headlights ang bakal na gate ng mansiyon ay mas napahanga ako sa itsura nito. Makaluma ang style, hindi tinipid sa materials at well maintained. Parang bumalik ako sa nakalipas habang nakatitig dito. Hindi mo aakalaing may ganitong bahay rito sa gitna ng patay at abandonadong hacienda.


"Hayun ang kotse ni Sir Cross, hija," turo ni Mang Chito sa loob ng malawak na bakuran ng mansiyon.


Sumunod ako sa tinitingnan niya, doon nga sa loob, sa lawn ay natanaw kong nakaparada ang sportscar ni Cross.

When I First Met YouWhere stories live. Discover now