Kabanata 4

21.2K 672 54
                                    

Kabanata 4

Okay

Sa mabibigat na talukap, binuksan ko ang mata. Ilang minuto akong napatitig sa kisame, pilit inaalala ang nangyari.

Inilibot ko ang tingin sa buong kwarto, pilit pa rin inaalala kung bakit ako nakarating rito. Wala akong maalala na nakauwi ako ng bahay.

Tumayo ako at lumabas ng kwarto. Bumaba na ang lagnat ko at sinat na lang pero pinili ko pa ring uminom ng gamot.

Napasulyap ako sa bintana ng kusina at nakitang pababa na ang araw. Kumuha ako ng kaldero para makapagsaing na. Natigilan ako nang makita ang basang bimpo na nasa lababo.

Tulala ako hanggang hapunan. Imposibleng nalimutan ko ang mga nangyari bago ako nawalan ng malay.

Natigil ako sa pagsubo nang maalala ang isang bisig na sumalo sa akin sa gitna ng gubat. Wala sa sarili akong napasulyap sa nakasampay na bimpo sa kusina at napailing nang maiproseso ang posibleng nangyari.

Kung may tumulong sa akin at kilala ako, siguradong hindi lang pagtulong ang pakay niya sa akin. Inilibot ko ang tingin sa buong bahay, sinusuri kung may nawala bang importanteng gamit.

Nandito pa ang TV sa sala, hindi iyon masyadong mabigat para dalhin ng isang tao pero bakit nandito pa rin. Pwede niya iyong dalhin at ibenta.

Muli akong napasulyap sa basang bimpo, iyon ang nagpapatunay ngayon na gusto niya lang akong tulungan dahil sa nangangailangan ako.

Wala akong ideya sa kung sino ang tumulong sa akin. At kung makikilala ko man, siguro ay hahanap ako ng paraan para makabawi kahit na imposible sa sitwasyon ko.

Kung hindi niya man ako kilala, posibleng hindi na iyon lalapit sa akin kung malaman niya kung sino talaga ako.

May isang tao sa isip ko na posibleng tumulong sa akin. Posibleng ang babaeng nagbigay ng gamot sa akin ang tumulong matapos akong sundan.

Nagising ako na pataas pa lang ang sikat ng araw. Lumabas ako sa likod ng bahay at tinanaw ang payapang ilog. Lumapit ako at yumuko para damhin ang malamig na agos ng tubig.

Gusto kong maligo pero masyado pang malamig ang tubig. Siguro kapag tumaas na tuluyan ang araw, sa puntong hindi pa masakit sa balat.

"How are you feeling?"

Muntik na akong masubsob sa gulat. Nanlaki ang mata ko at umayos sa pagkakatayo nang makita ang kakarating lang. Kalmado niyang pinapanood ang isang parte ng ilog.

"A-Anong ginagawa mo rito?" mabilis na tanong ko.

Nahigit ang hininga ko nang tumingin siya sa akin. Dapat kong kalmahin ang sarili kaya kahit na malaki sng distansya naming dalawa, humakbang ako palayo.

Nakita niya iyon. Umigting ang kanyang panga.

"I'm just checking on you," seryosong sabi niya.

Uminit ang pisngi ko sa hindi malamang kadahilanan.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Mataas ang lagnat mo kahapon,"

Kumunot ang noo ko pero nanlaki ang mata nang makuha ang kanyang sinabi. Tahimik niyang pinanood ang reaksyon ko.

Hindi ko alam ang sasabihin. Dapat ba akong magpasalamat?

"Salamat," pinilit kong hindi ma-utal.

Hindi ako sigurado kung tatalikod ba ako para makaiwas sa mga mata niya o ang pumasok na sa bahay para makaiwas sa buong presensya niya.

Pero sa huli, tila nanigas ako sa kinatatayuan at walang nagawa kundi ang panoorin siya.

DM #2: Dean AndradaWhere stories live. Discover now