XX - Heaven Knows

32.9K 787 18
                                    

KAHIT masama at mabigat ang pakiramdam ni Beverly ay pinilit niyang bumangon. Tuloy ang routine na gagawin niya sa araw na iyon, sabi pa niya. Hindi niya hahayaang maapektuhan ang kaniyang pag-aalaga sa matalik na kaibigan ng kaniyang ina dahil lang sa biglaang pagkikita nila ni Philippe. Ayaw din niyang mapahiya ang ina. Duty first before self, ika pa niya.

Napansin niya kaagad sa salamin habang siya ay naghihilamos na namumugto ang kaniyang mga mata. Pinisil-pisil niya ang bandang ibabang parte ng kaniyang mga mata, bakasakali raw na mawala ang pamamaga. Nakakahiya naman raw kung makita siya ni Kakay na ganoon ang kaniyang hitsura at baka mag-usisa pa ito sa kaniya. Hanggat maari ay ayaw niya nang magkuwento ng nangyari sa kanila ni Philippe.

"Ngayon na lang namaga ang mga mata ko ng ganito. Kasalanan ng Philippe na yon! Duwag pala siya! Tapos, nanahimik na ang buhay ko, bigla na lang susulpot. Dito pa talaga gumawa ng eksena! Ngayon magmamakaawa siya. Para ano pa?" Matagal na panahon na kasi nang huli siyang umiyak, at kagagawan din iyon ni Philippe. Nangako pa naman siya na kahit kailan hindi na niya iyon iiyakan. "Nakita pa tuloy ni Stephen yong kadramahan namin kahapon. Ano na lang ang iisipin noon?" Pinunasan na niya ang kaniyang mukha ng tuwalya. "Si Direk kasi, pinaiyak ako nang husto! Pang Best Actress lang ang acting ko kahapon. Ang aking audience? Si Stephen lang naman!" Para kasing eksena sa pelikula ang nangyari sa kanila nang araw na iyon ni Philippe. Kailangan niyang biruin ang sarili niya nang sa ganoon ay gumaan ang kaniyang pakiramdam.

Naisip niyang muli ang kaniyang pasyente, nag-panic na naman siya. "Lord, please mag magic ka na lang nang mawala na po 'to, kahit ngayon lang." Napabuntong-hininga na lamang siya dahil alam niyang wala siyang magagawa.

Samantala, tinanghali naman ng gising ang senyora. Sa unang pagkakataon, bumangon ito sa kaniyang kama at naglakad-lakad ito nang dahan-dahan. Kuntodo kapit din ito sa kaniyang makapitan para hindi siya matumba. Tuwang-tuwa ito dahil sa ilang araw na rin itong nakaratay sa kama. Minsan naman ay kailangan pa nitong mag-wheelchair para makaalis sa higaan at makalabas ng kuwarto. Laking abala yon para sa kaniya.

Hinanap nito agad si Beverly, ngunit wala siya sa loob ng kuwarto. Tiyak na matutuwa iyon kapag nakita raw siya nitong naglalakad na. Maingat na pumunta ito sa banyo.

Pagpasok naman ni Beverly sa kuwarto ay nakita niya ang matanda na nakatayo at nagsusuklay ito sa harapan ng tukador. Dala-dala niya ang tray ng pagkain ng matanda. "Good morning po, Tita. Ay wow! Nakakatayo na po pala kayo!" Masaya ang pagkakasalita niya ngunit iniiwas niyang ipakita ang kaniyang mga mata. "Saan niyo po gustong mag-breakfast, sa bed o sa terrace?" Agad namang tumalikod ito nang humarap ang matanda sa kaniya.

Balik na sa regular diet si Kakay kaya nagpahanda siya ng pancake, fried rice, itlog na scrambled, at saka isang baso ng orange juice.

Mas lalo siya nitong nahalata. "Harapin mo nga ako, Beverly. 'Bat ka ba nakatalikod?" Napilitang humarap si Beverly, "Kaya naman pala, namumugto ang mga mata mo. Naku, talaga yang Philippe na 'yan! O sige, doon na lang tayo sa may terrace, at nang makapag-usap tayo nang maigi. Sabayan mo na rin akong kumain doon." Napangiti naman si Beverly.

May isang maliit na round table doon sa kanilang terrace na nakaharap naman sa kanilang hardin. Doon din siya madalas mag-tambay pag wala siyang ginagawa. Nang mailapag na ang mga pagkain ay kumain na muna si Kakay. Yinaya rin siya nito ngunit nakakain na pala siya.

Sa ilang araw na pamamalagi ni Beverly, ngayon lang niya ulit nakitang masigla ang matanda. Malakas na nga ito. Habang maganang-maganang kumakain si Kakay ay panay pa ang kuwento nito. Hindi na nga raw nito nalaman kung anong nangyari sa kanila noong iwan sila nito ni Philippe. Dumiretso raw kasi ang matanda sa kaniyang office room at may ginawa ito doon. Natambakan na raw ito ng mga trabaho sa kaniyang negosyo. Kaya pala hindi ito ni Beverly nakita sa kuwarto nang pumasok siya pagkatapos nilang magharap ni Philippe. Mukhang hinayaan na muna siya nitong makapag-isa hanggang sa nakatulog na lang siya.

Ang Huling Biyahe ni Ms. BeverlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon