Bahagya namang natigilan si Vice. Kaya pala alam ni Mang Armando ang kanyang pangalan. "P-Pero bakit kinailangan mo pang humingi ng tulong sa iba? Diba may healing powers ka naman?"

Sa pagkakataong iyon ay napaiwas ng tingin si Alena. Ayaw niyang malaman ni Vice na wala na siyang ganoong kakayahan dahil unti-unti na siyang nanghihina at nawawalan ng lakas.

"Kinailangan ko lang ang tulong ni Armando dahil ninais ko lamang na makasiguro na maayos ang iyong kalagayan," paliwanag ni Alena at akmang magtatanong pa sana si Vice nang pigilan siya ng huli. "Maari na ba tayong mananghalian? Kanina pa kasi ako nasasabik na matikman ang niluto ni Anne para sa atin," pilit ngiti niyang giit saka agad na tumalikod at nauna nang maglakad.





















Bahagyang malalim na ang gabi nang magtipon-tipon ang mga taga-isla kasama sina Vice, Alena, Anne, at Vhong sa isang malaking siga ng apoy. Tradisyon ng mga taga-roon na kapag may ikinasal na kabilang sa kanilang pangkat ay kinakailangan nilang sumayaw habang pinapaligiran ang nagbabagang siga ng apoy. Sa pamamagitan nito mapapanatili raw ng bagong kasal ang nag-aalab nilang pag-ibig at pagmamahal para sa isa't-isa.

Nangibabaw naman ang isang etnikong tugtog habang ginaganap ang kasiyahan at kasalukuyang sumasayaw ang iilang taga-isla kasama ang bagong mag-asawa. (pakinggan ang partikular na musika sa multimedia section)

Di kalaunan ay niyaya na ng mga taga-isla sa pagsasayaw ang apat nilang bisita. Agad namang pumayag sina Anne at Vhong at sumali sa kasiyahan habang mariing napailing si Alena, "H-Hindi ho ako sumasayaw," magalang na pagtanggi niya sa mga matatandang taga-islang lumapit sa kaniya ngunit nang hawakan ni Vice ang kanyang kamay ay agad siyang napalingon dito.

Nang ngumiti si Vice ng kaunti sa kanya ay unti-unti ring napangiti si Alena. Bahagya siyang nakahinga ng maluwag dahil napagtanto niyang hindi nagtatampo sa kanya ang kanina pang walang imik na katabi. Inakala niya kasing sumama ang loob nito kaninang umaga dahil sa ginawa niyang pag-iwas sa kanyang mga katanungan.

Hawak kamay silang naglakad sa bandang gitna at pinalibutan din ang nagbabagang siga ng apoy kasama ng ibang taga-isla. Marahan ang ihip ng hangin mula sa dagat na dumadampi sa kanilang mga balat. Bawat indak dulot ng kakaibang musika ay tila unti-unting bumabagal para kay Alena at Vice hanggang sa mag-iba ang takbo ng tugtog at dahan-dahang nagtapat ang kanilang mga mata.

Bumalik ang ngiting hindi mapawi sa kanilang mga mukha habang dinadama ang bawat kumpas ng kakaibang tugtog. Ang ibig ipahiwatig ng musika ay tumagos din sa kanilang mga puso — na sa kabila ng maraming paghihirap at suliranin, tangkilikin pa rin natin nang buong-buo ang buhay.

Nang matapos ang kanilang sayawan ay sabay na naupo ang dalawa sa isang malaking tabla ng kahoy. Nagpatuloy lang ang kasiyahan ng mga kasama nila habang tahimik nila silang pinagmamasdan. "Bukas na pala tayo pupunta sa kabilang isla," panimula ni Vice habang nakatingin sa siga ng apoy na tila sumasayaw pa rin sa nakakaindak na tugtog. Unti-unti rin siyang napangiti, "Bukas na rin natin makukuha ang brilyante mo."

Napatango naman si Alena at pilit lang na napangiti kahit pa gusto niya sanang kumawala ng malalim na pagbuntong hininga. Sandali silang natahimik muli hanggang sa tumama ang kanyang mga mata sa magkasintahang bagong kasal, "Kakaiba nga talaga ang naibibigay na kaligayahang dulot ng pag-ibig."

Napalingon din naman si Vice sa mga ito at hindi rin maiwasang mapangiti sa kanyang sarili, "Kaya nga nagpapasalamat ako kasi nararanasan ko rin ngayon ang kaligayahang katulad ng sa kanila nang dahil sayo," paghawak niya sa kamay ni Alena.

Muli namang nagtapat ang kanilang mga mata at sa pagkakataong iyon ay tila ba tumahimik ang paligid para sa kanilang dalawa, "Alena, maraming salamat, dahil dumating ka sa buhay ko," sambit ni Vice at hinawakan naman ni Alena ang kanyang kabilang pisngi.

Ang Mahiwagang PusoOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz