Chapter 1

5K 55 6
                                    

KASALUKUYANG nasa library sina Isabel at Monica. Mahaba-habang oras pa naman ang papatayin nila para sa susunod nilang subject kung kaya minabuti na nilang gawin ang kanilang assignment.

"Huh?" tanong ni Isabel kay Monica nang sikuhin siya nito.

"Sus, aba'y kanina pa ako salita ng salita e, hindi ka naman pala nakikinig," kunwa'y may hinampong sabi ng kaibigan sa kanya.

"Eto naman, tampo agad.Ano nga uli ang sinasabi mo?" tanong niya.

"Tama ba, ito nga ba ang sagot?"

Tiningnan niya ang librong hawak nito, pagkatapos ay tumango siya.

"Thanks," ani Monica.

Matapos gawin ang assignment ay iniwan siya sandali ng kaibigan upang isauli ang libro. Habang pabalik ito sa puwesto nila ay nakakunot ang noo nito.

"May problema ka ba?" mahinang tanong nito sa kanya nang makalapit ito.

"Wala pa sa ngayon," sabi niya matapos siyang magpakawala ng isang buntong-hininga. "Pero magkakaroon kapag hindi mo ako sinamahan mamaya," patuloy niya.

"Samahan? Saan?" kunot-noong tanong nito.

"Hindi ba't noong isang linggo ko pa sinabi sa iyo na may mall tour si Joem Santiago sa SM Bacoor? At mamaya na mangyayari iyon, best!"

"Sus! Kailan ba hihinto ang kabaliwan mo sa Joem Santiago na iyan?" naiiling na sabi nito.

"Never!" matigas na sagot niya. Nahinto ang pag-uusap nila nang sawayin sila ng librarian. "Please, bestfriend, samahan mo ako ha," pabulong na pakiusap niya rito. Pinagsiklop niya pa ang kanyang dalawang kamay. Nangingiting napapailing lamang ito sa ginawi niya. "Anong oras ba iyon?" tanong nito makalipas ang ilang sandali na tumingin sa relong pambisig nito.

"Alas-singko."

"Ang layo naman kasi," reklamo nito.

"Best, please...samahan mo na ako," may himig-pakiusap niya.

Sa totoo lamang ay kuha ng forty five minutes mula sa unibersidad na pinapasukan nila hanggang sa SM Bacoor. Pero dahil ma-traffic ang bayan na kanilang madadaanan kung kaya aabutin ang biyahe nila ng mahigit isang oras.

"Sige na," pakiusap niya. "Pagkakataon ko ng makita ang idol ko," kinikilig-kilig pang dagdag niya.

Kung papalarin ay iyon ang unang pagkakataon na makikita niya ng personal ang kanyang idolo. Kumpleto siya sa mga clippings at kung anu-ano pang babasahin basta naroroon ang larawan ng binata. Wala siyang pinalalagpas. Kahit nga yata pambalot na ng tinapa basta nakita niyang may larawan doon ang ini-idolo ay itinatago niya.

"O siya sige, sasamahan na kita," pagpayag ni Monica.

"Salamat, best," nakangiting pakli ni Isabel.

"Pero pagkatapos niyon uuwi na agad tayo?"

"Naman!" nakangiting sagot niya. Muli ay sinaway sila ng librarian dahil napalakas ang kanyang boses.

"Teka, nagpaalam ka ba sa tiyang mo?" kapagkuwa'y tanong ng kaibigan sa kanya.

Napangiwi siya bago nagkamot ng ulo. Hindi siya nagsabi sa tiyahin dahil alam naman niyang hindi siya papayagan nito.Bukod pa roon ay katakot-takot na sermon ang aabutin niya sa tiyahin.

"Ay sus," palatak nito.

"Iyon nga ang isa ko pang hihilingin...maaari bang..."

Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad itong tumango na tila ba nahulaan na nito ang ibig niyang sabihin. Pagkatapos ay napailing ito bago siya tinapik sa braso. Nakangiting nagpasalamat naman siya sa kaibigan.

My Secret Relationship with a Star (Published by Lifebooks)Where stories live. Discover now