"Handa ka na ba para sa pamamasyal natin mayamaya?" tila alinlangang tanong ni Dominic dahil bigla niyang naisip na baka hindi nagustuhan ni Alena ang ginawa niya kagabi.

Tatango na lamang sana si Alena nang maalala niya ang sinabi sa kanya ni Manang Tasing, "Pero sabi ni Manang ay may bisita ka raw na paparating? Ang ibig sabihin ba non ay sasama rin siya sa atin?" puno ng pag-asang tanong ni Alena. Batid niya kasi na kung sasama ang bisitang tinutukoy ni Manang Tasing ay tiyak na makakasama rin nila si Vice.

"Well, pwede rin naman sana siyang sumama pero sa tingin ko, mas gugustuhin niyang manatili dito malapit sa dagat. Nalibot na rin naman kasi non ang buong hacienda and aside from that, surfing naman kasi ang palaging pinupunta non dito. At kung nag-aalala kang walang mag-aasikaso sa kanya, don't worry because Vice already volunteered na samahan ang bisita ko ngayong araw. And I think he did that so that we could have the entire day for ourselves," pagpapaliwanag ni Dominic na bahagya namang ikinalungkot ng sang'gre.

Nakaramdam rin siya ng pagkadismaya dahil mas pinili pa ni Vice ang samahan ang ibang tao na hindi pa naman niya lubusang nakikilala kaysa ang makasama o ang makausap siya. Bahagya rin siyang nainis dahil ilang araw na siyang iniiwasan nito at kung mag-usap man sila ay parang palagi itong nagmamadali o nagpapanggap na hindi interesado.

Pagkatapos mag-almusal ay niyaya na ni Dominic si Alena sa kanilang pamamasyal. Nais pa sanang hintayin ng sang'gre ang pagdating nila Vice ngunit wala siyang maisip na ibang dahilan maliban sa gusto niya lamang itong makita o makausap sandali. Nahihiya rin siyang tumanggi sa lakad nila ni Dominic dahil batid niyang pinaghandaan rin naman iyon ng binata.

Dahil dito, wala nang nagawa pa si Alena kundi ang sumama na lang muna kay Dominic at umasa na lamang na makakausap niya na ng maayos si Vice, pag-uwi nila mamayang hapon o pagkatapos ng kanilang pamamasyal.

















Mataas ang sikat ng araw, maganda ang panahon, at sariwa ang hanging pumapagaspas sa mga dahon ng mga punong nakatayo sa parteng iyon ng hacienda. Kapansin-pansin rin ang berde at malawak na damuhan, maging ang mga halaman at mababangong bulaklak na may iba't ibang kulay.

Halos buong umaga ring naglibot sina Dominic at Alena sa kabuuan ng hacienda. Nalaman ng sang'gre na sobrang lawak pala ng lupain ng mga Gonzales at masasabing halos sakop na nito ang buong baranggay, kaya marami rin ang nakakilala dito.

"Sobrang saya ko na pumayag kang samahan ako. Sana nag-eenjoy ka sa pamamasyal natin dito sa hacienda," nakangiting giit ni Dominic habang naglalakad sila sa gilid ng palayan kung saan abala sa pagsasaka ang ilang tauhan ng mga Gonzales. Panaka-naka ring kumakaway ang binata sa tuwing may bumabati sa kanya mula sa sakahan.

Napatango lang naman si Alena sabay ngiti ng kaunti. "Salamat. Nagustuhan ko rin naman ang pamamasyal natin ngayong umaga."

Sandali silang natahimik at nagpatuloy lamang sa paglalakad. "Nga pala, kamusta na yung sugat mo? Masakit pa ba?" nag-aalalang tanong ni Dominic.

"Hindi naman na. Salamat ulit sa pagtatanong," tipid na sagot ng sang'gre.

Ramdam ng binata na tila matamlay si Alena sa tuwing magkasama sila, ngunit inisip na lamang niya na baka napagod lang ito sa kanilang paglilibot.

Pagsapit ng tanghali ay nakisalo sila sa mga magsasakang matiyagang nagtatanim sa palayan. May mahabang mesang nakahanda sa ilalim ng malaking puno at sabay-sabay silang nagsalo-salo.

Napuno naman ang hapagkainan ng biruan at asaran dahil iyon raw ang unang pagkakataong may pinakilalang babae ang amo nila maliban sa kaibigan nitong balikbayan. "Naku, ma'am Alena! Alam mo bang ikaw ang unang babaeng dinala at ipinakilala sa amin dito ni Ser Dominic!" kinikilig na turan ng isang babae na asawa raw ni Mang Bobet.

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now