Mayamaya lang ay nakarinig siya ng pagkatok sa pintuan, sabik siyang napalingon dahil nais niyang makita sina Vice, lalong-lalo na ang huli. Ngunit ang kanyang pagkasabik ay napalitan ng pagkagulat nang tumambad sa kanya ang taong hindi niya inaasahan. "Mabuti naman at nagising ka na. Dalawang araw ka rin kasing walang malay," ang boses nito ay mahinahon lamang halintulad sa maaliwas nitong mukha noong una niya itong nakita. "Ako nga pala si Dominic. Ang mga tauhan namin dito sa hacienda ang nagdala sayo rito."

Hindi naman agad nakapagsalita si Alena. Hindi siya makapaniwala na ang lalaking pinagmamasdan niya lamang noon mula sa malayo ay kanya ng nakakausap ngayon. Ang lalaking minsan niya ng iniligtas ay narito na sa kanyang harapan. "Sorry ha, baka nabigla ka kay Manang Tasing kanina. Excited lang talaga palagi yon kapag may bisita sa hacienda."

Napangiti ng kaunti si Alena dahil naalala niya ang pagkaligalig ng matandang babaeng tinatawag nitong Manang Tasing. "Nagugutom ka na ba? Saktong-sakto dahil nakahanda na si Manang ng tanghalian. Tara na sa labas? Kaya mo na bang tumayo o maglakad?" paglahad ni Dominic ng kanyang kamay ngunit sandali niya itong binawi ng hindi agad tumugon si Alena. "Sorry. Ang dami ko na palang sinasabi pero hindi ko manlang natanong kong ano ang itatawag ko sa'yo," nahihiyang giit ni Dominic at napakamot sa kanyang batok.

"Alena. Alena ang pangalan ko," napangiti naman ang binata dahil sa wakas ay narinig na rin niyang magsalita ang kanyang kaharap.

"Maganda. Kasing ganda mo," wala sa sariling sambit ni Dominic na tila natutulala pa rin sa tuwing pinagmamasdan ang taglay na kakaibang ganda ng mahiwagang sang'gre.

Sandali namang nailang si Alena dahil hindi siya sanay na may taong pumupuri sa kanya. Tila pang-aasar kasi at pang-iinis ang nakukuha niya palagi kay Vice simula nang dumating siya sa lupa.

Nang maalala ang huli ay agad namang hinarap ni Alena si Dominic, "Nasaan nga pala ang mga kasama ko? Nandito rin ba sila?"

"Nasa garden sila ngayon at nagtatanghalian. Siguradong matutuwa ang mga yon kapag nalaman nilang gising ka na," pagtango ni Dominic at muling inilahad ang kanyang kamay. Tinanggap na lamang ito ni Alena dahil nahihiya siyang tumanggi pa sa ipinapakita nitong kagandahang loob.

Inalalayan siya ni Dominic sa pagbaba ng hagdan patungo sa malawak na hardin ng hacienda. At doon ay natanaw niyang kumakain sina Anne, Vhong, at ang kanina niya pa nais na makitang si Vice.

Gulat na napatayo si Anne sa kanyang kinauupuan nang makita na gising na si Alena, "Mahal na sang'gre!" nasasabik nitong sigaw at mabilis na tumakbo patungo rito. Hindi naman nagdalawang-isip si Anne na yakapin ang sang'gre. Maging si Vhong ay napatakbo rin at napayakap. Tumugon rin naman dito si Alena dahil maging siya ay natutuwa ring ligtas at nasa maayos ang kanilang kalagayan.

"Kamusta ka na? Ayos ka na po ba? Masakit pa ba yang sugat mo? May nararamdaman ka pa bang ibang sakit maliban diyan?" sunod-sunod na tanong ni Anne at siya na mismo ang umalalay kay Alena tungo sa malaking mesa.

Napangiti naman ang sang'gre at pinatong ang kanyang kamay sa braso ni Anne. Nagpapasalamat siya dahil ramdam niya ang pag-aalala nito sa kanya bilang kaibagan at para na ring tunay na kapatid, "Anne, wala ka ng dapat pang ikabahala. Medyo maayos na ang aking pakiramdam at unti-unti na ring bumabalik ang aking lakas," ngiti niya at napaupo na sila sa hapagkainan.

Sa pagkakataong iyon ay nagkaharap na sila ni Vice. Ang ngiti ni Alena ay tila napalitan ng bahagyang pagkadismaya dahil hindi manlang tumayo si Vice upang siya ay salubungin. Nakatingin lamang ito sa kanya at nakangiti lang ng kaunti.

"Kamusta ka?" sinserong tanong ni Alena kay Vice. Ginamit niya ang kanyang isipan upang makapag-usap sila ng hindi naririnig ng kanilang mga kasama.

Ang Mahiwagang PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon