"Anong tayo? Huwag mo nga akong idadamay sa iyong kalokohan. Ikaw lamang itong parang bata kung magtampo," banat ni Alena dahilan para sabay silang matawa.

Tila kinikilig naman silang pinagmamasdan ng dalawang matanda sa gilid dahil hindi maalis-alis ang malawak na ngiti nina Alena at Vice habang nakatitig sa isa't isa.

Maya-maya ay naisip ni Vice na tanungin na lamang ang bagay na gumugulo sa kanya, "Pero bakit nga ba hindi mo nasabi agad?" marahan niyang tanong at napansin ang unti-unting pagka-ilang ni Alena. "Pero kamahalan, kung hindi mo naman gustong sabihin, okay lang. Maiintindihan ko naman."

"Paano kung nais ko naman pala itong sabihin?" mahinang tugon ni Alena dahilan upang tignan siyang muli ni Vice at pilit na binabasa kung totoo nga ba ang sinasabi nito. "Ngunit sa pamamagitan lamang ng isang simpleng laro."

"Anong laro?" kunot-noong tanong ni Vice dahil hindi niya inakalang may alam na laro ang sang'gre. Sandali namang inilibot ni Alena ang kanyang paningin sa mga taong nasa paligid hanggang sa unti-unting may naisip na ideya.

Bahagya namang nagulat si Vice nang may inilabas na gintong barya mula sa bulsa nito ang sang'gre. "Sandali, kamahalan. Tunay ba yan?"

"Anong iyong ibig sabihin?" payak na tanong ni Alena na tila hindi maintindihan kung bakit manghang-mangha si Vice sa hawak nitong barya.

"Yang hawak mo! Totoong gold ba yan?" hindi makapaniwalang tugon ni Vice. Ngayon nalang ulit kasi siya nakakita ng tunay na ginto. Napatingin naman siya sa paligid dahil baka may masamang loob na biglang magka-interes nito.

"Wala namang hindi tunay at hindi totoo galing sa aming mundo. At kung tutuusin, mayroon rin naman kayong mga barya tulad nito noong mga sinaunang panahon. Kung hindi lang sana mapang-abuso ang ibang mga tao, mayroon pa rin sana kayo nito hanggang ngayon," mapangaral na sagot ni sang'gre Alena at ipinakita kay Vice ang iba pang mga baryang nasa kanyang bulsa.

Nanlaki naman ang mga mata ni Vice at mabilis na ipinatago kay Alena ang mga gintong hawak nito. "Itago mo nga yan. Kaloka ka, kamahalan. Ang dami mo palang pera diyan pero kung may mga lakad tayo, ako ang pinapabayad mo."

"Bakit naman ako magbabayad, eh hindi mo naman ako sinisingil?" banat ni Alena sa hindi makapaniwala at nakahalukipkip na si Vice.

"Aba, malay ko bang meron ka palang tinatagong kayamanan," kunwaring naiinis na giit ni Vice at nahuli ang palihim na pagngiti ng sang'gre. "Pangiti-ngiti ka pa diyan. Itulak kita diyan e."

Bigla namang nawala ang ngiti ni Alena at taas kilay niyang hinarap si Vice, "Joke lang, kamahalan. Ito naman hindi mabiro-biro. Tara na nga, ano ba kasing laro yan?" mabilis na pagbawi ng huli sa kanyang sinabi at impit na napangiti.

"Naniniwala ka ba sa konsepto ng pagkakataon?" biglang seryosong tanong ni Alena at muling hinarap kay Vice ang gintong baryang hawak niya.

"Sa chance?" kunot noong paglilinaw ng huli na hindi pa rin maintindihan kung anong klaseng laro ang kanilang lalaruin. Tumango lang naman si Alena bilang sagot. "Okay sige. Sabihin na nating naniniwala nga ako sa ideya ng pagkakataon. Ano namang connect non sa naisipan mong laro?"

Napangiti naman ng kaunti si Alena at diretsong tinignan si Vice sa mga mata. "Dahil nakadepende sa pagkakataon ang ating magiging laro. At sa pamamagitan ng baryang ito, malalaman natin kung sino ang mananalo at kung sino ang matatalo."

Ang Mahiwagang PusoWhere stories live. Discover now