Kuwento ng tulang 'tinula ng isang manunula
Na sa aki'y nagmahal, naglimbag ng salita.
Ako ang papel na durungisan man ng luha,
Mag-aalay ng katawan, may maitatak lang sa madla.
Mananatiling tulay ng mga pipi; puntod ng patay na diwa.
O, buhay na wari'y palaruan, kabagay ko ang papel— lulutang kahit saan!
Lipolin man ng malalakas na agos ang aking balat,
Mga naiwang punit t'yak may bakas na isisiwalat.
Patutuyuin sa sampayan na may araw na sumisikat
At doon maghahayag na pagsinta ng Ama sa aki'y sapat.
Patutunayang kahit magaan, hindi hahayaang sa kanila'y magpabibigat,
O, buhay na wari'y palaruan, kabagay ko ang papel— lulutang kahit saan!
Kulay ng dagtum man ang tungo nang isalang sa apoy,
Budhing dalisay lulutang; 'di pagagapi sa nag-aalab na kumunoy.
Hahayaan ang sariling kanilang sunugin at managhoy,
Sa aking abo, huling alaala kasama ako'y sa libing isasaboy.
Sa garapong masikip, laro ay ipagpapatuloy,
O, buhay na wari'y palaruan, kabagay ko ang papel— lulutang kahit saan!
Kung magtapos man ang laro kahit na mapanakit,
Hahayaan ko ang sariling tangayin ng hangin sa malapit
Na silid-aklatan at doon magpupumilit.
Sisikaping basahin ng iba ang kwento
kong naipit
Sa aklat na binuo ng bawat karanasang mapait.
O, buhay na wari'y palaruan, kabagay ko ang papel— lulutang kahit saan!