"Pero paano kung bilang tao?" tanong ni Vice dahilan para kunot-noo siyang nilingon ni Alena at muling nagtapat ang kanilang mga mata. "Paano kung mabibigyan ka ng pagkakataon na maging katulad namin at maranasan ang magkaroon ng pamilya. Mabibigyan mo ba ako ng sagot?"
















Nanatiling nakatulala si Alena sa puting pader ng ospital habang nababalot ng mantsa ng dugo ang kanyang damit at mga kamay. Bahagyang magulo at maingay ang buong ospital dahil doon rin isinugod ang iba pang nasaktan sa nangyaring hostage taking. Mag-iisang oras na rin siyang nakaupo sa labas ng emergency room habang paulit-ulit na bumabalik sa kanya ang mga pangyayari kanina.

Ilang sandali lamang ay nagmamadaling dumating si Anne. Bakas sa mukha nito ang pagkataranta at maging siya ay hindi makapaniwala sa mga naging tagpo. "Mahal na sang'gre," pagtawag niya kay Alena at napatakip na lamang siya ng bibig nang makita ang sitwasyon nito. Agad niyang pinasuot kay Alena ang suot niyang jacket at tinabihan ito sa upuan.

"A-Ano pong nangyari? N-Nasaan si Vice?" kinakabahan niyang tanong sa halos hindi makapagsalita na si Alena.

"Mag-iisang oras na siya sa loob," tila wala sa sariling sagot ng sang'gre. "Tinatanggal raw ngayon ng mga doktor ang bala na tumama malapit sa kanyang puso." Hindi naman mapigilan ni Anne ang mapaiyak dahil sa kanyang narinig. Mabilis siyang tumayo at naglakad sa tapat ng emergency room na para bang hindi na mapakali sa kanyang nalaman.

Ramdam naman ni Alena ang matinding kaba ni Anne para sa kanyang kaibigan. Kahit hindi niya ito tignan ay batid niya ang labis na pag-aalala nito.

"Patawad dahil hindi ko siya nagawang iligtas sa kapahamakan," nakatulalang giit ni Alena dahilan para tignan siya ni Anne. Ito ang unang beses na narinig nito ang sang'gre na humingi ng tawad.

"Wag po kayong humingi ng tawad dahil wala naman kayong kasalanan sa mga nangyari. It was all unexpected, kaya wala po tayong dapat sisihin," pagpapaliwanag ni Anne at muling tinabihan si Alena upang gumaan rin ang loob nito.

"Wala sana sa alanganin ang buhay niya ngayon kung nagawa ko lamang siyang iligtas," pagpapatuloy ni Alena habang nakatulala pa rin sa puting pader. "Ninais ko siyang pagalingin ngunit hindi ko nagawa dahil hindi ko na rin batid ang nangyayari sa aking sarili," dagdag nito at muling bumalik sa kanya ang ilan sa mga nangyari kanina.

Umaalingasaw sa buong paligid ang malakas na tunog ng sirena ng mga pulis at ng mga iilang ambulansiya. Nagkakagulo ang lahat sa loob at labas ng hotel dahil nahuli na ang labing-apat na armadong lalaki habang may iba pang nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad. Ilang minuto lang ang nakalipas ay nagsidatingan na rin ang mga taga-media sabay ang pamilya ng mga na-hostage upang alamin ang buong pangyayari.

Sa loob ng isang nagmamadaling ambulansiya patungo sa ospital ay hindi matigil-tigil ang pag-iyak ni Alena. Mahigpit niyang hawak ang kamay ni Vice habang pilit na pinipigilan ng nurse ang pagdanak ng dugo nito. "Kailangan mong mabuhay, naiintindihan mo ba yon? Kaya parang awa mo na, lumaban ka." Sa pagkakataong iyon ay hindi alam ni Alena ang kanyang gagawin. Kanina pa niya ipinipikit ang kanyang mga mata at hinahawakan ng mahigpit ang kamay ni Vice ngunit walang nangyayari.

Kahit anong gawin niya ay tila hindi gumagaling si Vice. Unti-unti na rin siyang nanghihina dulot ng hindi maipaliwanag na dahilan. Bigla siyang napahawak sa kanyang puso nang maramdaman ang matinding pagkirot nito dahil sa paggamit niya ng kanyang kapangyarihan.

Ang Mahiwagang PusoKde žijí příběhy. Začni objevovat