"Kalesi!" Nagdalawang-isip pang humakbang si Marcelino sa direksyon ng dalaga, sa halip, ay tumalikod na lamang ito para lamang makita ang mata ng guardia'y nakatuon din sa binibini.

"Hoy! Labas! Labas!" tulak nito palabas ng silid sa guardia. Sinipa niya pa rin dahil sa pagkataranta bago isinara ang pinto. 

Nanatili itong nakaharap sa pinto't nakatalikod sa binibini. Idinikit nito ang kaniyang noo sa kahoy na pinto saka parang sirang-plakang inulit sa sarili: 'Kalma lang, kalma lang. Kaya mo 'yan, kaya mo 'yan— tangina, hindi mo kaya!'

"Esraela!" bulyaw nitong umalingawngaw sa buong mansyon pagkabukas na pagkabukas nito ng pinto.

Sa paghihintay sa pagdating ng dalagitang tagapagsilbi, minabuti na lamang nitong maghintay sa labas ng silid, iniiwang mag-isa ang dalaga sa loob. Nakahinga ito ng maluwag sa labas ng silid na iyon.

Matapos ang ilang segundo, magkanda-dapa-dapa pang umakyat si Esraela sa kahoy na hagdan saka kumaripas ng takbo patungo sa direksiyon ng señorito nitong tulala. "Señorito, pasensiya na ho! Inutusan ho kasi ako ng mayordomang— ayos lang ho ba kayo, señorito? Namumutla ho kayo." Napatigil ito sa pagsasalita nang mapansin ang tila kamatis na mukha't tainga ng amo nito.

Naging sanhi ito ng paghawak nito sa sariling mukha ng señorito ngunit kalauna'y ibinalik ang tuwid nitong postura sa tapat ng mga nasasakupan. "Ayos lang ako. Sige na, pumasok ka na sa loob." pinagbuksan pa niya ng pinto ang dalagita na siyang ikinagulat nito ngunit hindi na kinuwestiyon dahil bihira lamang maging ganito ang kaniyang señorito.

Muli napahinga ng maluwag si Marcelino na parang nabunutan ng tinik habang taliwas naman ang reaksiyon ni Esraela sa loob. Hindi nito mapigilan ang kaniyang pagngiti nang makita ang sitwasyon ng kaniyang pinagsisilbihang binibini na hula niya'y sanhi't dahilan ng pamumula ng buong mukha ng kaniyang pinagsisilbihang señorito. 

Ngunit parang walang kamalay-malay ang dalagang nakaupo sa kama ng silid, at parang may iniinda pa itong kirot sa katawan at ulo. Minabuti na lamang ni Esraela batiin sa pinakakalmadong paraan ang binibini: sa pamamagitan ng isang yakap.

"Akala ko ho'y mawawalan na ako ng kaibigan, binibini!" maingat nitong yakap sa binibini, karamihan ng bigat at brasong inilapat nito ay sa kanang balikat ni Kalesi nito inilaan. "Lalo na ho noong marinig ko ang natamo ninyo!"

"Magandang araw rin, Esraela," hagikhik nito na sinundan ng kunot ng noo. "Saka, natamo? Natamo saan?" Humiwalay ito sa yakap ng dalagitang tagapagsilbi na umupo sa kama nito.

"Hindi niyo ho naaalala?" kunot-noong balik na tanong ni Esraela sa kaniya. Nang hindi ito makatanggap ng kahit anong tugon mula sa binibini na tiningnan lamang siya ng nagtataka, nagpakawala ito ng buntong-hininga saka nagsalita. "Sabagay, ilang oras din ang tinagal ng paghahanap sa inyo. Siguro'y labis kayong natakot habang nasa gitna ng apoy. Hindi na rin nakakapagtakang nakalimutan niyo rin ang ibang nangyari dahil sa usok na nalanghap niyo," dugtong pa nito habang nakatingin kay Kalesing hindi pa rin nabubura ang pagtataka sa mukha nito. 

"Naipit ho kayo sa gusali ni señora Rogelia, binibini. Naalala niyo ho ba? Sumiklab ang apoy sa gusali, nailigtas niyo pa raw si binibnining Catalina ngunit naiwan kayo sa loob," sa sinaad ni Esraela, unti-unting bumalik kay Kalesi ang alaala niyang nasa gitna ng mga nagliliyab na apoy- sumusuko na sa buhay na may ngiti pa sa labi na animo'y biro.

"Kung kaya't..." idinuro ni Esraela ang balikat ng dalaga na kaagad nitong nilingon.

Nanlaki ang mata nito at napayakap sa sarili nang makita ang hubad nitong balikat. Inangat pa nito ang kumot na bumabalot sa kaniyang katawan at ipinatong nito sa kaniyang dibdib. Ang tanging pumoprotekta lamang sa kaniyang maselang na katawan ay isang makapal na bendang ilang beses na pumaikot sa mismong dibdib, umaakyat sa kaliwang balikat nito.

PrequelaWhere stories live. Discover now