Chapter 14 - You Will Never Be Forgotten

1.1K 37 4
                                    

YOU WILL NEVER BE FORGOTTEN

     A million days could pass us by  ♫

     But what is time but just a dream

     Oh I still feel you here with me

     You’re more than a memory

♫  Oh you will never be forgotten

                          (Jessica Andrews)

Maliwanag ang sikat ng araw sa labas ng bahay nang idilat ko ang mga mata ko. Nanibago ako dahil hindi na ako nasisilaw sa liwanag, hindi na ako nahihilo, at hindi na masakit ang ulo ko. Ang tanging nararamdaman ko na lang ay ang kabigatan ng katawan ko.

Napansin ko rin, iba na ang suot ko. Wala na ang makapal na sweater. Ordinaryong sweater na ang nakasuot sa akin.

Pinawisan ba ako habang tulog ako? Binihisan ba nila ako?

"Kumusta ang pakiramdam mo, Bespren?" narinig ko.

Si Jules. Nakaupo siya sa gilid ng kama malapit sa akin.

Hindi muna ako sumagot. Sinubukan kong bumangon. Gusto kong malaman kung talagang okey na ako.

Agad siyang umalalay sa akin. "Huwag ka munang kumilos," saway niya sa akin. "Kahuhupa lang ng lagnat mo."

Naisip ko, talagang inaalagaan niya ako.

Pero sa loob-loob ko, okey na talaga ako. Mabigat man ang katawan ko, wala na akong nararamdamang senyales ng sakit. "Kaya ko na, Bespren," sagot ko.

Dahil siguro sa pagpipilit ko, hindi na siya kumontra. Tinulungan niya na lang akong umupo at sumandal sa headboard ng kama. "Dahan-dahan lang, Bespren," sabi pa niya. "Baka mabinat ka."

Naalala ko ang panaginip ko. Napakagandang panaginip noon. Nakausap ko si Tatay. Nakausap ko si Mayreen. Higit sa lahat, nakausap ko Siya...

Magiging okey na ang lahat...

Kuya, kayo ni Ate Jules ang itinakda. Maganda ang magiging kinabukasan nyo bilang mag-asawa. Kapiling siya, mabubuo ang pangarap mong magkaroon ng pamilya, ng isang masayang pamilya... 

Napatitig ako kay Jules.

Nakatingin lang siya sa akin. Bakas sa mga mata niya ang pag-aalala. Ramdam na ramdam ko, mahal na mahal niya ako.

Ang ganda niya pa rin, sabi ko sa sarili ko. Hindi pa rin nawawala ang napakagandang kabuuan ng pagkatao niya.

Kami nga kaya ang itinakda? Pero bakit kailangan pang magkahiwalay kami?

Sana hindi na lang. Sana natupad na lang ang mga pangarap namin dati.

At papano si Jenna? Kaya ko ba siyang mahalin gaya ng pagmamahal ng isang tunay na ama?

Napangiti ako sa sarili ko. Oo...

"Bespren, hindi ka ba nagugutom?" biglang tanong ni Jules sa akin.

Napatingin ako sa tiyan ko. Noon ko lang naramdaman ang pagkulu-kulo noon. "Nagugutom na nga yata ako," sagot ko.

Agad siyang tumayo. "Sandali lang ha. Ikukuha kita ng pagkain."

"Huwag na," pagpigil ko sa kanya. "Bababa na lang ako."

"Ha?" gulat niyang tanong. "Baka mabinat ka kung babangon ka. Dadalhan na lang kita ng pagkain."

Simple HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon