Chapter 6 - I Can't Seem To Make You Mine

1.2K 29 2
                                    

I CAN'T SEEM TO MAKE YOU MINE

      I can't seem to make you make   ♫

      through the long and lonely night

♫   and I try so hard...

                                              (Clientele)

August 1, 2005. Alas singko noon nang hapon. Nagbibiyahe ako papunta sa Batangas. Mag-isa ako noon sa sasakyan.

Nagkasundo kasi ang barkada na magdaos ng reunion. Ang rest house ni Robert sa Batangas ang napili nilang lugar. Itineks ni Robert sa akin ang tungkol sa reunion, pero alam ko, hindi nila inaasahan na pupunta ako.

Naisip ko, bakit nga ba ako pupunta? Noong ma-receive ko yung text ni Robert kahapon, wala talaga akong balak. Mas gusto ko pang doon na lang ako sa condo, tahimik, nakakapag-isip ako.

Kuya, mga kaibigan mo sila. Makipagbati ka na sa kanila. Kung gusto mo, sasamahan kita...

Kung hindi lang ako kinukulit ng ala-alang iyon ni Mayreen, hindi talaga ako pupunta.

"Kasama ba kita ngayon, Mayreen?" bulong ko.

Sasama na ko lagi sa yo, Kuya. Sabi kasi ni Ate Vanessa, baka daw maagaw ka pa sa kin kung di ako sasama lagi sa yo...

Napangiti ako. Pero naramdaman ko na naman ang pangungulila ko sa kanya. "Mahal na mahal kita, Mayreen..."

Mahal na mahal din kita, Kuya...

Alas siyete na nang gabi nang makarating ako sa rest house. Kabisado ko naman ang lugar, kaya kahit gabi ay hindi ako nahirapan. Sa totoo lang, ako ang unang nakabili ng rest house na iyon. Ibinenta ko lang kay Robert bilang bahagi na rin ng negosyo ko. Kahit gustung-gusto ko iyon, naisip ko kasi na hindi ko naman kailangan ng isang rest house sa Batangas.

"Mike?!" gulat na bati sa akin ni Randy nang bumaba ako mula sa sasakyan.

Nandoon silang lahat at nakaabang sa may pinto ng bahay. Kumpleto sila. Sina Robert, Elaine, Randy, Sharon, Tony, Shy, at Jules. Halata rin na gulat na gulat sila at nandoon ako.

"Ikaw ba talaga yan, Pare?" pabirong tanong ni Tony.

"Pare, anong nakain mo?" hirit naman ni Robert.

Natawa na lang ako sa mga biro nila.

Sinalubong nila ako pinagkaguluhan. Lahat sila ay yumakap sa akin. Parang miss na miss nila ako. Sa totoo lang, miss na miss ko rin sila.

Pinakahuling lumapit sa akin si Jules. Matamis ang ngiti niya. Bumeso-beso muna siya sa akin bago yumakap. "Thank you, Bespren, nagpunta ka," sabi niya.

Ramdam ko ang init ng yakap niya sa akin. Parang nagawa noong tanggalin ang lahat ng pagod ko. Parang nagawa noong pasiglahin ang nanlulumo kong katawan.

Kagaya noong dati, noong mga estudyante pa kami.

Noong kami pa.

Pero naisip ko, matagal na iyon. Iba na ngayon. Maraming taon na dumaan at marami na ang nagbago.

"Wala naman akong gagawin sa bahay," sagot ko na lang sa kanya. "Pumunta na lang ako dito."

"Uuuyyy!" narinig naming tukso ng mga kabarkada namin.

Simple HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon