FIND ME
♫ The skies are not as blue when you're not with me
The stars, they never seem to shine as bright
And the hours drag like days across the ages
And a year or two pass by with every night... ♫
(David Gates)
"Kuya..."
Napalingon ako sa nakababata kong kapatid na si Gelay nang tawagin niya ako. "Bakit?"
"Okey ka na ba talaga?" tanong niya, puno ng pag-aalala.
Tumango ako. "Oo. Okey na ko."
Nagbibiyahe kami noon mula Bulacan papunta sa airport. Ako ang nagmamaneho. Katabi ko siya sa harapan ng sasakyan. Pauwi na siya noon sa Amerika. Tapos na ang dalawang buwan na bakasyong ibinigay sa kanya ng kumpanyang pinapasukan niya. Higit pa doon, masyado nang matagal siyang nawalay sa pamilya niya.
"Sigurado ka, okey ka na, Kuya?" tanong niya ulit. Parang hindi siya naniniwala.
"Sigurado ako. Nakikita mo nga, nakakapag-drive na ko."
"Oo nga. Pero nag-aalala pa rin ako sa yo. Lalo na ngayon, balak mo nang bumalik sa Ortigas."
Umiling ako. "Huwag kang mag-alala. Kaya ko na."
"Para kasing hindi e. Parang ang bigat pa rin niyang dibdib mo kahit dalawang buwan nang nakalibing si Mayreen."
May kung anong sensasyon ang pumukaw sa dibdib ko nang marinig ko ang pangalan ni Mayreen. Kasabay noon ang isang sariwang ala-ala. Parang totoo. Buhay na buhay.
K-Kuya... M-Mahal na mahal kita... M-Maraming salamat...
Kasabay noon, parang bumalik ako sa mga pangyayari noong malagim na gabing iyon. Kalong-kalong ko ang duguang katawan ni Mayreen. Naghihingalo siya.
Pinilit kong pigilin ang sarili ko sa pag-iyak. Sa loob-loob ko, oo nga, dalawang buwan na. Pero naririnig ko pa rin siya. Buhay na buhay pa rin si Mayreen sa puso at isip ko.
"Huwag kang mag-alala, Gelay," sabi ko. "Tatayo na ko. Kailangan ko nang tumayo."
Hinawakan ako ni Gelay sa pisngi. Ubod iyon ng lambing. Kung hindi lang ako noon nagmamaneho, alam kong yayakapin niya ako. "Dalawang buwan lang kasi yung ibinigay na bakasyon sa akin. Hindi pa sana kita iiwan. Nag-aalala talaga ako sa yo, Kuya."
"Hindi naman ako mag-iisa," sagot ko. "Nandiyan naman sina Carlos at Vanessa. Hindi naman sila malayo sa tinitirhan ko."
Huminga siya nang malalim. "Kunsabagay. Pero Kuya, mag-promise ka, hindi ka gagawa ng hindi tama."
Muli akong umiling. "Hindi. Promise." Pero sa loob-loob ko, hindi ako sigurado.
Dalawang buwan na kasi mula nang patayin si Mayreen. Dalawang buwan na rin akong naghihintay sa progreso ng kaso.
"Mike, maghunusdili ka!" sabi sa akin ni Sir Monching. Isang linggo pa lang noon makaraan ang libing. "Hindi mo alam yang gusto mong gawin! Mamamatay ka doon kung nag-iisa ka!"
Nakapaligid sila noon sa akin. Sina Sir Monching, si Robert, ang ninong kong si General Tabuena, at ang anak niyang police officer na si Greg. Pinipigilan nila akong umalis.
BINABASA MO ANG
Simple Heart
RomanceWith his fiancee dead and his heart grieving, a long lost love from the past returns to help Mike heal his wounded heart. Is there still a place in his heart to rekindle their love?