The Thousand Year Life of Rupert by Ace Antipolo

24 3 0
                                    

Top 2 Winner

The Thousand Year Life of Rupert
Ace Antipolo

“Ang sumpa niya ay mabubuhay ako ng walang kamatayan, upang manatili akong mag-isa habang buhay, habang lahat ng mahal ko sa buhay ay wala na.”



Salamat. Efcharistó. Xièxiè. Arigatōgozaimashita. Je vous remercie. Gomabseubnida. Thank you. Isang ‘di matapos-tapos na salamat sa lahat ng naging bahagi ng aking paglalakbay patungo sa aking mga pangarap.

Sa aking pamilya, sa aking mga magulang na sina Vangie at Ricardo Laniba, at sa aking mga kapatid na sina Angelica, John Michael at Justin Laniba.

Sa aking mga kaibigan, sa aking mga readers na nakaka-appreciate ng aking mga kuwento.

Kay Jahric Lago na nagbigay sa akin ng pagkakataong ito.

At kay Bro. The one and only. Hindi ko mararating ang puntong ito kung hindi dahil sa inyo. Kaya muli, Salamat. #ThankYouForTheLove

Ace Antipolo



Nakatutok ang mga mata ni Jerica sa screen ng kanyang smartphone habang naglalakad sa gilid ng kalsada. Hindi maalis ang kanyang atensyon dito. Tila mayroon siyang hinahanap. Mayroon siyang inaabangan. Hanggang sa makarating siya sa tapat ng pintuan ng isang coffee shop. Natigilan siya at napangiti sa nakita sa screen ng kanyang cellphone.

“Shemay! May Pikachu sa loob!” Tili niya.

Kasalukuyan siyang naglalaro ng Pokemon Go sa kanyang cellphone ng umagang iyon. Araw ng Sabado. Wala siyang klase sa pinapasukan niyang senior high school. Dahil dito ay naisipan niyang gumala muna. At sa kanyang paglalakad-lakad ay naisipan niyang maglaro muna ng Pokemon Go sa kanyang smartphone.

Pumasok siya sa loob ng coffee shop, hawak ng kanyang dalawang kamay ang kanyang cellphone at nakatutok pa rin sa screen nito ang kanyang mga mata. Hindi niya pinagtutuunan ng pansin ang paligid niya. Basta, kailangan niyang mahuli ang Pokemon na lumitaw sa screen ng kanyang cellphone. Hindi niya puwedeng palampasin ang once-in-a-lifetime na pagkakataong iyon. Mala-life or death situation.

At dahil sa hindi nakatuon ang kanyang mga mata sa kanyang dinaraanan, hindi niya nakita ang isang silya na nakaharang sa kanyang harapan. Nagulat na lamang siya nang bigla siyang mapatid nito sa paa, dahilan upang mawalan siya ng balanse. Natabig niya ang nakapatong na plorera sa ibabaw ng isang mesa sa tabi ng silya kaya nalaglag iyon sa sahig at nabasag. Tuluyan na rin siyang natumba matapos iyon, padapa sa sahig.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang babagsak ang kanyang mukha sa nakausling bubog na mula sa nagkapira-pirasong plorera. Tila naubusan siya ng dugo habang dahan-dahang papalapit nang papalapit ang kanyang mata sa matulis na pitak ng basag na plorera sa sahig. Akala niya’y ikamamatay na niya iyon. Subalit nagulat siya nang biglang may maramdamang mga kamay na sumalo sa kanyang katawan. Isang kamay ang nakasalo sa kanyang tiyan at ang isa naman ay nasalo ang kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay tumigil ang oras nang mga sandaling iyon. Ilang pulgada na lamang kasi ang layo ng mukha niya mula sa bubog sa sahig. Napalingon siya at namula nang makita kung sino ang nakasalo sa kanya.

Isang binata ito, nakasuot ng khaki pants at puting polo. Medyo mahaba ang kulot nitong buhok. Medyo maputla ang kutis. May suot itong pendant na gawa sa pilak. Nagtama ang kanilang mga mata nang mga sandaling iyon. Doon napansin ni Jerica ang kulay brown nitong mga mata na pakiwari niya’y tumatagos sa kanyang kaluluwa.

Dahan-dahan siyang inalalayang makatayo ng lalaki. Matapos iyon ay agad niyang inayos ang kanyang nakusot na blouse at palda. Mahigpit pa rin ang kapit niya sa kanyang cellphone sa kanang kamay niya.

Jahric Lago Presents: Sweet Fantasy (Published under TBC Publications)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon