The Love Story of Fairy Godmother by Aubrey Paladan

24 4 0
                                    

The Love Story of Fairy Godmother
Aubrey Paladan

“I was born to grant the wishes of others, not to grant mine.”



Salamat kay Kuya Jahric Lago para sa pangalawang pagkakataong maisalibro ang akda ko sa tulong mo.

Salamat sa mga taong naniniwala sa kakayahan ko at walang sawang sumusuporta: sa mga kapwa manunulat, sa mga kaibigan at guro, sa mga magulang at kapatid ko... salamat.

At higit sa lahat, salamat sa Kaniyang may gawa ng lahat.

Nagpapasalamat rin ako sa iyong nagbabasa nito ngayon. Sana’y nakakuha ka ng aral at inspirasyon sa librong ito. God bless.

Aubrey Paladan



Bilog ang buwan. Walang maririnig na ingay bukod sa mga daldalan ng kuliglig sa madamong bahagi ng likod-bahay. Kasabay sa ingay na iyon ang mahihinang hikbi na hindi mo mawari kung saan nanggaling. Naaaninag sa mukha ni Cindy ang kalungkutan kasama ang kumikinang niyang mga luha habang nakatitig sa liwanag na ibinibigay ng buwan. Hindi kasi siya nakadalo sa pagdiriwang na kasalukuyang ginaganap sa palasyo kung saan lahat ng kababaihan sa kanilang lugar ay imbitado. Hindi kasi siya pinayagan ng kaniyang madrasta.

“Bakit ka umiiyak?”

Lumingon-lingon si Cindy sa paligid nang makarinig ng tinig ng isang babae. Babaliwalain na sana niya ito dahil ayaw niyang takutin ang kanyang sarili, nang biglang naglabas nang nakasisilaw na liwanag ang buwan na siyang kumuha ng atensyon niya para titigan ito. Nagagandahan siya. Napakaganda ng buwan.

Mula sa bilog na hugis ng buwan, unti-unti itong lumiliit at bumababa sa kaniyang harapan. Napasinghap si Cindy nang mula sa langit ay biglang bumaba ang isang babaeng may balat na kasing puti ng buwan, may abong mata at buhok, at may suot na magarbo at kumikintab na puting damit na sumasayad pa sa lupa.

“Prinsesa ng Buwan?!? Fairy Godmother?!?” Masayang sigaw ni Cindy, inaalala ang kuwento ni Cinderella sa librong nabasa niya.

Humagikgik sa tawa ang magandang babae dahil sa excitement na nakita niya kay Cindy. “Ako nga ang iyong Fairy Godmother at ang protektor ng buwan kaya puwede mo na rin akong tawaging Prinsesa ng Buwan.” Sambit niya.

“Fairy Godmother? Eh, bakit ang bat among tignan? Halos magka-edad lang tayo. Ang ganda-ganda mo pa.” Sabi ni Cindy na hindi pa rin makapaniwala sa kanyang nakikita.

“Hindi porke “Godmother” matanda na. Okay?” Napangiti siya, “pero salamat sa iyong papuri.”

“Ang saya ko naman! Meron na akong Fairy Godmother!”

“Tama. Pero kaunting oras na lamang ang natitira upang makadalo ka sa pagdiriwang sa kaharian ni Prinsipe Tristan.” Pumitik lamang sa hangin ang Fairy Godmother at nagkaroon na ng marangyang karwaheng may kasamang magagandang kabayo at dalawang taga-maneho. Kasama na rin sa mahikang iyon ang pagkakabihis ni Cindy ng pangmayamang damit at sapatos.

“Bilis! Magpunta ka na sa palasyo.” Utos ni Fairy Godmother.

Sumunod naman si Cindy rito. Nang makarating sa palasyo ay nagsisimula na ang sayawan ngunit nakaupo pa ang prinsipe sa kaniyang trono. Naglakad siya papunta sa gitna at parang bumagal ang paligid nang tumayo si Prinsipe Tristan, nakatingin at papunta sa puwesto niya. Tumigil siya sa paglalakad at hinayaang lapitan siya ng prinsipeng kanyang pinapangarap. Ilang hakbang pa at mararating na ng Prinsipe ang kanyang puwesto. Naiiyak siya. Ito na ba?

Pero nasira ang kaligayahan niya nang lampasan siya ng Prinsipe. Tumaas pa ang kilay niya at tumalikod para lang sundan ng tingin kung saan papunta ang prinsipeng nagpaasa sa kanya. Mas lalo niyang ikinagulat nang makitang nakalahad ang kamay ni Prinsipe Tristan para alukin ng sayaw si Fairy Godmother. “Hindi ito puwede!” sabi ng kaniyang utak. Hindi puwedeng ang Prinsipe at ang Fairy Godmother ko ang magkatuluyan at magkaroon ng happy ending. Hindi ganoon ang nasa libro.

Jahric Lago Presents: Sweet Fantasy (Published under TBC Publications)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon