Vol. 1 Chapter 7

109 10 70
                                    

Matapos makapamili mula sa malawak na koleksyon ng mga libro sa personal na silid-aklatan ng mansyon ni Elinor. Ipinatong ni Hazel sa isang lamesa ang tatlong makakapal na libro patungkol sa ekonomiya, mga ekonomista, at pamumuhay sa makabagong panahon. Tinapik niya ang patung-patong na mga libro habang tinititigan ang mga ekonomistang tahimik na nakaupo sa isang sulok ng silid-aklatan.

"Lumapit kayo dito at tahimik ninyong basahin at pag-aralan ang mga librong ito." Ang utos ni Hazel kay Jean. Mabilis namang sinunod ni Jean ang utos ni Hazel.

"Adam at John samahan niyo na muna si Jean. Magbasa na rin kayo ng mga libro, makakatulong ito sa inyo para maintindihan ang mga nangyayari ngayon sa panahong ito." Ang utos din ni Hazel sa dalawa.

Sinunod naman nila ang utos ni Hazel. Iniabot sa kanila ni Hazel ang tig-isang libro na kasama sa napili niya kanina. Umupo sina Adam at John sa tabi ni Jean pero walang naganap na kwentuhan sa pagitan nila. Lahat sila ay abala sa pagbabasa ng mga makakapal na librong kanilang hawak-hawak.

Makatulog na nga muna... ang biglang pumasok sa isipan ni Hazel dahil sa pagkabagot.

Naputol ang pag-idlip ni Hazel nang biglang narinig niyang nag-aaway sina Adam at John sa tabi ni Jean na walang pakielam sa nangyayari. Napahawak na lang sa kanyang noo si Hazel.

"Keynes! Keynes! Keynes! Puro na lamang Keynes ang pinupuri ng librong ito!" Ang malakas na pagkakasabi ni Adam na isinara nang malakas ang librong kanyang binabasa.

"Tanggapin mo na kasi Adam, nahigitan na kita." Ang nakangiti pa na pang-aasar ni John kay Adam. "Oo nga pala mas matanda ka pala sakin lolo Adam hahaha!"

Nagsisisi si Hazel na ibinigay na niya sa dalawa ang mga libro. Naisip niyang dapat ipinagpabukas niya na lamang ang bagay na iyon kapag nakauwi na si Elinor. Nilapitan ni Hazel ang dalawa at binulungan sila. "Kung hindi kayo tatahimik, sasabihin ko kay Eli na nag-away na naman kayo at baka patahimikin niya kayo ng habang buhay."

Walang nagawa sina Adam at John kundi ang tumahimik dahil sa kanilang narinig. Alam nila kung gaaano nakakatakot si Elinor kapag nagagalit. Sa tuwing naaalala nila ang mga nanlilisik na mata ni Elinor na kung tumitig ay tila handa silang patayin at ang kanyang nakapanlolokong ngiti, tumataas ang kanilang mga balahibo.

"Pagpasensyahan mo na ang mga alaga ko."

Napatingin silang lahat sa kararating lang na si Elinor. Takot ang nanaig sa puso ni Adam na nangangambang baka inabutan ni Elinor ang pag-aaway nila. Hindi mawari ni Adam kung bakit niya nagawang kalimutan ang kasunduan nila ni Elinor. Paano niya nakalimutan ang mga nakakapatindig-balahibong titig ni Elinor at ang napakalamig na emosyong nanggagaling sa bawat salita ni Elinor noong mga panahong iyon. Kung hindi nangako si Adam kay Elinor, hindi na makakakita pa ng liwanag ang kanyang mga mata ngayon.

"Kamusta ang iyong inasikaso?" tanong ni Hazel.

"Kinausap ko si Plato."

Makailang beses inisip ni Adam ang pangalan na binanggit ni Elinor. Hindi niya maisip-isip kung kaninong pangalan nga ba iyon. Hanggang sa tuluyan nang nagbalik sa kanyang isipan kung sino nga ba ang nagmamay-ari ng pangalang iyon.

"Pinuntahan mo siya nang mag-isa!" sigaw niya. "Ano ang tingin mo sa amin mga palamuti sa mansyon mo!"

Sang-ayon si John sa mga sinabi ni Adam ngunit may kung ano siyang naramdaman sa awra ni Elinor. Hindi man umimik si Elinor sa sinabi ni Adam ngunit tila ba mayroong kung ano sa loob ni Elinor na pinipigilan niya lang lumabas.

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon