Vol. 2 Chapter 14

10 1 5
                                    

Manila, Philippines

"John! Umayos ka nga!" ang sigaw ni Hazel sa tulalang John. "Nasaan na 'yung mayabang na naglantad ng mga plano ko kay Elinor ha!"

Tumayo si Jean at pagkatapos ay pumunta sa mismong harapan ni John para gisingin ang diwa nito. "Tama si Hazel sa unang pagkakataon."

"Naiintindihan ko na nag-aalala kayo pero hindi basta-bastang tao si Joan," ang sagot ni John na sa wakas ay nagsalita na.

"Ipaliwanag mo kaya nang diretso para hindi kami nangangapa sa iyong mga sinasabi!" ang sabi ni Hazel.

Tinapik ni Jean ang likod ni John at ngumiti. "Magtiwala ka sa akin, kahit kay Hazel hindi."

Sinamaan ng tingin ni Hazel ang dalawang ekonomista na tila pinagkakaisahan siya.

"Bahala nga kayong dalawa!Wala naman talaga akong pake sa pagpapakabayaning gusto ninyong mangyari. Ang kailangan ko lang naman ay ang gantimpalang makukuha ng mananalong pinuno ng Oeconomica."

"Alam kong wala kaming aasahan mula sa iyo," sagot ni John.

May narinig silang katok mula sa pinto sa harapan. Natigil ang kanilang pag-uusap at nagtinginan. Itinuro ni Hazel ang kanyang daliri para utusan si Jean na walang angal naman niya namang sinunod.

Malakas na kumabog ang dibdib ni John matapos makita ang isang pamilyar na mukha. May hawak itong sobre na iniabot kay Jean.

"Jean, lumayo ka sa kanya!" hiyaw ni John sabay takbo sa pinto. "Siya ang Ekonomista ni Joan!"

Pumagitna si John sa dalawa para salagin ang anumang aksyon ng kanilang bisita na maaaring makapanakit kay Jean.

Walang kaemo-emosyong sumagot ang lalaki. "Ang pangalan ko ay Richard. Nandito ako upang iabot lamang ang imbitasyon na ipinabibigay ni Joan para sa inyo."

Kinuha ni John mula kay Jean ang hawak nitong sobre. Matapos makita ang nilalaman nito, napagtanto ni John na totoo ngang isa iyong imbitasyon ngunit hindi niya maiwasang magduda na isa itong patibong.

"Hindi ko na hihintayin ang inyong sagot. Magpunta na lamang kayo kung gusto niyo," pagkatapos sabihin iyon ni Richard ay nagsimula na siyang maglakad palayo.

"Ako na lang ang pupunta," ang mungkahi ni John sa dalawa nina Hazel at Jean. "Masyadong delikado para pumunta tayong lahat. Ingatan ninyo ang pananda ni Jean at ang pluma mula kay Aristotle."

"Ayos lamang sa akin para kapag napahamak ka e'di mas madali. Mababawasan ang karibal ko sa Oeconomica," sagot ni Hazel na ngiting asong nakapamewang.

Sa kabila ng mga sinabi ni Hazel nananatili pa ring nangangamba si Jean para sa puwedeng mangyari kay John. "Ayaw mo ba talagang samahan kita?"

"Mas maiging bantayan mo ang amo mo at siguraduhing walang gagawing masama iyan," biro ni John para mapanatag ang kalooban ni Jean. Bagama't bahagya lamang at sandali lamang, ay nakita ni John ang pagngiti ni Jean sa kanyang sinabi.

Tinapik ni John ang likuran ni Jean. "Huwag kang mag-alala sa akin. Kilala ko si Joan higit pa sa inaakala ninyo. Dati kaming magkaibigan."

"Kung ganoon wala akong ibang magagawa kundi sundin ang bilin mo na bantayan si Hazel," biro ni Jean.

KINAGABIHAN, noon ding araw na  iyon, nagtungong mag-isa si John sa lokasyong nakasaad sa imbestigasyon. Nadatnan niya roon ang isang en'grandeng pagpupulong na dinaluhan ng maraming kilalang pulitiko at personalidad.

Nakita niya sa hindi kalayuan si Richard na sinenyasan naman siya upang sumunod. Inihatid ni Richard si John sa nakahandang mesa para sa kanya lamang talaga.

"Anong pakulo ba ito ni Joan?"

"Makinig ka na lamang. Hindi ako inutusan ni Joan para sagutin ang mga tanong mo," sagot ni Richard.

Lumabas sa entablado si Joan na nakasuot ng itim na bestida, kasama niya ang Presidente.

"Natutuwa akong naririto kayo ngayon sa kadahilanang mayroong espesyal na iaanunsyo ang ating mahal na Presidente," ang sabi ng tagapagsalita. "Narito rin ang kinatawan ng Tsina na makakasama natin sa mahalagang okasyon na ito."

Nagpalakpakan ang lahat ng mga dumalo maliban kay John na seryosong nakatitig kay Joan. Napansin ito ni Joan at nagkipagtitigan. Nakuha pa niyang ngumiti at kumaway kay John na tila kumakaway para sa lahat ng mga taong naroroon.

Nagtungo si Joan sa podium pagkatapos magbigay ng panimulang pagbati ang Presidente.

"Ikinagagalak ko maimbitahan dito ng inyong mahal na Presidente para sa isang napakahalagang kasunduan na lalagdaan namin ngayon na may layuning para sa ikabubuti ng mga mamamayan," ang sabi ni Joan. "Ang pagkakaroon ng Visiting Forces Agreement na lalong magpapatibay sa samahan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Makakaasa kayo na sa oras ng krisis, handang tulungan ng Tsina ang Pilipinas."

Nginitian ni Joan si John na hindi maipinta ang mukha. Alam ni John na ang pagpasok ng militar ng Tsina sa Pilipinas ay maaaring magdulot ng sigalot sa pagitan ng Amerika at Pilipinas. Bukod pa rito hindi sila nakakasigurado sa pakay ni Joan at kung bakit tinutulungan niya ang Tsina na makipag-alyansa sa Pilipinas.

Nang matapos ang pagpupulong minabuti ni John na komprontahin si Joan na makikitang pababa na nang entablado.

Nagkatinginan sila nang matagal ngunit bago pa man makapagsalita si John ay hinigit siya ni Richard at dinala sa likod ng  entablado. Nagpaalam lamang sandali si Joan da mga panauhin at sska sumunod kayna Richard at John.

Naupo si Joan sa upuan habang sapilitang pinaupo ni Richard si John sa katapat na upuan nito.

"I'll be direct to the point," ang sabi ni Joan sabay ngisi kay John. "Mayroon akong iaalok sa iyo na sigurado akong mahihirapan kang tanggihan."

"Hindi ako interisado sa mga patibong mo!" sagot kaagad ni John na walang pag-aalinlangan. Tatayo na sana siya ngunit pinigilan siya ni Richard at itinulak muli paupo sa upuan si John.

"Pakinggan mo muna ako, John. Parang hindi tayo naging magkaibigan," ang sabi ni Joan.

Nanlaki ang mata ni John. "Ang ibig mo bang sabihin ay naaalala mo ang buhay mo dati?"

"Oo mahal kong kaibigan, Baron John Maynard Keynes." Ngumisi si Joan at itinuon ang kanyang siko sa mesa habang ang kanyang kamay ay nasa kanyang baba. "Matutulungan kita para mabawi mo ang katawan ng mahal mong asawa."

Naglabas si Joan ng isang litrato ni Elinor. "Matagal ko na minamanmanan ang bawat kilos ni Elinor Ostrom dahil nakita ko agad ang pagkakahawig nila ng asawa mong si Lydia."

Tumingin si Joan diretso sa mga mata ni John. "Mukhang interisado ka na ngayon kumpara kanina, Mr. Keynes."

"Ano ang kapalit ng inaalok mo sa akin?" tugon ni John.

"Simple lang . . ." Ngumisi si Joan kay John. "Gusto kong labanan mo si Adam Smith. Susuportahan kita bilang ganti sa tulong mo sa akin dati noong ikinulong ako ng kaibigan nating si Migs sa loob ng pantasya niya."

Matapos marinig ang mga sinabi ni Joan, pakiramdam ni John ay nagbalik siya sa dati niyang sarili, noong mga panahong magkakaibigan pa sila.

"Mapagkakatiwalaan ba kita sa mga sinasabi mo?" ang sabi ni John.

Nangangako ako. May alam akong paraan para makabalik ang diwa ni Lydia sa kanyang sariling katawan," sagot ni Joan.

Napakuyom ang mga kamao ni John at tila ay nadadala na sa matamis na pangako ni Joan sa kanya. Ngunit hindi matanggal ni John sa kanyang isipan kung paano pinatay ni Joan at Richard si Philip, si Jean at lalong-lalo na si Elinor sa pinanggalingan niyang hinaharap.

"Pag-iisipan ko muna nang mabuti," ang naging huling sagot ni John.

"Kung ganoon sige." Ngumising muli si Joan. " Hihintayin ko ang iyong matamis na oo."

OeconomicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon