Vol. 1 Chapter 1

418 19 86
                                    

Sa taong 1790, sa maulan na buwan ng Hulyo. . .

Malakas ang buhos ng malalaking patak ng ulan na may kasamang nakabibinging dagundong ng kulog at nakakasilaw na matatalim na mga kidlat. Hindi na makita sa bintana ang kapaligiran dahil sa lakas ng ulan na nagkukubli dito.

"Hindi ito maaari! Marami pa akong nais tapusin! Marami pa akong kailangan gawin!" Ito ang mga katagang paulit-ulit na binibigkas ng isa sa pinakakilalang tao sa bayan ng Kirkcaldy sa Scotland.

Mag-isa niyang iniinda ang nararamdamang sakit habang nakahiga siya sa malapad niyang kama sa loob ng kanyang silid. Panay ang pagpapawis ng kanyang buong katawan dahil sa hirap na kanyang nararanasan. Mamaya-maya pa ay tumigil na ang pagdaing ng nasabing lalaki kasabay ng pagbagsak ng tuyong talulot ng kulay kahel na tiger lily sa ibabaw ng lamesita.

Nakapikit na ang kanyang mga mata na tila ba isang batang nananaginip, isang masamang panaginip.

"Nabalitaan niyo na ba? Patay na daw siya." Ito ang usap-usapang kumakalat sa bayan ng Kirkcaldy. Nagpapalipat-lipat ito sa mga dila ng taong bayan pati ng mga dayuhan. Iisa lang lagi ang tanong nila iyon ay kung "sino?"

Isa lang rin naman ang nakukuha nilang sagot, "si Adam Smith."

Isa sa pinakamagaling na ekonomista sa panahon niya at kinilala sa kasaysayan bilang "Ama ng Klasikong Ekonomiks".

~*~

Sa ika-21 ng Abril sa taong 1946, binalot ang buong Inglatera ng kararating lamang na simoy ng tagsibol. Malakas ang pag-ihip ng hangin, dala-dala ang halimuyak ng mga bulaklak na kasisibol pa lamang.

Patuloy lang sa kani-kanilang mga pang araw-araw na gawain ang mga mamamayan ng Inglatera. Lahat sila ay walang kaalam-alam na sa isang parte ng Inglatera, sa bayan ng Lewes, isang ginoo ang nag-aagaw buhay.

Nakahiga siya sa paborito niyang pulang hammock na nakatali sa magkabilang puno sa maliit ngunit maaliwalas niyang hardin. Nakatayo sa tabi niya ang isang magandang binibining may natural na kulay blonde na buhok. Ang kanyang mga mata ay kulay asul na diamante na nakasisilaw sa ganda.

Mangiyak-ngiyak na nakatitig ang binibini sa naghihingalong ginoo na may buhok na kakulay ng pilak.

"Masaya akong natapos na . . ." ang tanging nasabi ng ginoo habang iniinda ang paninikip ng kanyang dibdib. "Ang great depression ay tapos na. . ."

"John magpakatatag ka! John pakiusap!" Pagsusumamo ng binibini na nasa kanyang tabi. "Parating na ang ambulansya, konting tiis na lang John!"


Humawak ng mahigpit ang binibini sa mga naninigas na kamay ni John. Pumikit siya at saka taimtim na nagdasal ngunit pinigil ito ni John.

"Tanggap kong oras ko na, Lydia," ang sabi ni John habang hirap na hirap na sa paghinga.

Sa pagdilat ng mga mata ni Lydia ay kaagad nag-umpisa sa pagtulo ang kanyang luha. "Huwag mo akong iiwan, John!"

Ngumiti si John kay Lydia sa huling pagkakataon.

"H-huwag kang mag-alala. H-hindi kita iiwan." Matapos itong sambitin ni John ay dahan-dahan nang pumikit ang kanyang mga mata. "H-hihintayin kita . . . sa kabilang buhay."

Tuluyan na ngang tumigil sa pagtibok ang kanyang puso. Sa kabila nito, naiwan sa kanyang labi ang isang matamis ngunit malungkot na ngiti. Kasabay ng kanyang kamatayan ay ang pamumukadkad ng mga puting lily sa palibot ng hardin.

Tuluyan man siyang namaalam ay panghabang-buhay namang maaalala ng mga tao ang kanyang pangalan. Ang pangalang John Maynard Keynes, isa sa mga pinakakinikilalang ekonomista sa buong mundo. Ang taong nakayang higitan ang mga paniniwala ng "Ama ng Klasikong Ekonomiks" at ang nagkamit ng titulong "Makabagong Ama ng Ekonomiks".

OeconomicaWhere stories live. Discover now