naughtyjackyy's Special Chapter

2.7K 87 27
                                    

KIEL'S POV 

(From my story, Demonic Nights)

(Before he met Hannah)


ISANG maaliwalas na umaga ang bumungad sa akin nang ako ay pumunta sa aming tagpuan ni Helleia. Ang tagpuan na saksi sa kung paano magsimula ang aming pagmamahalan. Ang malakas na ragasa ng tubig mula sa talon, ang isang puno na nagbibigay ng lilim sa sinumang naiinitan, at ang malapad na bato na siyang ginagawa naming pahingahan.

Kahit na tag-araw ngayon, tila tag-ulam pa rin sa aking pakiramdam, dahil labis na nagdadalamhati ang aking puso sa kinahinatnan ng pagmamahalan namin ni Helleia. Hindi ko lubos akalaing ang pag-iibigan ang siyang magiging ugat ng pagsisimula ng katapusan—ng mga buhay, at ng aming pagmamahalan.

Ilang taon na akong naghihintay sa kanyang pagbabalik. Ilang tag-araw at tag-ulan na ang lumipas, ilang beses ko nang naikot ang buong mundo para hanapin lang siya, pero wala...hindi ko siya makita. Ilang beses ng namukadkad at nalanta ang mga mahagalimuyak na mga bulaklak at nagliparan ang mga paru-paru at insekto, pero heto pa rin ako—naghihintay na dumating ang araw na sana'y tuluyan ko na siyang matagpuan.

Tinignan ko ang aking repleksyon sa malinaw na tubig at nakita ang marka ng aming pagmamahalan. Ang marka na nagbibigay sa akin ng saya, at pilit na pinapaalala ang mga masasayang alaalang kasama ko siya, pero ito rin ang nagbibigay sa akin ng sakit, pighati, at pangungulila.

Ilang oras akong namalagi sa aming tagpuan. Umalis lang ako nang dumating na ang oras ng aming pagpunta sa mundo ng mga panaginip.

Pagkarating ko sa lugar ay kaagad kong hinanap ang aking susunod na biktima. Isang babaeng dalisay at birhen ngunit may masidhing pagnanasa sa makamundong kaligayahan.

Nang tuluyan kong marating ang aking biktima ay nanlaki ang aking mga mata, bumilis ang tibok ng aking puso, nangatog ang aking mga tuhod, at nanginig ang aking mga kamay! Naiyak ako sa sobrang saya. Gustong-gusto ko na siyang yakapin!

Ang kanyang maalon na kulay kapeng buhok, magagandang mga mata, ang kanyang mapupulang mga labi, at ang kanyang kabuuan. Siya na nga! Siya si Helleia, ang anghel na aking minahal nang husto na ngayon ay nasa katauhan na ni Hannah Villega.

The Wattpad Filipino Block Party 2018Where stories live. Discover now