Kabanata 13

47.2K 608 30
                                    

Chapter 13

Halos mapalundag si Clarisse sa labis na gulat ngunit agad din siyang nakahinga ng maluwag ng malaman na si Rowena lamang pala ang humawak sa kanyang balikat. Nitong mga nakaraang araw ay nagiging matatakutin na siya at nagiging paranoid sa bawat kislot. Hindi niya mawari kung ano nga ba ang kinatatakutan niya. Ang mga bangungot ba niya o ang kanyang nakaraan na pilit na tinatakbuhan? Ang nakaraan na pilit niyang tinatakasan ngunit lagi naman siyang binabalikan.

"Anong ginagawa mo dito hija?" malumanay na tanong ni Rowena kay Clarisse ngunit nagtataka siya dahil animo may himig ng hinanakit ang pananalita nito.

"Pasensya na po Tita. May narinig lang kasi akong kaluskos dito sa may pinto akala ko po may tao." nahihiyang sagot niya. Hindi niya gustong isipin ng babae na pakialamera siya.

"Ganun ba? Matagal ng hindi ginagamit ang silid na yan. Umakyat ka na sa taas at maaari ka ng magpahinga sa iyong silid." ngumiti ang babae sa kanya at tinawag ang isa sa mga katiwala nito sa mansion at ipinahatid na siya sa kanyang tutuluyang silid.

***

Sukat na makaalis si Clarisse sa harapan ni Rowena ay naalis na din ang mga pekeng ngiti nito sa labi. Labis siyang nainis sa dalaga dahil muntikan na nitong buksan ang silid ng paboritong anak. Siya lamang ang nakakapasok sa silid ng anak. Simula ng mawala ito mula sa isang trahedya ay hindi niya pinabago ang ayos ng silid nito. Nababaliw na nga siguro siya para umasang babalik pa ang anak. Hindi pa rin niya matanggap na sa isang iglap lamang ay mawawala ito. Sa isang babae ay masisira ang kanyang pamilya.

"Sinira mo ang pamilya ko. Hanggang kamatayan isinama mo pa ang anak ko." nasabi na lamang niya sa kanyang sarili at naikuyom ang kamao nito. Nagbalik lamang siya sa kanyang sarili ng maramdaman ang pagpasok ni Aaron sa mansion.

Si Aaron na lamang ang natitira sa kanya. Hindi niya maiwasan ang magsisi. Hindi niya minahal ng patas ang dalawa kahit na kambal pa ang mga ito. Marahil ay dahil iba ang ugali ni Aaron sa paborito niyang anak na si Allen. Katulad ni Aaron ang ama. Matigas ang ulo at independent kabaligtaran ni Allen.

Gusto niyang bumawi ngayon sa natitira pang anak kaya naman hindi na niya muling tututulan pa kung sino man ang gusto nito katulad ng ginawa niya kay Allen ganoon na lang upang humantong pa sa isang trahedya ang nais lamang niyang kabutihan para sa anak.

***

Manghang-mangha si Clarisse sa karangyaang nakikita niya subalit tila ba pamilyar ang silid na kanyang tinutuluyan. Ngayon lamang siya nakarating sa lugar na iyon ngunit para bang kabisado na niya ang buong kabahayan. Iyon na naman ang weird na pakiramdam na hindi niya magawang pangalanan. Naupo siya sa malambot na kama at pinagmasdan ang kabuuan ng silid. Animo siya nag time travel. Simple ngunit elegante ang disenyo ng silid gayundin ang mga kasangkapan nito.

"Nagustuhan mo ba ang iyong silid?" tanong ng matandang katiwala sa kanya. Tumango lamang si Clarisse at ngumiti na nagpapasalamat.

"Kung may kailangan ka ay tawagin mo lang ako. Kumpleto ang toiletries sa banyo at may ilang damit pambabae rin sa loob ng cabinet gamitin mo kung gusto mo." hindi approachable magsalita ang matandang katiwala ngunit ayaw na lamang niya itong pansinin.

"Maraming salamat po." saad niya. Hindi na nagtagal ang matanda at umalis na rin ito.

Marahil sa pagod ay hindi na namalayan ni Clarisse na nakatulog siya hanggang sa bumigat na naman ang kanyang pakiramdam.

Tumatakbo si Clarisse. Hindi niya alam kung ano ba ang tinatakbuhan niya. Suot pa rin niya ang kanyang eleganteng gown at ang maskarang tumatabing sa kanyang mukha. Takot na takot siya. Dalawang lalaki ang humahabol sa kanya. Si Allen at si Aaron.

Hindi na niya napigilan ang pag-alpas ng kanyang mga luha sa labis ng takot. Bakit nga ba siya hinahabol ng mga ito? Gulong-gulo na siya sa mga nangyayari. Gusto na niyang gumising mula sa bangungot na ito. Inakala niyang isang panaginip ang lahat ngunit unti-unti ay napagtanto niya na isa pala itong bangungot na magdadala sa kanya ng matinding takot.

Nakalabas na siya ng mansion ngunit patuloy pa din siya sa pagtakbo. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Hindi niya mapigilan ang sariling mga paa sa pagtakbo kahit na nilalamon ng ng pagod ang kanyang katawan, may parte ng isip niya na nagsasabi na huwag siyang tumigil dahil panganib ang nagbabadya sa kanya oras na huminto siya sa pagtakbo.

 

"Bumalik ka dito Clarisse! Hindi ka makakatakas sa akin!" hindi niya malaman kung si Allen ba o si Aaron ang tumawag sa pangalan niya dahil halos magkamukha ang mga ito ng boses gayon din ng bulto ng katawan.

"Huwag kang titigil Clarisse! Papatayin ka niya oras na mahabol ka niya! Iligtas mo ang sarili mo!" sigaw naman ng isa. Gusto niyang lumingon sa pinanggagalingan ng tinig na iyon ngunit natatakot siyang mawalan ng balanse.

 

Maputik at madilim ang lugar na kanyang tinatakbuhan. Kailan ba matatapos ang kadilimang kanyang tinatahak? Tanong ni Clarisse sa kanyang isip. Wala bang katapusan ang daang kanyang tinatakbuhan? Habambuhay na lang ba siyang tatakbo? Sa isiping iyon ay nawalan siya ng balanse na naging sanhi upang mapaupo siya sa putikan. Gusto niyang tumayo at tumakbong muli sa takot na maabutan ng dalawa ngunit hindi na niya maigalaw ang kanyang kanang paa dahil sa pinsalang kanyang natamo.

 

Pipilitin na sana niyang tumayo ng bigla na lamang may humawak ng kanyang braso.

 

Alam niya kung sino iyon! Nakaitim itong tuxedo! Puting Maskara!

 

"Akala mo ba'y matatakasan mo ako?! Hindi ko hahayaan na sumama ka sa aking kapatid! Akin ka lang Clarisse. Hanggang kamatayan!" sigaw ni Allen. Sindak na sindak si Clarisse sa binata kahit pa nakasuot ito ng maskara. Napaiyak na lamang siya sa kawalan ng pag-asa.

 



to be continued...

 

Midnight Lover Duology: Tagpuan (to be publish under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon