Chapter 9

602 10 10
                                    

Nagpatawag ng meeting si King at Alesi. Pinag-uusapan namin ngayon kung ano ang kahihinatnan ng club. Nakarating na kasi sa mga head ng organizer ng party ang tungkol sa pag-quit ni Lyla. Ako bilang lider-lideran ng banda ang naiipit sa sitwasyon ngayon. Gusto ko sanang komprontahin si King bilang pulpol na presidente, pero pinigilan ako ni Ada. Naisip kong wag ng palalain ang sitwasyon. Baka pati yung mga newbies e mag-quit kung sakaling magturuan at magsisihan pa kami kesa solusyunan ang problema.

            Walang gustong mag-suggest ng pwedeng mangyari. Parang ako lang ang inaantay nilang magbigay ng ideya kung paano mag-a-adjust sa nawalang posisyon ni Lyla. Bawat tanong ni King at Alesi, sa’ken lang nakatingin. Hindi man rekta, pero pakiramdam ko nasa akin ang sisi.

            “Ano…ano nang plano nyo?” nakakibit-balikat na si King. Presidenteng-presidente ang pustura. Sa tangkad niya, halos lahat e nakatingala everytime na magsasalita siya.

            “Hindi na ba tayo puwedeng magpa-audition ulit ng keyboardist?” tanong ko. Pinipigilan kong magtaas ng boses.

            “Juan, ilang araw na lang ang party. Puwede yun kung talagang magaling yung makukuha natin. At kung may makukuha nga tayo.”

            “Nagtanong-tanong na rin ako about dun. Pero wala talaga.” Sabi ni Alesi.

            Nanatiling tikom ang bibig ng mga kasama ko. Si Ada na sana’y backup ko e parang lutang din ang utak. Parang tatlo lang kaming nagmi-meeting. Pinagtutulungan pa ko ng dalawa.

            “Puwede naman sigurong ituloy ang lineup ng kanta kahit wala ng keyboards, tutal dalawa naman ang gitarista. After all, special number lang naman tayo dun.” sa wakas at kumibo na rin si Ada.

            “Sure ka na ayos lang sa inyo yun?” tanong ni King.

            “Siguro….” Sagot ko habang patango-tango lang ang mga kasama ko.

            Naisip ko na rin yun---tumuloy ng walang keyboards. Actually, puwede naman. Konting pagbabago lang ang mangyayari. Pero kung seryosohan at gusto naming magpasikat talaga, mas okey kung may keyboards. Lalo pa na si Lyla ang keyboardist, malamang magpakitang gilas din ako sa party nun.

            “Ano daw ba dahilan ni Lyla? Kung kelan naman kasi malapit na yung party saka pa naisipang mag-quit. Buti sana kung may kapalit agad siya…” iritado na rin si Ada

            “Wala naman siyang ibang sinabi kun’di personal daw. Todo sori naman siya last time na nagkausap kami. Pinigilan ko naman siya, pero ayaw talaga. Ako na lang daw ang magsabi sa inyo na sori daw talaga. Nahihiya daw siya sa buong club.” Paliwanag ni King.

            Actually nag-text siya sa’ken. Sa isip-isip ko.

            Ilang araw na kong curious sa personal niyang dahilan. Family problem? Siguro. Lovelife? Medyo malabo. Wala pang tsismis na may boyfriend na siya. Studies? Puwede, pero ano naman? School activities naman ‘to. Hindi naman tinatamaan ang schedule niya. Wala din naman siyang sinasabi na naaapektuhan na ang pag-aaral niya dahil sa club.

Ang Babae sa Kabilang ClassroomWhere stories live. Discover now