Chapter 20

444 10 2
                                    

“Ayan na dok, gising na pala…” narinig kong boses sa tabi ko. Pagkamulat, si ermats pala. Nasa kaliwa naman si ate, kausap si Ada.

            “Ano? Musta naman?” tanong sa’ken ng doktor habang sinisiksik ng nurse ang thermometer sa kili-kili ko. Di ako nakasagot. Di ko alam kung na-stun ba ko sa ganda ni dok o wala pa yung diwa ko.

 

            “Ilan taon na?” tanong niya ulit pero hindi nakatingin sa’ken. Inabot naman ng nurse ang isang papel na nakaipit sa flat na bakal.

            “Nayntin po,” sagot ko sa mahinang boses. Tatayo sana ako pero pinigilan ako ng nurse. Naramdaman kong kumirot yung nakasaksak sa’king dextrose.

            “Naninigarilyo?”

            Tumango lang ako, sabay tingin kay ermats. Mapaklang ngiti lang ang reaction.

            “Umiinom?”

            Tango lang ulit. Napatingin ako kay Ada. Kumaway lang siya. Tinanguan naman ako ni ate.

            “Madalas ka bang magpuyat?”

            Tango lang. Inabot na nito sa nurse ang hawak na papel.

            “So, tell me, ano nangyari sa’yo kanina?” nakatingin na siya sa’ken. Medyo na-conscious ako. Gusto ko sanang ayusin muna ang buhok ko, kaso wag na lang.

            “Bale nung una po e parang pinupulikat yung paa ko. Nung una okey naman. Nung tumagal e parang umaakyat na yung pulikat bandang singit. Tapos naramdaman ko na rin sa kamay ko. Palakas ng palakas hanggang sa parang hindi ko na maigalaw yung paa ko pati kamay ko. Tapos yung panga ko parang nag-lock. Feeling ko mauubusan ako ng oxygen kaya medyo nag-panic ako, para akong naghahabol. Yun po, bigla na lang akong nag-blackout…” medyo garalgal pa boses ko.

            Patango-tango lang yung doktor. Yung nurse naman, in-adjust yung dextrose ko kaya lalong kumirot.

            “First time bang nangyari sa’yo to?”

            Tumango lang ako.

            “Nakainom po ba?”

            Umiling lang ako.

            “Puyat?”

            Tango lang. Lumapit ito sa bandang paanan ko sabay hinawakan yung isang paa ko at tuhod.

            “Sabihin mo sa’ken kung masakit…” saka nito dahan-dahang itinulak ang paa ko pataas. “Masakit?”

            Umiling lang ako. Maya-maya may pinagulong-gulong siya sa talampakan ko na halos matawa ako sa kiliti. Kinuha naman ng nurse yung thermometer sa kili-kili ko saka pinakita sa doktor.

Ang Babae sa Kabilang ClassroomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon