NH Chapter: 6

126K 2.5K 41
                                    

Kinabukasan, nagising ang diwa ni Brae nang makarinig siya nang ingay sa 'di kalayuan. Mumukat-mukat niyang tiningnan ang orasan na nakasabit sa dingding at napabalikwas sa kanyang pagkakahiga nang makitang alas-otso na ng umaga. Sana'y gumising nang maaga si Brae, dahil siya ang nag-aasikaso sa kanyang mga kapatid para maghanda sa pagpasok ng mga ito sa eskwelahan.

Ngunit nang akmang tatayo na siya sa kanyang kama, ay bigla niyang naalala na wala na nga pala siya sa kanilang tahanan. Napabuntong hininga na lamang ang dalaga saka napagpasyahan na mahigang muli sa kama. Kinuha niya ang isang kwadradong picture frame sa gilid ng lamesitang kahoy, at pinagmasdan ang larawan ng kanyang pamilya roon.

Nangilid ang kanyang mga luha nang maalalang muli ang mga ito na naiwan niya sa probinsya ng San Lorenzo. Kuha ito noong mga panahong maayos pa ang kalagayan ng kanyang Ama na si Tatay Renato. Makikita rito ang isang huwarang pamilya, na masasabi mong punong-puno ng pagmamahal para sa isa't isa.

Hinaplos niya ang salamin na nakatabing dito bago binitawan ang mga katangang, "H'wag kayo mag-alala kapag nakaipon na ako rito, uuwi agad ako riyan at magkakasama na ulit tayong lahat." Naluluhang sambit ni Brae habang hinahaplos ang larawan ng kanyang pamilya.

Nasa ganoong pag-iisip ang dalaga nang biglang may kumatok nang pagkalakas-lakas sa pintuan ng kanilang silid. Nakita niya na napabalikwas si Charity sa pagkakahiga nito, bago inis na tumayo para buksan ang pinto. Bumangon na rin si Brae saka tiningnan kung sino ang taong kumatok sa kanilang pintuan, nakita niya na bumungad doon ang isang babaeng matangkad na may mahaba at kulay gintong buhok at pabalang itong pumasok sa loob ng kanilang kwarto.

"Ano ba Venus! Ang aga-aga nambubulabog ka!" Bulyaw ni Charity rito, na hindi man lang nag-abalang magsuot ng pambabang saplot, dahil tanging panty at puting sando lamang ang suot nito.

Sa halip na sumagot ang babaeng nagngangalang Venus, ay iminustra lang nito ang kanyang kamay sa ere na parang pinapatigil sa kanyang pagsasalita ang dalagang si Charity. Nagulat naman si Brae nang bigla s'yang balingan nito at tiningnan nang masama. Sinipat siya nito mula ulo hanggang paa, saka muling binalingan ang kanyang mukha.

Nang matapos nitong sipatin ang kabuuang pigura ni Brae, ay bigla na lang tumaas ang gilid ng labi nito na parang nasusuklam sabay sabing, "So... Ikaw pala 'yung bagong babae ni Mamang." Taas kilay na anas nito, habang diretsong nakatingin sa mga mata ng dalaga.

Kahit nahihiwagaan sa pakikitungo nito ay sumagot na lang si Brae tanda ng kanyang pagpapakumbaba, "O-oo... Ako nga pala si Brae." Alanganin niyang turan dito, bago malugod na inilahad ang kanyang palad upang makipagkilala sa dalaga.

Hindi man lang nag-abala na tanggapin ni Venus ang kamay nito at sa halip ay tinaasan pa niya ito ng kilay sabay sabing, "Probinsyana!" Mataray na bulyaw nito, na parang may pinaghuhugutan ng kanyang galit.

"Hindi kita maintindihan." Nagtatanong ang mga matang tanong ni Brae, dahil sa namumuong tensyon sa pagitan nila ni Venus.

"Ikaw! Isa kang probinsyana..." Sarkastikong anas nito. "Tandaan mo ang pangalang Venus, dahil 'yan lang ang maningning na bituin sa Heaven's Club, at wala ng iba pa." Isang makahulugang saad nito saka tinalikuran ang dalagang si Brae, na hindi naman makuha ang dahilan kung bakit ito nagagalit sa kanya.

"Tinotopak ka na naman Venus!" Nagtatawanang sigaw ng mga babae sa labas ng kwarto.

"Tumahimik kayo riyan!" Inis na bulyaw nito sa mga dalagita saka muling nilingon si Brae. "H'wag kang magkakamaling humarang sa daraanan ko, dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa'yo kapag nagkataon." Pagtataray pa nito, bago pabalang na isinara ang pintuan.

Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Where stories live. Discover now