We meet again, Stranger

48.2K 1K 18
                                    

Chapter Two

MATAPOS ang argumento ng umagang iyon sa silid ni Belinda, ipinasya ng dalagang samahan si Carlotta at ang kaibigan nilang si Janine. Nagyaya ang mga ito sa isang dance club upang maglibang, matindi kasi ang pinagdaraanang problema ng huli. Kaysa magmukmok at makipag-iwasan sa kanyang ina ay lumabas na lang siya. 

Mahirap ang magkaroon ng mga magulang na over-achiever. Parehong nagtapos na may mataas na karangalan sa kolehiyo ang mga ito. Kapwa rin may PhD in Business Administration at nakapaglathala na ng kanilang libro. Isang mahusay na negosyante ang kanyang amang si Ramon Santillan at isa namang college professor ang kanyang inang si Nieves. Bagaman hindi siya ini-expect ng mga ito na pantayan o higitan ang mga naging achievements ay nakaka-pressure pa rin sa kanya bilang anak. Lalo pa nga at kahit kalahati ng katalinuhan ng mga ito ay hindi niya man lang nakuha.

Hindi siya matalino. Kahit tambakan siya ng mga magulang niya ng sangkaterbang private tutor ay parating pasang-awa lamang ang kanyang mga grado sa school. Iyon ang dahilan kung bakit halos katamaran niya ang pagpasok ng paaralan simula elementarya. Madalas niyang i-reklamo sa kanyang ama na marahil ay ampon lamang siya ng mga ito. Bagay na madalas ay idinadaan lamang sa tawa ng amang si Ramon. 

Hindi ka bobo, iyon ang madalas nitong sabihin sa kanya. Wala raw taong bobo. At hindi raw komo parehong matalino ang mga magulang ay garantisado ng lalabas na matalino ang anak.

So far, kahit sino ang pagtanungan niya sa matatanda nilang kasambahay ay iisa ang sagot ng mga ito. Hindi siya ampon. Tapos. Besides, kuhang-kuha niya ang Spanish features ng kanyang ina kaya naman kahit na papaano ay napapanatag ang loob niya.

"Let's dance,"biglang yakag ni Janine, hinawakan sila ni Carlotta sa magkabilang kamay at hinila sa gitna ng dance floor.

Walang nagawang nagpatianod na lamang sila sa ginawa nito at nagsimulang umindak sa malakas na musika na pumupuno sa malawak na dance floor. Napakaraming tao, palibhasa ay weekend. Halos magsiksikan sila sa dami ng mga sumasayaw. Modesty aside, she's a good dancer. Noong nag-aaral pa siya, anuman and kakulangan niya sa academics ay pinupunan niya sa pagiging aktibo sa mga curricular activities. Unfortunately, sa totoong kalakaran ng buhay, hindi mo puwedeng gamitin ang husay mo sa salsa o kung gaano ka kahusay sumayaw ng rumba para magkaroon ng trabaho sa isang kompanya.

Pinawalan niya ang lahat ng kanyang pent-up emotions at iginiling ang katawan sa maharot na musika. Kapag siya'y sumasayaw ay nakakalimutan niya ang kanyang problema. Para iyong isang uri ng droga na nagpapagaan sa kanyang pakiramdam. Giving her some kind of high, making her oblivious to everything aside from the music and the rapid beating of her heart. 

Nang tumigil si Belinda sa pagsayaw ay nagulat pa siya nang sumabog ang masigabong palakpakan. Sa kanya na pala naka-pokus ang atensyon ng lahat!

"Wow, that was hot!" narinig niyang komento mula sa pulutong ng mga tao.

"Can I get your number?" wika ng isang lalaki.

Ngiti lang ang tugon niya sabay iling. 

"Wala ka talagang kupas, Billie. Ang galing mong gumiling," ani Carlotta.

"'Yong giling mo parang green ang dating," tugon niya rito.

Humalakhak lang ito.

Nang tunguhin nila ang kanilang mesa ay may ilang lumapit at nais makipagkilala sa kanila. Nagpaunlak naman silang magkakaibigan. Nang may isang makulit at pursigidong lalaki ang nais hingiin ang pangalan at numero niya ay palihim niyang sinenyasan ang mga kaibigan. Nag-excuse siyang pupunta ng restroom upang makaiwas.

Habang papunta ng restroom ay inilabas niya ang kanyang cellphone. Ang balak niya'y i-text ang mga kaibigan upang sabihing lumipat na lamang sila ng ibang club. Ngunit hindi pa man siya nakakatapos kumatha ng limang kataga ay bigla siyang sumalpok sa kasalubong niya. 

Velvety Flame (Chains of Passion Book III)Where stories live. Discover now