Chapter 5

268 14 0
                                    

          "WOW! MUKHANG may date ang bestfriend ko ah?" puna ni Lloyd kay JB.

Ngumiti lang si JB sa kaibigan saka muling tiningnan ang sariling repleksiyon sa salamin. Sinigurado ni JB na sa pagkakataon na iyon sa muling pagharap niya kay Yerin ay presentable na siya. Iyon ang ikalimang beses na lumabas sila ni Yerin simula ng magkita sila ulit nito magta-tatlong buwan na ang nakakalipas. Kapag busy ito sa trabaho nito sa ospital bilang nurse ay tinatawagan niya ito at doon sila nag-uusap.

Dahil sa magandang pakikitungo nila sa isa't isa. Alam ni JB na nagkakaroon na siya ng puwang sa puso ng dalaga. Pakiramdam niya ay sasagutin si Yerin kapag nagtapat siya ng tunay na nararamdaman. Magkasundo silang dalawa at sa tuwing magkasama sila ay palagi silang masaya. Sinisiguro ni JB na palagi niyang pinaparamdam kay Yerin na espesyal ito sa buhay niya at nakahanda siyang tuparin ang pinangako niya dito noong labintatlong taon gulang pa lang siya.

"Parang gusto kong magtampo sa'yo, may nililigawan ka na pala hindi mo man lang sinasabi sa akin," sabi pa ni Lloyd. Naroon sila sa inuupahan nilang kuwarto sa dorm nila malapit sa Unibersidad na pinapasukan nilang magkaibigan.

Kunot-noo siyang napatingin dito saka pabiro niyang binato ito ng unan. "Sira! Hindi bagay sa'yo magtampo," natatawang sagot niya.

"Eh sino ba 'yang nililigawan mo? Maganda ba? Ha? Taga-school 'yan no? Ituro mo naman sa akin oh!" pangungulit nito sa kanya.

Napailing si JB. "Pare, bestfriend kita. Dapat kilala mo na ako, may nabalitaan ka bang nagustuhan ko sa school natin? Iisang babae lang naman ang pinangarap ko simula noon di ba?"

Napaisip si Lloyd. Ilang sandali itong hindi nagsalita at tili pilit na inaalala ang babaeng sinasabi niya.

"Wala naman ako ibang natatandaan kung hindi si..." sabi pa nito saka biglang napatuwid ng upo. "Si Ate Yerin?!"

Napapalatak siya. "Ang tagal mo naman mag-isip," sabi pa niya.

Napatayo ito at agad na lumapit sa kanya.

"Hindi nga Pare?" hindi makapaniwalang tanong nito.

"Oo nga," sagot niya.

"Nagkita na kayo ni Ate Yerin? Kailan? Ibig sabihin kapag lumalabas ka para mamasyal ay siya ang kasama mo?" pang-uusisa pa ni Lloyd.

Nakangising tumango lang siya. "Natatandaan mo pa ba noong maglaro tayo noon ng basketball tapos bigla akong tumakbo palabas ng court? Aksidente ko siyang nakita ng araw na iyon. Nagkataon dumaan sa may basketball court at nakita ko siya kaya sinundan ko," paliwanag niya.

Saglit itong nag-isip saka biglang napapitik. "Ah oo! Natatandaan ko na!" sabi pa nito. Tumango siya saka ngumisi dito.

"Eh bakit hindi mo sinabi agad sa akin?"

Tinapik niya sa balikat ang kaibigan. "Sorry Pare, sasabihin ko naman sa'yo palagi ko lang nakakalimutan," sagot niya. "Imagine, limang taon kong hinintay na makita siya ulit."

Napailing si Lloyd. "Seriously JB, thirteen years old lang tayo noong una mo siyang nakilala. You don't call that love. Wala ka pang nagiging girlfriend eh," seryosong wika ng kaibigan niya.

Napangiti si JB. "Tama ka, bata pa ako noon. Hindi ko pa nga alam kung anong tawag sa nararamdaman ko. Basta ang alam ko lang, simula ng unang beses kong makita si Yerin. Ang saya na ng pakiramdam ko tapos palagi ko siyang gustong nakikita. Kapag may nananakit sa kanya, nagagalit ako sa taong dahilan kung bakit siya umiyak. Nang umalis na siya, parang hindi ko maipaliwanag 'yong lungkot ko na naramdaman ko. Ayokong umiyak pero palagi akong naiiyak," paliwanag niya habang inaalala ang mga nangyari limang taon na ang nakakalipas.

Puppy Love, First Love At True LoveWhere stories live. Discover now