Chapter 4

272 19 2
                                    

Five Years Later...

"PARE, PASA mo dito!" sigaw ng kasama ni JB sa team. Hawak niya ang bola ng mga sandaling iyon. Habang nagdi-dribol ay nag-iisip siya kung paano makakalusot para maipasa niya ang bola sa ka-team sa kabila ng mahigpit na depensa ng kalaban. Tumaas ang isang sulok ng labi niya saka siya tumakbo papunta sa kanan, awtomatikong sinundan siya ng kalaban kaya agad siyang bumwelta sa kabila. Naiwan ang kalaban at tuluyan niyang naipasa ang bola sa isang teammate niya bago pinasa ulit ang bola sa kanya sabay shoot sa ring. Ilang segundo lang ang nakalipas ay tumunog na ang bell. Hudyat na tapos na ang laro at sila ang dineklarang panalo.

"Yes! Ang galing mo JB!" puri sa kanya ng mga kasama niya sa team.

Tuwing weekend lalo na kapag sabado ng hapon ay nakaugalian na nilang magkakaibigan na maglaro ng basketball. Napailing ang bestfriend niya na si Lloyd na napunta sa kabilang team.

"Sinasabi ko na nga ba't matatalo kami eh," anito.

Sinalubong niya ang kaibigan, nag-high five sila at tinapik niya ito sa likod. "Okay lang 'yon, bawi na lang kayo next week," sabi pa niya.

"Oo nga pala JB, may sasabihin ako sa'yo! Siguradong matutuwa ka dito!" biglang pag-iiba ni Lloyd sa usapan.

Tumawa si JB. "Walang ganyanan Pare. Huwag mong ibahin ang usapan! Natalo kayo kaya manlilibre kayo!" sabi pa niya.

"Sira, hindi ko nakakalimutan 'yon! Pero makinig ka muna sa akin dahil importante 'to," ani Lloyd.

"Ano ba ka—"

Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang mapalingon siya sa labas ng basketball court. Parang nag-slow motion ang buong paligid makita niya ang isang magandang babae. Biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya, nang makita niyang gumuhit ang ngiti nito ang parang may mga paruparong lumilipad sa tiyan niya. Sa isang iglap ay hindi niya maipaliwanag ang saya na nararamdaman niya matapos masilayan ang magandang ngiti ng dalaga. Pero ang ganoon pakiramdam, pamilyar sa kanya iyon. Nang lumingon ang babae sa gawi nila ay bumilis ang tibok ng puso niya.

Napakunot noo si JB. Ang babaeng iyon. Pamilyar sa kanya, parang kahawig ito ng crush niya noon na nakilala niya sa subdivision nila noong nasa Cavite pa sila. Muli niya itong tiningnan saka pinag-aralan ang mukha nito. Parang tumalon ang puso niya sa saya ng tuluyan naging malinaw sa kanya ang lahat. Hindi siya maaaring magkamali, si Yerin nga ito.

"Yerin," bulong niya.

Napakurap lang siya ng maramdaman niyang tinapik siya ni Lloyd sa likod.

"Pare, naaalala mo pa ba si Yerin?" tanong nito.

Bigla siyang napalingon dito. "Si Yerin? Iyong kaibigan ng Ate mo?" tanong din niya.

"Oo, siya nga!"

"Anong tungkol sa kanya?"

"Pumunta siya sa bahay namin kagabi. Pare, ang ganda niya lalo ngayon. Baka main-love ka ulit doon!" sabi pa nito.

Dahil sa narinig ay bigla niyang naalala ang babaeng kadaraan lang wala pang dalawang minuto ang nakakalipas. Agad niyang hinanap ito pero nawala na ito sa paligid. Mabilis siyang tumakbo palabas ng basketball court at saka hinanap ito. Akala niya ay namamalikmata lang siya, pero dahil sa kinuwento ni Lloyd. Posibleng si Yerin nga ang nakita niya.

Ang magandang mga mata, ang matangos nitong ilong ang kulay ng balat nito maging ang manipis at pinkish na labi nito ay pareho ng kay Yerin. Ang tanging pagkakaiba lang ay kulay brown at alon alon na ang buhok nito. He's only thirteen years old when he last saw her. Ngunit hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa kanya ang magandang mukha nito. Naging malaking tulong ang larawan na binigay ni Lloyd sa kanya noon. Ayon dito ay tinakas lang daw nito iyon sa photo album ng Ate nito.

Puppy Love, First Love At True LoveWhere stories live. Discover now