Chapter 3

264 17 2
                                    

          SIMULA NG makilala ni JB si Yerin ay palagi na niya itong pinupuntahan. Kunwari ay tumatambay sila ni Lloyd sa clubhouse para mag-bike, pero kapag lumalabas ang dalaga ay nakikipag-kuwentuhan siya dito. Hindi maipaliwanag ni JB kung gaano siya kasaya sa tuwing nakakasama at nakakausap niya ito. Sa pagdaan ng bawat araw, pakiramdam niya ay nagiging mas malapit na sila ni Yerin. Isa lang ang kahilingan niya, sana ay hindi na ito umalis.

Araw ng linggo. Espesyal para sa kanya ang araw na iyon dahil birthday ni Yerin. Sadyang binilugan niya ang petsang iyon para hindi niya makalimutan. Excited si JB na naligo pagkatapos ay nagbihis. Matapos mag-ayos ay muli siyang pumasok sa loob ng kuwarto ng mga magulang niya at nag-spray ng pabango na ginagamit ng Daddy niya. Pagkatapos ay nagmamadali siyang bumaba.

"Hon, ginamit mo ba pabango ko?" narinig niyang tanong ng Daddy niya.

"Hindi ako. Baka si—"

Hindi na nito naituloy ang sasabihin ng dumaan siya at sinundan siya nito ng tingin sabay singhot. Ganoon din ang Daddy at kapatid niya.

"Anak, nagsimba na tayo kaninang umaga di ba? Saan ka pupunta?" nagtatakang tanong ng Mommy niya.

"Aba JB, baka lumagpas ka na sa langit niyan," dugton ng Daddy niya.

"Kuya! Alam ko kung saan ka pupunta!" nakangising sabi ni Ashley.

"May bibilhin lang po ako," sabi niya sa mga magulang.

Lumapit ang Daddy niya pagkatapos ay inamoy siya nito. "Anak, kailan ka pa nahilig magpabango?" tanong nito.

"Daddy si Kuya may crush na 'yan kaya pumoporman na 'yan!" pambubuking ng kapatid niya.

"Huwag ka ngang maingay!" singhal niya sa kapatid.

"Anak, dalawang taon pa lang simula noong tinulian ka. Manliligaw ka na agad?" tanong naman ng Mommy niya.

"Mommy naman eh! Hindi po totoo 'yong sinasabi ni Ashley!" tanggi niya.

"Eh saan ka nga pupunta?" tanong na naman ng Mommy niya.

"May bibilhin nga lang po ako. Birthday po ng bagong kaibigan ko," sagot niya.

"Anak, babae ba 'yan?" tanong ng Daddy niya habang taas-baba ang kilay nito at nakangisi pa.

Hindi agad siya nakasagot. "Opo," mahinang sagot niya.

Napatingin siya sa Daddy niya ng tumawa ito ng malakas saka siya inakbayan at niyugyog ang balikat niya. "Binata na ang anak ko!" sabi pa nito.

"Alis po muna ako," paalam niya saka nagmamadaling lumabas ng bahay.

"Anak! Huwag kang lalabas ng subdivision! Diyan ka lang sa may gift shop sa clubhouse bumili ng regalo mo!" habol pa ng Mommy niya.

"Opo!" malakas na sagot niya.


HINDI MAWALA ang ngiti ni JB habang nakasakay sa bike niya papunta ng gift shop. Binawasan muna niya ang ipon niya na sana'y pambili niya ng latest gadget na gusto niya. Bibilhan niya ng magandang regalo si Yerin. Malapit na siya sa gift shop ng makasalubong niya si Lloyd.

"O, saan ka pupunta?" tanong nito.

"Dito lang may bibilhin. Ikaw? Saan ka galing?" tanong din niya.

"Hinatid ko si Ate sa bahay nila Yerin. Aalis na yata si Ate Yerin eh, uuwi na daw sa kanila," sagot nito.

"Ha? Totoo ba 'yang sinasabi mo?" gulat na tanong niya.

"Iyon sabi ni Ate eh," anito.

Walang paalam na agad niyang pinatakbo ang bisikleta at dumiretso sa bahay ni Yerin. Pagdating niya doon ay pasakay na ito sa loob ng kotse.

"Yerin!" sigaw niya.

Napahinto ito at napalingon. Agad itong ngumiti ng makita siya.

"Oh JB," anito. Sumilip muna ito sa loob ng kotse at nagpaalam. "Tita, sandali lang po. May kakausapin lang ako," sabi pa nito pagkatapos ay humarap sa kanya.

Pinigilan niya ang mapaluha nang humarap ito sa kanya.

"Uuwi ka na daw? Bakit ang bilis naman?" tanong niya.

"Kailangan ko ng umuwi eh. Tumawag kasi ang Mama ko kagabi, pinapauwi na niya ako," sagot nito.

Tumungo siya para itago ang luha na nagbabadyang pumatak. "Huwag ka na lang umalis," pigil pa niya sa dalaga.

"Hindi puwede JB," sagot ni Yerin.

"Sayang, birthday mo pa naman. Bibili sana ako ng regalo para sa'yo eh," sabi pa niya.

Narinig niyang marahan itong tumawa. Pagkatapos ay inangat ng kamay nito ang mukha niya.

"Hindi ko naman kailangan ng regalo eh. Iyon lang matapang na pagtatanggol mo sa akin kahapon ay sapat na. Saka masaya ako na nagkaroon ako ng mabait na kaibigan na gaya mo na parang kapatid ko na," sagot pa nito.

Napatingin siya sa suot niyang kuwintas. Natatandaan pa niya na pinabili niya iyon sa Daddy niya. Silver iyon at maliit na pito ang pendant niyon. Gustong gusto niya iyon at iniyakan pa niya ang Daddy niya para bilin iyon sa kanya. Hinubad niya iyon pagkatapos ay sinuot niya dito.

"'Yan na lang regalo ko sa'yo," sabi niya.

Ngumiti ito sa kanya. "Salamat. Pangako pag-iingatan ko ito. Sa tuwing titingnan ko 'to, palagi kong maaalala na mayroon akong isang matapang na tagapagtanggol at kaibigan na tulad mo," sabi pa nito.

Nahigit niya ang hininga ng bigla siya nitong halikan sa pisngi. "Paano? Aalis na ako. Bye," nakangiting paalam nito. Ginulo pa nito ang buhok niya bago tumalikod.

"Yerin!" tawag ulit niya.

Huminto ito bago sumakay ng kotse.

"Hintayin mo ako! Paglaki ko! Hahanapin kita tapos liligawan kita! Ako ang mag-aalaga sa'yo! Promise! Hindi kita paiiyakin! Papakasalan kita! Pangako 'yan!" sigaw ni JB habang pinipigilan pa rin niya ang pagpatak ng luha.

Ngumiti lang ito pagkatapos ay tumango. Bago ito tuluyan sumakay ng kotse ay kumaway ulit ito sa kanya. Hanggang sa umalis na si Yerin. Hindi na napigilan ni JB ang umiyak habang tinatanaw ang papalayong sasakyan. Pakiramdam niya ay parang sumasakit ang dibdib niya na parang may isangdaan na karayom ang nakatusok doon. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman pero sa sobrang lungkot niya ay hindi niya mapigilan ang sariling umiyak. Hindi sigurado si JB kung sineryoso nito ang sinabi niya. Pero desidido siyang tuparin ang pangako niya kay Yerin.

Puppy Love, First Love At True LoveWhere stories live. Discover now