Kabanata II

3 0 0
                                    

Pagkapasok niya sa Casa, hindi namangha si Christina sa kawalan ng pagbabago sa bahay: naroon pa rin ang nakatambak na antigong orasan sa harap ng reception area, nakakabit pa rin sa kisame ang mga brasong kaldero at kawali ng kanyang lolo, at ang maalikabok na radyo, lampara, at abubot ay nakadisenyo pa rin sa likod ng maliliit na salamin ng aparador.

Naglibot ang mga turistang abala sa pagpipiktur kasama ang mga madudungis na relikaryo at ang malakas na halakhak mula sa mga lokal sa restawran. Siyempre ang kanyang mga kaibigan ay nagembarke rin sa sarili nilang pakikipagsapalaran dahil sino naman ang hindi maiintriga sa rami ng antigo na nakolekta ng kanilang pamilya?

Ang unang sumalubong sa kanila ay si Ginang Crisostomo na kabababa pa lang sa kahoy na hagdanan. Ang kanyang nagpuputing buhok ay nakatali sa isang pusod, at ang kanyang tikas ay pareho pa rin sa huling pagkikita ng magina.

Natangkaran nga lang ng binata ang kanyang nanay sa tagal ng panahon, at abot braso na lang ang hangganan ng ginang. Pagkakita niya sa kanyang anak ang dala-dalang bilao ng maruming damit ay kinalimutan kaagad ni Ginang Crisostomo at sa tuwa siya ay napatili habang tinatawag ang kanyang asawa.

"Ayat, kay tagal na tayo hindi nagkita! Kumusta ka sa Maynila? Masaya ka ba sa unibersidad?" ani niya. Niyakap niya si Christina ng mahigpit at hindi nagtangkang itong bitiwan. Rinig ni Christina ang tahimik na hagikgik ni Janelle sa likuran niya.

Ilang minuto siyang nakipagbunuan sa hawak ng kanyang nanay, pero masaya namang nakitungo sa kanya. Ipinakilala niya ang kanyang mga kaibigan at tila kumislap ang mata ni Ginang Crisostomo noong malaman niya na may lahing Pranses si Audrey.

Noong hindi bumaba si Ginoong Crisostomo sa kanyang ikaapat na tawag, kumulo ang dugo ng babae at malakas na nagwika, "Eleanor Sanchez Crisostomo bumaba ka rito at batiin mo ang iyong anak! Kung hindi, hindi ko na ikaw tatawagin na aking asawa!" Ngunit wala pa ring imik ang ginoo. Nagbuntong hininga si Ginang Crisostomo, "Cheh! Mukhang kasama pa ng tatang mo si Senyor Linares, Christina. Samahan ko nalang kayo sa inyong kwarto. Come come! Mi casa es su casa." Binigay niya ang kanyang bilao sa isang dumadaan na katulong at itinuro sa kanila ang hagdanan paakyat.

Nagtaka si Christina sa sinabi ng kanyang nanay, "Si Senyor Linares, ma?"

"Oo! Mayroon yatang importanteng pinaguusapan silang dalawa. Pero 'wag kang magalala, nandito ka para sa thesis mo at iyon muna ang iyong pagisipan."

"Tita, Linares po talaga apelyido niya?" sabay sabi ni Rodolfo.

"Syempre! Alam mo ba, kilalang-kilala ang Linares na yan dahil siya yung may-ari ng kalahati ng mga establisyemento dito sa Vigan! 'Bat mo natanong, ubing?"

"Wala lang po tita, mukhang mamahalin kasi ang pangalan."

"And ikaw, masasabi mo ba na rich pangalan mo, Rudolpho?" patusong sabi ng kapatid.

Ngumiti ang lalaki, "Kung ako tatanungin mo, oo, Janelle. Kung sana lang hindi butas bulsa ko dahil sa palamuti na ipinagbibili mo." Tumahimik na lang si Janelle.

Pagkaakyat nila ng hagdanan, nakita ni Christina ang kanyang tatay na nakaupo sa sopa; Ang kanyang noo ay nakakunot habang kausap niya ang katabi niya. Nakatingin siya sa mga nakalatag na papeles sa gitna ng kamagong na lamesa at ang blankong cheke na nakatago sa ilalim ng baso. Babatiin niya sana si Ginoong Crisostomo nung bigla siyang nanglamig; ang kanyang mga mata ay napunta kay Senyor Linares.

Inakala niya nung una na ang matandang Linares ang bumisita, pero laking gulat niya na ang anak ang naupo sa tabi ng tatay niya. Napayuko siya ng ulo at nagtago sa likuran ni Audrey upang siya ay iwasan.

"Okay ka lang ba Christina? Parang nakakita ka ng multo." nagaalalang tinanong ni Audrey. Umiling si Christina at nagsinungaling, "Okay lang ako, iniisip ko lang ang kalagayan ng thesis ko." Noong sumimangot ang babae, pabiro niyang kinuha ang dala nitong kahon ng palamuti.

Ang Nais MaghintayTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang