FLY: Chapter Ten

23.5K 936 471
                                    

CHAPTER TEN



NAGISNAN na lang ulit ni Chynna ang kanyang sarili sa bahay ni Koring. Nasa bungad siya ng pintuan at nakatayo lang doon. Duguan ang mga kamay. Nakita niya na nakaupo na si Tomas sa may papag nito at katabi ang nanay nito. May nababanaag siyang saya sa mukha ni Koring habang nakahawak sa kamay ng anak habang si Tomas naman ay wala pa ring emosyon. Bagaman, kung titingnan ito ay buhay na buhay na ito. Normal na ang kulay ng balat at humihinga na rin ito.


Inalala niyang lahat ang mga nangyari bago pumasok ang langaw sa kanyang katawan. Ang huli niyang naaalala ay kumakain sila ng hapunan ng kanyang mommy...


"H-hindi! Mommy!" Nanginig ang kanyang baba at sunod niyon ay ang pagpatak ng kanyang mga luha. "P-pinatay ko si mommy!"


"Tingnan mo si Tomas. Isang puso na lang at buhay na siya! Tuluyan na siyang mabubuhay!" tuwang-tuwa na turan ni Koring.


Biglang naningkit ang mga niya at sinugod niya si Koring. "Hayop ka!!!" At sinakal niya ito gamit ang duguang kamay. "Ikaw ang dahilan ng lahat ng ito! Ano pa ba ang gusto mo, ha?! Papatayin kita! Hayop ka!"


Nagulat naman si Chynna nang bigla siyang hawakan ni Tomas sa kamay. Tinanggal nito ang pagkakasakal niya kay Koring at itinulak siya nito. Bumalandra siya sa isang sulok.


"'Wag mong sasaktan ang nanay ko," walang emosyon na sabi sa kanya ni Tomas.


"Salamat, anak... Tomas!" ani Koring.


Mas lalo siyang napaiyak nang lumugmok siya. Hindi na niya kaya ang lahat ng nangyayari. Gusto niyang isisi lahat kay Koring ngunit kung iisipin naman talaga ay sa kanya lahat nagsimula. Kung tinulungan lang sana niya ito noon. Pero, huli na ang lahat sa kanyang pagsisisi. Pati sarili niyang ina ay nadamay na at namatay pa sa sarili niyang mga kamay.


Tigam sa luha na tumingin siya sa mag-ina. "Tama na! Oo na, kasalanan ko na ang lahat. Itigil niyo na ito. Hindi ko na kaya!" samo niya. Sa unang pagkakataon ay nakiusap si Chynna. Pakiramdam niya ay napakababa na ng kanyang pagkatao dahil sa ginawa niyang iyon.


Mariin na umiling si Koring. "Huli na para sa mga pagsisisi mo. Nagsalita na ang diablo. Ang gawin mo na lang ay ang tiisin ang lahat. Isang puso na lang at tapos na ang lahat!"


"Isa? At kaninong puso naman ang huling kukunin ko? Sa daddy ko? Sa iba ko pang kaibigan? Ayoko na! Ayoko na!"


"Wala ka nang magagawa pa," sagot ni Koring. Tumingin ito sa anak nito at hinaplos ito sa pisngi. "Tomas, dito ka lang, anak ko. Ibibili kita ng masarap na pagkain sa bayan."


Umiyak na lang nang umiyak si Chynna habang naghahanda na sa pag-alis si Koring. Nagsuot ito ng itim na belo at saka lumabas. Nang buksan ni Koring ang pinto ay doon lang niya nalaman na umaga na pala dahil sa liwanag na nakita niya sa labas. Isinara ulit nito ang pinto at naiwan silang dalawa ni Tomas doon.


Tiningnan ni Chynna si Tomas. Mas gumwapo ito sa paningin niya dahil normal na ang lahat dito. Iyon nga lang, parang wala pa ring ekspresiyon ang mukha nito. Ngunit kanina ay narinig niya itong nagsalita. Isang puso na lang ang kulang dito ayon kay Koring. Ibig sabihin ay tatlong puso ang nakuha niya kagabi. Isa sa mommy niya... Pero kanino ang dalawa pa? Wala talaga siyang matandaan.

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon