Wakas

618 28 2
                                    

Bumubuhos ang ulan mula sa langit. Sinasabayan ito ng galit na kidlat dala ng nangingitim na mga ulap. Sa bawat hampas ng malakas na hangin, marahas namang napapasayaw ang mga puno.

Nasa gitna ako ng bundok, papaling-paling ang mga tingin sa paligid. Tanging ako lang ang naroroon. Gusto kong tumakbo sa hindi ko malamang dahilan. Mistulang may mabigat na enerhiya ang gusto akong kunin.

Isang mapagparusang kulog ang umalingawngaw, dahilan para tumakbo na nga ako. Takbo ako nang takbo. Hindi ko na batid kung sa'n ako dinadala ng aking mga paa. Walang lingon-lingon kong tinatahak ang masukal na gubat. Nakapaa lamang ako kaya't malayang tumutusok ang mga tinik. Gayunpaman, determinado ako sa isang bagay na hindi ko batid.

Para akong hinahabol ng liwanag sa kabila ng kadilimang dulot ng masamang panahon. Gusto nitong higupin ang kaluluwa ko ngunit hindi ako humihinto sa pagtakbo. May malaking parte sa aking isipan ang nagsasabing huwag akong huminto, na mayro'n pa akong kailangang gawin at hindi niya ako pupwedeng kunin.

Ngunit dahil sa isang nakausling sanga ng puno, nadapa ako sa lupa. Tumama ang aking tuhod sa sanga dahilan para magkaroon ng maliit na hiwa roon.

Sumisikip ang aking dibdib. Para 'yong pinipiga dahil sa malakas na pagbagsak ko sa lupa.

At sa pagkakataong ito, nakikita ko na ang liwanag. Tumaas ang aking mga balahibo sa katawan. Napaatras ako. Unti-unting lumalaki ang liwanag sa itaas, hinahawi ang madilim na ulap. Gano'n na lang ang pagsigaw ko ng malakas noong naghugis ulo ito, may nakakabit na lamang-loob, nakabuhaghag ang mahaba't makapal nitong buhok.

Ngayon, nakadungaw ito sa'kin na may nakakalokong ngisi. Lumaki ang hiwa ng bibig nito, hanggang sa napunit na ang madilim na kalangitan. Sa sobrang liwanag, napapikit na lamang ako.

"... Dok."

Naalimpungatan ako noong may yumuyugyog sa aking mga braso. Napabalikwas ako sa'king kinauupuan noong napagtantong nakatulog ako sa kasagsagan ng duty. Nagbabasa lang naman ako ng libro patungkol sa mga nakakatakot na mythical creatures. Nakatulugan ko na pala. Muntik na ring mahulog itong libro kundi lang nakasayad ang braso't ulo ko ro'n kanina.

"Dok, ayaw sana kitang gisingin kasi halatang maganda ang tulog mo, kaso may mga naghihintay pong pasyente niyo, e." Napakamot-kamot sa ulo ang baguhan kong sekretarya.

"Sige. Papasukin mo na," nakangiti kong tugon. Yumuko ang babae bago isinarado ang pintuan ng aking personal na opisina.

Isang taon na rin ang nakalilipas magmula noong natapos maipatayo itong private clinic ko. Pagkatapos naming maikasal ni Rex, pinasimulan na namin kaagad ang pagpapatayo rito. Bumili lang kami ng lote malapit sa bahay na tinitirhan namin dito sa Makati. Mabuti na rin 'yon dahil nagsisilbing exercise ko na ang maglakad papasok at pauwi.

Muli kong pinasadahan ng tingin ang libro. Nakabuklat ito sa pahina 158. Binasa ko ang nakasulat na deskripsiyon. Isa itong mythical creature na pinaniniwalaang nagmula sa bansang Malaysia. Natatanggal ang ulo at lamang-loob nito tuwing pagsapit ng gabi. Mga buntis at sanggol ang espesyal nitong target.

Parang sobrang pamilyar nito.

Napahawak ako sa aking baba, pilit inaalala kung sa'n ko nga ba 'yon lumitaw sa memorya ko.

"Ah! Parang kaparehong anyo lang 'to nang napanaginipan ko kanina. Naku, sa kakahumaling ko sa mga ganito, nadadadala ko na nga pati sa panaginip," napailing-iling kong wika.

Ito ang isa sa puna ni Rex sa akin noong bago kami ikinasal. May nagbago raw sa'kin simula noong umuwi ako galing sa medical mission namin. Lagi raw akong napapatingin sa langit tuwing gabi. Nagiging aligaga ako kapag nakakakita ng buntis. Kaya rin natigil ako ng isang taon sa serbisyu dahil sa panic attacks at anxiety. Gayunpaman, hindi ko talaga maalala ang dahilan ng biglaang paglitaw ng ganoong emosyon. Meron pa ngang isang beses na nag-hysterical daw ako habang nasa gitna ng delivery procedure. Pero sa tulong ng therapist, unti-unti ko nang nakakayang maging produktibong ob-gyn ulit.

Ang Lihim Ng Sitio PutiWhere stories live. Discover now