Kabanata 19

435 24 0
                                    

"Hatchoo!" Namilog ang aking mga mata habang mabilis kong tinakpan ang aking bibig. Pinigilan kong mapabahing muli kahit na sobrang kati ng aking ilong dahil sa matapang na amoy ng suka.

Awtomatikong hinatak ako ni Nazli payuko noong lumingon ang binatilyong si Dodong sa dingding na may butas. Bago kami sumalampak sa matigas na lupa, nakita ko pang inaamoy-amoy ni Dodong ang paligid na mistulang aso.

"Kailangan nating mailigtas si Vida," bulong ko. Nanginginig pa rin ang aking tuhod sa pinaghalong pagod at gimbal sa nasilayan kani-kanina lang. Hanggat maaari ay iniiwasan ko pa ring mapabahing muli sa pamamagitan ng pagtatakip ko ng aking ilong at bibig gamit ang aking kamay.

"Hintayin nating makatulog ang kapatid niya, Dok. Mas madali natin siyang matatalo kung gano'n." Inilapag ni Nazli ang kaniyang bag sa lupa. Ang tanging hawak niya na lamang ngayon ay ang itak. Kinuha niya rin sa pagkakasampay sa kaniyang likuran ang pana at palaso.

"Ikaw ang gagamit nito ngayon, Dok," aniya ng pabulong. Ipinasa niya sa akin ang pana at palaso. Tumango ako bilang pagsang-ayon. Hindi man ako gano'n kagalingan, basta may magamit lang akong armas. Isa pa, mas mainam na ito kaysa sa itak na dala ni Nazli.

Kumakanta na ang kwago sa lilim ng mga puno. Basi sa aking relo, alas dose y medya na ng hating-gabi. Panay ang silip namin sa loob ng kubo kung nakaidlip na ba ang kapatid ni Vidalia. Mukhang matiyaga talaga itong sumusunod sa utos ng halimaw niyang ina. Nakayukyok lang ang ulo nito sa armchair habang may iginuguhit sa isang plywood gamit ang upos ng panggatong.

Noong napagmasdan kong muli ang estado ni Vidalia, gusto ko na lang na sumugod sa loob. May umaagos nang dugo sa mga sugat na dulot ng lubid. Sobrang mugto na rin ng mga mata niya. Ang ulo niya ay nakayuko na, wari'y pagod nang manlaban pa.

Nilingon kong muli si Nazli noong humigpit ang hawak niya sa itak. "Wala na tayong oras, Dok. Kailangan na nating kumilos."

"Pero hindi pa natutulog ang kapatid ni Vida," katwiran ko.

Kinagat ni Nazli ang kaniyang kuko sa hinlalaki. Nariyan na naman ang pabalang na pagtaas ng sulok ng kaniyang labi. "Nagbago na ang isip ko, Dok. Hindi na pwedeng hintayin pa 'yang pesteng batang 'yan na makatulog. Kalahating oras na lang, babalik na ang penanggalan sa katawan niya."

"Kung gano'n—"

"Ay letse!" biglang sigaw ni Nazli. Nakakunot-noo kong nilingon ang dahilan ng kaniyang pagkagulat. Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko noong bumalandra na sa butas ang nanlilisik na mga mata ni Dodong. Hawak-hawak na niya sa kamay ang isang kutsilyo. Dali-dali kaming umalis sa harapan ng butas noong itinusok niya ang kutsilyo sa butas.

"Bwesit na batang 'yan!" pagngingitngit ni Nazli. Mabilis kaming tumakbo papunta sa likod ng kanilang bahay, minamabuting hindi gaanong matunog ang aming mga yapak.

Dumiretso kami papasok sa pintuan ng kusina. Batid naming sinusi ni Dodong ang butas sa labas. Kung mautak siya, magdadala siya ng liwanag sa labas para maaninag ang itim na bag ni Nazli. Pero sa tingin ko'y wala siyang dala, lalo na ngayong narito pa naman sa loob ang gasera.

Dahan-dahan kaming humakbang sa sahig na gawa sa kawayan. Napapahinto pa kami sa tuwing naglilikha 'yon ng tunog.

"Ohmp!" Napadaing ako't napapikit na lang noong nabundol ang aking siko sa isang matigas na bagay. Mariin kong kinagat ang aking pang-ibabang labi dahil sa parang kuryenteng nanunulay sa siko ko. Sobrang sakit no'n na gusto kong manuntok, pero ang tanging nagawa ko na lang ay huminga ng malalim at magpatuloy sa paglalakad. Dahil kaonting hakbang na lang ay mararating na namin ang sala. Ang tanging balakid lang namin ay ang malabong liwanag sa paligid. Hindi kami gagamit ng flashlight upang hindi makahalata si Dodong.

Ang Lihim Ng Sitio PutiWhere stories live. Discover now