Kabanata 7

485 28 2
                                    

"Tahimik dito, Ma'am. Itong bata-bata kong si Omer, nasa akin ang loyalty niyan." Itinuro niya ang lalakeng may binubutinting na sirang electric fan. Payat itong lalake na may mahabang patilya.

Dinala ako ni Barbaros sa isang katamtamang laki na bodega. Masasabi kong bodega dahil nagkalat ang mga patapong makina at sira-sirang gamit sa bawat sulok. Tanging dalawang higaan na gawa sa kawayan ang makapagsasabing ginagawa itong tirahan.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Barbaros. Gusto kong malaman kung may alam ka ba tungkol sa penanggalan," direkta kong giit. Pinagkrus ko ang mga braso sa aking dibdib at mataman siyang pinukulan ng tingin.

"Woah! Teka lang, Ma'am. Paanong... Bakit mo alam ang tungkol diyan?" Dumapo ang mga kamay niya sa likod ng kaniyang ulo.

"Nakita mismo ng mga mata ko! Ang sa akin lang, gusto ko ng detalye, Barbaros. Sabihin mo lang kung may alam ka o wala. Ang hindi ko lang kasi maintindihan ay kung bakit ayaw ungkatin ang bagay na 'yan dito—"

Nakain ko ang mga karugtong na salita noong tinakpan ni Barbaros ang bibig ko. Pinukulan niya ng tingin si Omer bago mahinang bumulong sa'king tainga. "Tara dito, Ma'am," aniya at dinala ako sa isa pang silid ng bodega. Mas masikip 'yon. Ngayon ko lang napagtanto na baka nililinlang lang ako nitong si Barbaros. Baka ginagamit niya lang ang kuryusidad ko sa kung anong binabalak niya.

"Ma'am, mukhang iba na naman 'yang sinasabi ng mukha niyo, ah. Wala akong gagawing masama. Oo nga't nakulong ako pero hindi naman ako rapist, ano," aniya, pero saglit lang ay sumeryoso na ang mukha. "Mahabang kwento ang nangyari, Ma'am. Bata pa ako noong nangyari 'yon rito sa Sitio Puti na naging dahilan para magbulag-bulagan na lang ang nakatira rito."

"Kahit ibuod mo na lang."

Idinantay ni Barbaros ang mga kamay sa kaniyang nakabukakang hita. Ako nama'y sumandal sa dingding habang nakapokus ang atensiyon sa kaniyang sasabihin.

"Ayon sa kwento, noong panahon pa ng mga Kastila, isa sa nasakop ang bayang 'to. Hindi pa Sitio Puti ang tawag dito noon, Ma'am. Malupit ang mga kastila sa mga taong naninirahan dito noon. Ginawa nilang mga alipin ang mga lalake sa pamamagitan ng force labor o kilala bilang polo y servicio. Ang mga kababaihan naman ay naging aliping sekswal ng mga kastilang ganid. Dito na dumating ang isang Malaysian na mag-asawa. Napadpad sila sa lugar na 'to dahil isa silang traveller at manunulat. Ang babae ay nagngangalang Penang at ang kaniyang kabiyak naman ay si Putih. Taglay ni Penang ang kakaibang ganda na kumuha sa atensiyon ng mga tao roon, maski ng mga kastila. Hindi nakatakas ang mag-asawa sa kalupitan nila. Pinagpasiyahan nilang patayin si Putih sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo nito sa harapan ng kaniyang magandang asawa—"

"At sumunod ay ginawa naman nilang sex slave si Penang?" Nanlalaki ang butas ng ilong ko. Isa sa kinaayawan ko sa lahat iyong ginagawang pagdungis sa pagkatao ng mga kababaihan.

"Gano'n na nga, Ma'am. Ginawa siyang alipin, pinagpasapasahan, at pinagsawaan. Dahil sa labis na hinagpis sa pagpatay sa kaniyang asawa at ginawang kababuyan sa kaniya, nagawa niyang patayin ang isa sa dumuhig sa kaniya. Noong una ay takot siya sa ginawa, ngunit kalauna'y tila ba mas lumalim pa ang hayok niya sa dugo. Isa-isa niyang pinatay ang mga kastilang naroon sa iba't ibang paraang alam niya pagkatapos nilang maranasan ang langit sa piling niya. Doon nagsimula ang pagnamnam ni Penang sa dugo. Naging droga niya ang uminom niyon. Isa itong ritwal na pupwedeng magpapanatili sa kaniyang ganda at magbuhay sa kaniyang asawa. Noon pa man kasi ay kasapi na si Penang sa isang kulto na umaanib sa masamang espiritu."

Tumuwid ng upo si Barbaros, kuminang ang strikto niyang mata bago nagpatuloy sa pagsasalaysay.

"Nalaman 'yon ng mga tao kaya tinugis siya dahil sa labis nilang takot. Pinagtulungan nilang igapos ang katawan ni Penang at isinabit ang leeg sa puno hanggang sa malagutan ito ng hininga. Natuwa ang mga tao dahil wala na ang mga kastilang mapang-api, wala na rin si Penang. Ang hindi lang nila alam, iyon na ang simula ng madudugo nilang gabi. Dahil umanib si Penang sa masamang espiritu, kapalit nito ay magiging halimaw siyang katatakutan ng mga tao."

"Ah! Natatanggal ang ulo niya't lamang-loob tuwing gabi. Lumilipad siya sa kabahayan para makakita ng mabibiktimang buntis at mga bata. Pero ba't buntis lang at bata?" pag-i-interrupt ko sa kwento niya.

"Napansin kasi niyang sa dugo ng mga bata sa sinapupunan at mga sanggol lang siya nakararamdam ng sigla sa katawan. Napapanatili niya ang magandang anyo sa umaga dahil sa dugo ng mga ito. Sumisipsip din naman siya ng dugo ng ibang tao pero espesyal talaga sa kaniya ang sa mga sanggol at nasa sinapupunan. Tinawag siyang penanggalan ng mga tao; na mula sa pinagsamang Penang at tanggal (dahil sa natatanggal na parte ng katawan)," pagsagot ni Barbaros. Naputol na lang bigla ang kwentuhan namin noong dumating si Omer na humahangos, bitbit niya sa kamay ang screw driver.

"B-boss, may patay... may patay na namang natagpuan sa kanal!" hinihingal na sigaw ni Omer.

Pareho kaming nagkatinginan ni Barbaros dahil sa narinig. Hindi na kami nag-aksaya ng panahon dahil dumiretso na kami sa sinabi ni Omer.

Madali lang akong nakalusot sa nagkumpulang mga tao, hindi kagaya noong dati. Salamat kay Barbaros na tindig pa lang, eh, mapapausog ka na talaga sa laking tao nito.

Nanlalamig ang katawan ko pagkakita sa nakabukang bibig at mata ng batang nasa edad apat. Nangingitim ang natuyong balat nito. Napako pa ang tingin ko sa nakabukang dibdib ng bata; tila hinalukay ito sa paraan ng pagkabutas. Marami ring mga butas sa kaniyang leeg at braso. Mistulang matalim na ngipin ang naging marka sa ilan pang parte ng katawan.

Wari gripo na tumulo ang luha sa aking pisngi. Napahawak ako sa aking dibdib sa pinong kurot doon.

Ganito ba ang gustong mangyari ng mga tao? Hahayaan na lang ba nilang mamatay ang mga buntis at mga bata? Magiging pipe't bulag na lang ba sila sa nangyayari? Dahil ako, hindi ko kaya.

"Barbaros, gusto ko pang malaman ang karugtong ng kwento," pagbasag ko sa katahimikan noong tinatahak na namin ang daan pauwi. Medyo may kalayuan kasi ang kanal na pinuntahan namin. Karugtong ito ng tubig na pinagkukunan nila ng tubig; isang underground water source.

"Gustuhin ko man, Ma'am, kaso may kailangan pa kaming tapusin ni Omer. Sa susunod na lang ulit." Bumaluktot ang likod ni Barbaros at pinagdaop na naman ang mga kamay sa likuran niya.

Tahimik akong pumasok sa loob ng bahay. Gusto ko na lang ibaon ang mukha ko sa higaan dahil sa mga nalaman at nasaksihan ko kani-kanina lang. Pero mukha yatang hindi ako patatahimikin ng tadhana dahil sa dalawang doktora na nakaabang sa akin sa sala. Nakahalukipkip si Dok Janet habang umiinom naman ng tsaa si Dok Belinda.

"Dok Chen, may tinatago ka ba sa'min?" Gahamang kumabog ang dibdib ko sa walang paligoy-ligoy na tanong ni Dok Janet.

Sinenyasan ako ni Dok Belinda na maupo sa tabi nila.

"Hindi kami nakiusisa noong nakaraan kasi baka need mo lang ng space at privacy. Naiintindihan naman namin kung mas gugustuhin mong maging private sa problema mo. Ang sa amin lang kasi, nag-iba ka simula noong sinabi mong umalis na tayo rito," ani Dok Belinda, hinimas niya ang maalon kong buhok. "Feel ko lang kasi na may nalaman ka rito na ikinatakot mo. Baka gusto mong sabihin sa'min para aware kami."

Patuloy akong nagtikom ng bibig. Mas pipiliin ko pang wala silang alam sa nangyayari kaysa matakot din sila. Sapat nang ako lang ang haharap sa isyung 'to.

Sa ngayon, unti-unti nang napaparisan ng determinasyon ang kuryusidad ko. At kung walang kikilos para magapi ang halimaw, sino pa ang mangangahas na manguna? Natitiyak kong hindi 'to imposible basta may kooperasyon. Ang kailangan lang ay ang mga magbubuluntaryo.

Ang Lihim Ng Sitio PutiWhere stories live. Discover now