Kabanata 18

483 27 0
                                    

Naalimpungatan ako sa malakas na kalabog at sigawan. Kinuskos ko muna ang aking mga mata bago sinindihan ang gasera. Ilang minuto lang ay mas lumakas pa ang kumusiyon. Dahil doon, nagkukumahog na binuksan ko ang bintana. Kasabay niyon ang pagtaas ng litid ni Aling Ramona na pilit inaawat ang dalawang binatilyong nagsusuntukan na.

Inayos ko ang aking salamin sa mata at mas naklaro na ang mga itong naglalaban. Hindi na magkandamayaw sa iyak ang ginang kaya't may mga kapitbahay na rin ang nakiusyuso. Mukhang ang mga binatilyong 'to ay anak ni Aling Ramona.

Kusang nanlaki ang nga mata ko noong nagpupukpukan na sila ng bote.

"Anong ingay 'yon?" Nakabuhaghag pa ang buhok ni Dok Janet noong nagkasalubong kami sa hagdan papuntang sala.

"Mukhang mga anak ni Aling Ramona ang nagsusuntukan sa labas. Pilit na nilang binubuwag ngayon," sagot ko at pumanaog na nang tuluyan.

"Teka, lalabas ka?" Kumunot ang noo ni Dok Janet bago ipinagkrus ang mga braso.

"Oo, may titingnan lang ako," sagot ko, isinuot na ang tsinelas na nakasandig sa dingding malapit sa pintuan. "Titingnan ko lang kung may kailangang gamutin o baka magtawag na rin ako ng ibang tutulong sa pag-awat."

Lumabas nga ako ng bahay sa kabila ng lamig at pagtutol ni Dok Janet. Bitbit ko ang aking flashlight na de-baterya. Isa talaga kasi sa problema sa Sitio Puti ay ang kawalan ng kuryente sa lugar. Kaya kung hindi de-baterya ang mga gamit, may mga nakadepende lang sa gasera at sulo.

Akmang ibabato na ng medyo may kapayatang binatilyo ang bote sa kasagupaan noong inawat siya ng lalakeng may bigote. Kung hindi ako nagkakamali ay siya 'yong nakausap ni Barbaros noong nakaraan na tinawag siyang "pre".

Sa una'y pumapalag sa hawak ng lalake ang binatilyo't nagsisisipa pa, ngunit mahigpit ang hawak ng lalake sa mga kamay nitong inilagay niya sa likod nito. Ang isang binatilyo nama'y hinatak ng isang lalakeng may mahabang buhok papasok ng bahay nina Aling Ramona.

Nakatayo lang ako sa tapat ng bahay na inuupahan namin pero tanaw ko naman mula rito ang mga sugat sa bandang pisngi, braso at binti ng binatilyo.

"Tay, anong pinagmulan ng away?" hindi ko na napigilang magtanong sa isa sa mga saksi.

"Nag-inuman kasi 'yang mga 'yan sa kaibigan niyang si Jojo. Sumama 'yang dalawang magkapatid. Aba'y umuwi nang nakainom kaya no'ng nabunyag ni Jojo na bumukaka 'yong nobya nitong kapatid niya, do'n na nagsimula ang away. Nabulabog pa tuloy pati kayo, Dok," ani Tatay na napagtanungan ko.

Pasalamat na lang ang dalawa na walang malalang nangyari sa kanila. Hirap pa naman ang masasakyan papuntang sentro. Iilan lang silang may de-gulong.

Hindi na rin nagtagal ay dinala na ng may bigoteng lalake ang binatilyo papasok sa kalapit na bahay-kubo. Ang sabi ni Tatay kanina ay 'yong Jojo raw 'yong hawak ng lalakeng may bigote habang Tope naman ang pangalan noong kapatid niya.

Napagpasiyahan ko nang pumasok na lang sa loob ng bahay. Hahakbang na sana ako papasok noong namataan kong parang may bultong tumalon mula sa balkonahe nina Nang Minda pabagsak sa lupa sa likod-bahay.

Imposible namang akyat-bahay dahil wala pa naman akong narinig na talamak ito rito. Kung hindi akyat-bahay, posibleng...

Nazli!

Mabilis kong naisarang muli ang pintuan at tinakbo ang likod ng bahay nina Nang Minda. Purong maliliit na damo at ang compost pit lang ang naroroon.

Natitiyak kong hindi ako namamalikmata lang kanina. Si Nazli talaga 'yong tumalon paibaba.

Iginala ko ang aking mga mata at pinatalas ang pandinig. Hindi naman ako nabigo noong may mga yapak akong naririnig na papahina. Sa 'di kalayuan ay nakita ko ang babaeng tumakas. Hindi na ako naghintay pa ng siyam-siyam dahil hinabol ko na ito.

Ang Lihim Ng Sitio PutiWhere stories live. Discover now