Kabanata 17

452 26 0
                                    

Nasa bukana ng pintuan ang isang babaeng mukhang nakatatandang kapatid lang ni Vidalia. Makinis ang porselana nitong balat, hugis puso ang nakatikom na mga labi, at maganda ang hugis ng katawan. Mukha ngang sinalo ng magkapatid ang lahat ng grasya.

"Ba't hindi mo papasukin ang bisita mo, Vida? Ayain mong magkape," saad nito sa malumanay na boses. Halos ilang metro ang pagitan namin nitong kapatid ni Vida. Mukhang wala itong balak tuluyang lumabas sa kanilang bahay.

"Ah, paalis na rin si Dok Chen. Wag na, Ma," tugon ni Vida na muntik nang nagpahulog sa baba ko.

"Hindi mo siya kapatid?" hindi makapaniwala kong tanong.

Tipid na ngiti ang kumawala sa bibig ni Vidalia. "Si Mama Rosita nga pala. Madalas siyang tinatawag na Rosing dito sa sitio noong nagtatrabaho pa siya sa Mary's—ah, noong panahong nakakagala pa siya sa sitio.

"Nabanggit mo ang Mary's... Tinutukoy mo ba ang birth center? Nakapagtrabaho pala siya ro'n? Hula ko, ikaw ang sumunod sa yapak niyang maging midwife."

Biglang naging aligaga si Vidalia sa kaniyang kinauupuan.

"Dok, umuwi ka na. Baka maabutan ka pa ng ulan. Sumasama na ang tiyempo ng langit."

Gusto ko pa sanang magtanong pa at klaruhin ang lahat, lalo na ang reaksiyon niyang hindi mapakali. Ni hindi nga halos makatingin sa akin ng tuwid. Habang tumatagal, mas nadadagdagan ang suspetsa sa aking sistema. Marami nang palatandaan na nagdidiin sa tunay na katauhan ni Vidalia.

Kung gano'n man, posible kayang isang pamilya sila ng penanggalan?

May tumubong kilabot sa aking sistema. Gayon na lang ang pagsitaasan ng mga balahibo ko sa braso. Napatayo ako kaagad at dumistansiya kay Vidalia. Niyakap ko ang aking sarili sa namamahay na daga sa aking dibdib.

"S-sige. Aalis na 'ko, Vida. Baka nga maabutan pa ako ng ulan," paalam ko habang hinihimas ang promise ring namin ng nobyo ko.

"Aling Rosa..." Mahina ko lang itong tinanguan at dali-daling nagsimulang maglakad.

Gayunpaman, isang malakas na hangin pa-kanluran ang humampas mula sa kubo papunta kay Vida, at maging sa akin. Dahil dito, umabot sa aking ilong ang matapang na amoy suka. Naging dahilan 'yon ng aking pagbahing.

Pumasok kaagad sa aking isipan ang kwento ni Barbaros. Suka...

Dahil nasa may kalayuan na ako sa bahay nina Vidalia, noong lingunin ko siya'y kakapasok lang niya sa loob. Sumasayaw ang mahaba niyang buhok sa tugtog ng hangin.

Nagkumahog akong umuwi. Ipinagsawalang-bahala ko na kung puro putik na ang gulong ng dyip ni Barbaros dahil sa putik na dulot ng biglang pagbuhos ng ulan. Isinauli ko kaagad 'yon kay Omer dahil 'yon ang pangako ko sa kaniya. Mabait naman ito dahil pinahiram ako ng payong pauwi noong hindi ako pumayag na patilain muna ang ulan bago umuwi. Dahil sa pagmamatigas ko, at sa pagmamadali na rin, nagkandaputik na ang suot kong sapatos at napasukan na rin ng tubig. Basa na nga rin ang ulo at damit ko, maging ang suot kong salamin sa mata ay hindi nakaligtas sa ulan.

"Saan ka nagpunta, Dok? Nalaman na lang namin kay Marites na umalis ka na. Umuwi ka pang sobrang basa sa ulan," ani Dok Belinda, may iniabot itong tuwalya at bimpo na kaagad ko namang tinanggap. Narito rin si Dok Janet, naka-dekwatro sa sala.

Isinampay ko lang ang tuwalya sa'king balikat dahil parang puputok na ang puso ko na sabihin sa kanila ang nahinuha ko. Wari'y naramdaman ni Dok Belindang importante ang sasabihin ko kaya umupo ito't pareho na sila ni Dok Janet na matamang naghihintay sa isisiwalat ko.

Umupo ako sa kawayang sofa; kaharap nila. "Kilala ko na ang halimaw..."

Nahintakutan ang dalawa at halos tahimik na lang noong nasa hapag na kami, hindi maisang subo ang kanilang nalaman kani-kanina lang.

Ang Lihim Ng Sitio PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon