Kabanata 1

924 40 0
                                    

"Wala ka bang barya riyan, Dok? Umaga pa lang, eh," sabi ng ginang na napangiwi pagkakita sa isang libong inabot ko. "Bente-singko pesos lang ang makukuha, Dok. Saan naman ako hahanap ng panukli sa isanlibo mo?"

Muli kong kinapa ang bulsa ng suot kong faded jeans, ngunit wala akong nakapang barya mula roon. Sa pitaka kong dala ay wala rin dahil naubos iyon noong huli kong punta rito sa sari-sari store niya. Nalaman kong hindi pala gaanong nakaiikot ang perang papel sa Sitio Puti kaya medyo nagkapro-problema ako sa pagbili ng isang de lata. Kung hindi ba naman kasi malayo ang sentro, e, 'di sana nakabili na ako ng mga gulay at prutas ngayon. Wala rin kasing nanininda rito ng lutong ulam.

"Ganito na lang siguro, Manang, ilista niyo na lang po muna ito bilang utang. Sabado bukas kaya makapupunta ako sa sentro ng Arkanghel. Babayaran ko po ang utang ko pagbalik ko. Okay po ba?" Nginitian ko ang pobreng ginang na kanina pa nakakunot ang noo.

"O, siya, sige. Pasensiya na rin talaga, Dok. Barya-barya lang din kasi ang nabebenta ko rito kaya hirap ako sa panukli. Gawa ng hirap ng buhay, Dok, ito't naghihintay lang kung may bumili sa maliit kong tindahan. Gustuhin ko mang libre na lang 'yan para sa'yo kaso ako naman ang mamomroblema sa kakainin namin..." Nadagdagan pa ang litaniya ng ginang patungkol sa kahirapan ng buhay, kawalang edukasyon, at iba pa. Mabuti na lang ay may batang babae ang bumili ng kendi kaya nahinto siya sa kasasalita habang ako'y diretso alis.

Tatlong linggo't mahigit pa lang ang nakararaan simula noong napadpad kami sa Sitio Puti.

Matagal ko na ring naririnig ang WEHEAL; isang pribadong organisasyon ng mga doktor na ang mga miyembro ay mula sa iba't ibang lugar sa Pilipinas, sakop maging ang ilang doctor mula sa ibang bansa. Sa Pilipinas ay si Dr. Miguel Cabrera ang kumakatawan bilang leader ng organisasyon habang ang puno nito ay isang Aussie na neurosurgeon. Isa sa programa nila ay ang paglulunsad ng medical missions tuwing Nobyembre hanggang Enero, kada taon. Kaya naman, ngayong taon ay napadesisyunan ko nang sumali sa kanila. Sa kabila kasi ng trabaho ko sa isang private hospital sa Makati, gusto ko ring maranasan ang makatulong sa mga taong nasa far-flung areas.

Hindi sana ako ang madedestino sa Sitio Puti kung hindi lang biglang nagkasakit ang isa naming kasamahan. Ako na lang ang nagboluntaryong ma-assign sa sityo dahil sa isip-isip ko'y maganda rin 'tong lugar upang mapalayo sa polusyon ng siyudad at bonus pa ang masaganang berdeng paligid. Suportado naman ako ng aking nobyo sa bagay na ito dahil naiintindihan naman niya ang passion ko bilang isang doktor. Iyon nga ang nangyari. Hinatid kaming tatlong doktor ng isang van papunta sa lungsod ng Arkanghel, nakipag-usap sa punong alkalde tungkol sa kontrata, at inihatid sa naturang sityo. Naipasaayos na rin kaagad ng alkalde ang Mary's Home bago kami dumating. Nakapagbayad na rin daw ito ng renta sa bahay na aming pansamantalang tinitirhan ngayon. Iyon ang isa pang maliit na bahay ni Nang Minda na pagmamay-ari raw ng yumaong mga magulang nito.

Dalawang kilometro ang layo ng Sitio Puti mula sa sentro ng Arkanghel, at mahigit kumulang trenta minuto naman sa ibang parte ng barangay San Miguel. Nasisiyahan ako dahil sariwa ang paligid dito. Ang mga matatayog na berdeng puno kaagad ang bubungad pagkabaybay sa makipot na daan. Isang dipa lang ang lawak ng daan patungo rito sa sityo kaya hindi nakapapasok ang malalaking sasakyan. Bukod diya'y malubak pa dahil maraming mga bato.

"Ba't po isinama pa rin ang Sitio Puti sa San Miguel? Sobrang layo na po kasi nito, eh," hindi ko mapigilang tanong kay Nang Minda nang tanghalian. Dumalaw kasi ito sa amin at may dalang nilaw-oy; sinabawang malunggay na may karne ng hilaw na bunga ng niyog. Titirhan ko na lang ang dalawa nito dahil mamaya pa siguro sila darating.

"Mahabang kwento, Dok. Basta noon pa man ay ito na ang nakagisnan namin. Panahon pa ng Kastila ay parte na 'to ng San Miguel." Kinuha niya ang baunan na kanina'y pinaglagyan ng sabaw na malunggay. Mabilis kong pinigilan ang kamay niya.

Ang Lihim Ng Sitio PutiWhere stories live. Discover now