Kabanata 3

647 35 0
                                    

Nahahapong nagising ako mula sa isang masamang panaginip. Pinunasan ko ang tagaktak ng pawis sa aking noo at leeg. Pinakalma ko ang karerahan sa aking dibdib pagkakita sa orasan. Pasimple kong tiningnan ang nakasaradong bintana pagkaalala sa kakaibang panaginip na 'yon.

Doon sa aking panaginip ay may humahabol daw sa aking isang malabong anino na gusto akong patayin. Tumakbo ako palayo ngunit kahit anong takbo ko ay palagi ako nitong nahahabol dahil para itong lumulutang sa ere. Walang gustong kumawalang boses mula sa aking bibig kaya naipon sa'king lalamunan ang paghingi ng saklulo. Basta na lang akong tumakbo sa kawalan, naghahanap ng pwedeng mapagtaguan.

Marahas akong napabuga ng hangin habang hawak ang aking dibdib. Hindi pa rin 'yon humuhupa sa mabilis na pagpitik kahit dalawang minuto na akong gising. Masamang panaginip na naman. Napadadalas na ito simula noong nakita ko ang bangkay sa sagingan.

Binuhay ko ang lampara bago tiningnan ang pendulum na orasan na nakakabit sa dingding. Alas onse pa lamang ng gabi. Napawi na ang antok sa aking diwa kaya't tuluyan na akong umalis sa higaan. Napagpasiyahan ko ring pumanaog sa kusina dahil nararamdaman ko ang panunuyo ng aking lalamunan. Pino lang ang ginawa kong mga hakbang. Minabuti kong huwag maglikha ng ingay sa ibaba dahil mahimbing na ang pagkakatulog ng dalawa sa kani-kanilang silid. Nagsalin ako ng isang basong tubig mula sa jar at nilagok iyon. Umupo ako sa isang mahabang kahoy na upuan at idinantay ang mga paa sa natitirang espasyo. Hinilot-hilot ko ang aking paa habang inaalala ang nasa bubong nina Tonyang kanina—pati na ang pares ng matang nakamasid sa labas. Ayokong isiping may kakaiba nga rito sa Sitio Puti. Marahil, naging malikot lang ang imahinasyon ko dala na rin sa impluwensiya ng mga kwento ng aking nobyo bago ako napunta rito.

Tumaas ang isa kong kilay noong tila ba may mga kaluskos mula sa labas; tunog hinihila na may kasamang kalabog. Binalewala ko na lang 'yon dahil baka aso lang na pagala-gala tapos pinagdedeskitahan ang compost pit sa likod. Ang mga aso kasi rito ay hindi itinatali o kinukulong, bagkus ay pinapabayaan lang kung saan magpunta. Ilang minuto nama'y humina na ang kaluskos hanggang sa napalitan 'yon ng sigawan. "Oo, talagang aalis ako sa pesteng pamamahay na 'to! Akala mo kung sino kang letse ka?! Putangina mo!"

Teka. Ka-boses 'yon ni Kanor. Nag-aaway na naman ba ang dalawa kahit maghahating-gabi na?

"Bahala kang mabulok dito, Tonyang. Iiwan na kita!" rinig kong sigaw uli ng walang hiyang si Kanor. Sumunod ang isang tunog nang kumalabog na yero.

Masama man ang makiusyuso sa buhay ng iba, hindi ko mapigilang hindi kabahan para sa sitwasyon ni Tonyang. Nagdadalang-tao ang babae at nalalapit na itong manganak. Kailangan niya ng katuwang sa buhay, hindi ang maperwisyo sa isang lalakeng walang alam kung hindi gulo at alak.

Pinagpatong-patong ko ang tatlong upuang plastic sa dingding ng kusina. Tumuntong ako roon upang matanaw sa siwang ang likod-bahay kung saan makikita sa 'di kalayuan ang harapan ng bahay nina Tonyang at Kanor. Namataan ko ang bulto ng dalawa sa kabila ng mga sanga na nakatabing sa kanilang bintana. Natutop ko ang aking bibig noong nakitang tumama ang palad ni Kanor sa mukha ng asawa. Batid kong malakas 'yon dahil tumabingi ang mukha ni Tonyang. Sapo-sapo na ng babae ang nasaktang pisngi habang tanaw ang walanghiya niyang asawa na nagkukumahog umalis. Kita kong pabalibag na isinara ni Kanor ang lumang pintuan ng kanilang bahay na gawa sa kahoy. Pabalang itong naglakad paalis ng bahay bitbit ang flashlight. Wala man lang 'tong dalang bag.

Noong naglaho na ang bulto ni Kanor sa kakahuyan, namataan ko naman si Tonyang na nakadungaw lang sa bintana ng kanilang bahay. Bahagya kong inayos ang salamin sa mata noong nakitang nagpupunas ng luhaang pisngi ang babae. Ilang minuto pa'y isinara na nito ang bintana. Kinain na muli ng katahimikan ang paligid.

Kanina, habang tanaw ko ang nangyari, nais ko nang pigilan si Kanor sa pagpapasakit sa asawa.

"Kawawa naman si Tonyang. Kung ganiyang klaseng lalake ba naman ang mapapangasawa ko, e, mas pipiliin ko na lang ang tumandang dalaga," saad ko sa hangin, umiiling.

Ang Lihim Ng Sitio PutiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon