"Mas malinaw ang kinabukasan mo kaisa sa 'kin. Ako, kahit siguro pag-aralin, hindi na ako mag-aaral. Nakakatamad at sigurado akong walang papasok sa utak ko. Kaya pinapauwi na kita para maipagpatuloy mo ang pag-aaral mo. Wala kang mapapala dito . 'Wag mo na lang pansinin 'yong tatay mo, nabigla lang siguro 'yon kaya ka n'ya nasaktan." Sabi n'ya na pinakinggan ko namang mabuti. Sa tagal kasi naming magkasama eh, ngayon ko lang s'ya naringgan ng mga salitang may kabuluhan. Papalabas na ako ng pinto nang muli n'ya akong tawagin. "Win, ayos lang maging bakla." Sabi n'ya, na s'ya namang nagpangiti sa 'kin. Tuluyan na akong lumabas at hindi na lumingon pang muli. Diretso lang ang lakad, pero ipinangako ko sa sarili kong babalik ako dito, kahit anong mangyari.